Tikatik ng Ulan sa Yerong Bubong

NAHIDLAW pala ako sa lanton ng tikatik ng ulan sa yerong bubong.

Bisperas ng Todos Los Santos at tatlong araw na akong “nagbabakasyon” dito sa bahay namin sa Rosario, Pasig. Hindi naman talaga ito masasabing “staycation” dahil simula pa noong Setyembre ng nakaraang taon, doon na ako nakatira sa nirerentahan kong condo sa Taft Avenue sa tabi ng De La Salle University na pinagtuturuan ko ngayon. Parang iyon na ang tirahan ko sa ngayon.

Kada Linggo ng umaga na lamang ako umuuwi dito sa Pasig upang dalhin ang maruruming damit ko para malabhan at kunin naman ang malilinis kong damit. Linggo kasi ang iskedyul ng labandera namin. Kadalasan pagkatapos ng pananghalian ay bumabalik na ako sa aking condo. Marami kasing dapat gawin. Kailangang maglinis at mag-ayos nang kaunti sa condo. Kailangang mag-grocery para sa buong linggo. Kailangang mag-ayos ng mga damit sa aparador at mamalantsa kung kinakailangan. May mga papel ng estudyante na kailangan ko ring basahin at bigyan ng grado. Higit sa lahat, kailangan ko ng mga sandaling maupong nakatulala lamang para magkaroon ako ng lakas na harapin ang sandamakmak na trabaho sa loob ng linggo.

Nakakapaglagi lamang ako ng ilang gabi rito sa Pasig kung term break, lalo na kung Pasko at wala akong pupuntahang ibang lugar. Bakasyon ngayon para sa Undas kung kayâ nandito ako. Dito muli ako nagsusulat sa mesang-sulatan ko rito sa aking kuwarto. Nami-miss kong sumulat dito.

Maulanin ngayong linggo. May low pressure yata sa Kabisayaan. Papunta ang low pressure sa Palawan at pagdating daw nito sa Dagat Sulu, magiging bagyo ito sabi ni Mang Tani, ang resident weather forcaster ng GMA. Dalawang araw nang umuulan. Mahinang ulan lamang. Yung tinatawag nilang “binabaeng” ulan. May pagka-sexist lang kasi “lalaking ulan” siyempre ang malakas at “babaeng ulan” ang mahina. Sa gitna ng malakas at mahina naman ang “binabae” o “baklang ulan.”

Ang sarap maupo rito sa kuwarto ko at tumunganga habang pinapakinggan ang tikatik ng ulan sa aming yerong bubong at sa bubong ng kapitbahay namin. Marami akong dapat gawin—tatlong proyekto!—subalit tila ang tamad-tamad ko. Gusto ko lang tumunganga o magbasa. Kahapon nga, muli kong binasa ang nobelitang Death in Venice ni Thomas Mann. At kanina, pinanood kong muli ang dalawang lumang pelikula ni Sharon Cuneta—ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin.

Pagsasayang ba ito ng oras? Hindi naman. Feeding my soul ang tawag ko rito. Pinayayaman ko lamang ang aking damdamin at isipan. Mahalagang gawain kung kailangan kong magpatuloy sa pagsusulat.

Kanina, habang nakatunganga ako, pinapakinggan ko ang tikatik ng ulan. Nang mga sandaling iyon ko lang natanto na nahidlaw pala ako sa tunog ng ulan. Sa condo ko kasi, kahit malakas ang ulan, hindi ko naririnig ang tikatik nito. Kapag mahangin, medyo nababasâ ang bintana ko pero iyon lang. Kung minsan nagugulat ako na pagbaba ko at paglabas ng condo may baha sa Taft Avenue.

Sa condo natutulog ako na dinuduyan ng hagong ng lumang aircon. Nakakatulugan ko rin ang pakikinig sa eskandalosong pagbubusina ng mga dyip, bus, at motorsiklo na dumadaan sa harap ng aming condo. Ito ang rason kung bakit ako nag-i-aircon kahit na parang sapat naman ang lamig na dulot ng elektrikpan. Kung binubuksan ko kasi ang bintana sa aking kuwarto, ang ingay talaga ng mga sasakyan. Buong magdamag. Kapag malalim na ang gabi, tumitingkad ang ingay sapagkat tahimik na ang paligid. Kahit na sa ika-18 na palapag ako nakatira, parang nasa labas lang ng bintana ko dumadaan ang mga sasakyan.

Ito ang malaking pagkakaiba ng bahay namin dito sa Pasig at sa condong nirerentahan ko sa Taft bukod sa espasyo. Dito sa Pasig, tahimik kasi medyo looban kami sa aming cluster dito sa Flexi Homes. Wala akong naririnig na busina ng mga sasakyan dito.

Sabi ni Mang Tani, magiging maulan pa ang panahon sa loob ng dalawang araw. Dahil wala naman akong kailangang dalawin sa mga sementeryo dito sa Kamaynilaan, dito lang ako sa bahay.

Dalawang araw na maulan. Dalawang araw pa ako rito sa bahay namin sa Pasig bago bumalik sa Taft Avenue sa condo ko. Dalawang araw pa itong pagkakataon na tumunganga at makinig sa tikatik ng ulan sa yerong bubong. Kapag ganito, nagkakaroon ako ng pakiramdam na kuntento na ako sa aking buhay.

 

[Oktubre 31, 2017 Martes
Rosario, Lungsod Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s