MULI kong pinanood ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin ni Sharon Cuneta nitong nagdaang bakasyon sa Undas. Ang realisasyon ko this time, bakla yata si Sharon Cuneta. Baklang-bakla ang mga karakter na ginampanan niya sa dalawang pelikulang ito.
Ang panonood ng mga lumang pelikula ay isa sa mga bisyo ko kapag may ilang araw na bakasyon mula sa trabaho. Siyempre, dahil rabid Sharonian ako, di ako nagsasawa na paulit-ulit pinanonood ang mga lumang pelikula niya. Salamat at available ang mga ito sa DVD. Yes, nasa panahon pa ako ng DVD. Di pa nagmo-move on sa Netflix o pamimirata ng mga pelikula online.
Speaking of DVD ng mga pelikula ni Sharon, hanggang ngayon itinatago ko pa rin ang mga VHS tape ng mga pelikula niya. Siyempre mayroon din akong mga VCD. At kung cassette tapes ng mga kanta ni Sharon ang pag-uusapan, may laban itong koleksiyon ko.
Magkasunod kong pinanood noong besperas ng Undas ang Tayong Dalawa at Una Kang Naging Akin. In fairness, si Laurice Guillen pala ang nagdirehe ng mga ito. Kapag nanonood kasi ako noon ng mga pelikula ni Sharon sa sinehan, pakialam ko kung sino ang direktor o ang sumulat ng iskrip. Ang gusto ko lang mapanood si Sharon. Ni wala nga akong pakialam kung sino ang leading man niya. Si Sharon lang talaga ang concern ko. Bunos na lamang na palaging pogi at seksi ang mga katambal niyang lalaki. Sa dalawang pelikulang ito, si Gabby Concepcion ang katambal niya. Si Guillen ang direktor na isa sa mga pinakamagaling nating direktor ngayon. Ngayong siniseryoso ko na ang pagiging manunulat, natutuwa ako kapag nababasa ko sa iskrin na si Butch Dalisay pala ang sumulat ng kuwento at dulang pampelikula ng Tayong Dalawa at si Orlando Nadres naman ang sumulat ng dulang pampelikula ng Una Kang Naging Akin na base sa kuwento sa komiks ni Helen Meriz.
Samakatwid, big names larangan ng literatua ang nasa likod ng dalawang pelikulang ito ni Sharon.
Lumabas sa mga sinehan ang dalawang pelikulang ito noong 1991, nasa unang taon ako ng kolehiyo sa Lungsod Iloilo, at apat na taon matapos maghiwalay sina Sharon at Gabby.
Kadalasan, hindi masyadong nakikipaghalikan (“torrid kissing” ang tawag sa mga movie magazine na binabasa ko noon) o nakikipag-bed scene si Sharon sa mga leading man niya sa pelikula. Pero siguro dahil ex-husband naman niya si Gabby at ama ng kaniyang anak, bongga ang mga halikan at bed scene ni Sharon dito.
May tatlo o apat na bed scene yata sa Tayong Dalawa at kung makipag-lips to lips si Sharon kay Gabby ay wagas. Sa Una kang Naging Akin, gustong-gusto ko ang eksenang naka-itim na sarong lamang si Sharon at pinuntahan si Gabby sa kubo nito sa tabi ng dagat isang gabi at nagtsuktsak sila! Baklang-bakla ang eksena. May linya pa siyang, “Hinahanap kita. Kailangan kita.” Saka sa pagyakapan at halikan nila unti-unting lalakas ang kantang “Kung Kailangan Mo Ako” na si Sharon siyempre ang kumakanta. Ako namang si Gaga, kinikilig pa rin. Pakiramdam ko ako si Sharon.
Ang tsuktsakang eksenang ito sa kubo sa tabingdagat ay mapupunta sa eksena ng landian at suyuan sa dagat hanggang sa paglalakad na magkahawak-kamay sa dalampasigan habang papalubog ang araw. Ngayon, sinong bakla ang di madadala sa ganitong eksena?
Kung hindi ko lang alam na babae si Guillen, iisipin ko bakla ang direktor ng pelikulang ito.
Ang ganda-ganda ni Sharon sa Una Kang Naging Akin bilang si Diosa, isang pintor na nakatira sa isang isla sa Palawan dahil nabigo na siya minsan. Galit siya sa lalaki dahil ang dati niyang pilotong boyfriend ay may asawa pala sa isang bansa sa Europa. Nadiskubre na lamang niya ito nang mag-crash ang eroplano ng boyfriend.
Isang araw, umuwi ang marine biologist na ama ni Diosa sa isla na may kasamang pogi at seksing lalaki, si Darwin na si Gabby Concepcion siyempre. May amnesia ito at ang totoo ay isang mayamang negosyante na nag-crash ang helicopter sa isang gubat sa Palawan. Inalagaan siya ng mag-anak na Batak hanggang sa lumakas. Tinulungan nito ang ama ni Diosa nang maagawan ng bag sa bayan. Pero dahil nga galit sa mga lalaki si Diosa, galit siya siyempre kay Darwin. Ayaw niyang nakatira sa kanilang bahay ang poging lalaki.
Isang araw, habang nagpipinta si Diosa sa isang tagong puting dalampasigan, kinausap siya ni Darwin na may dala-dalang hunting shotgun at nahuli nitong malaking bayawak. Tinanong niya kung bakit galit si Diosa sa kaniya. Siyempre naimbudo si Diosa dahil naistorbo siya sa kaniyang pagpipinta. Iniligpit ang kaniyang mga gamit paminta at ang kanbas, at nag-walk out habang tinatalakan si Gabby ng, “You’re fake. You’re a liar! Niloloko mo lang kami,” tsu-tsu to that effect. At bigla siyang tinutukan ni Gabby ng baril. Ang buong akala ni Diosa, at kitang-kita ito sa reaksiyon ng mukha ni Sharon, babarilin siya ni Darwin. Pumutok ang baril. May nalaglag na may kalakihang python sa tabi ni Diosa. Nakalambitin pala ang sawa sa isang sanga ng kahoy kung saan siya nakatayo. Dahil doon, naging magkaibigan na sila. Pakiramdam ni Diosa ay iniligtas ni Darwin ang buhay niya. A little kindness from a boy, bitag ng pag-ipig para sa mga baklang marurupok ang damdamin.
Naisip ko lang, sana hindi totoo ang ahas at ang bayawak na pinatay sa pelikula. Buti noon hindi pa masyadong aktibo ang mga animal rights group. Naalala ko tuloy ang pelikulang Oro na noong nakaraang Metro Manila Film Festival ay nagkaroon ng malaking eskandalo ang eksenang may kinatay na aso.
Fast forward. Nagpakasal sina Diosa at Darwin kahit na may amnesia pa ang lalaki. Nabuntis si Diosa at sa araw ng panganganak niya, nadisgrasya ang bus na sinasakyan ni Darwin sa pagsundo sa doktor sa Puerto Princesa. Natauhan ito at naging si Nicholas Soriano Adriano III uli, umuwi sa Maynila, at pinakasalan ang fiancé nitong socialite na si Dawn Zulueta. Si Dawn ay isang “young patroness of art” na nangungulekta ng mga peynting ni Diosa. Binisita pa nga minsan ni Dawn si Diosa sa isla. Nang mag-attend si Diosa sa kasal nina Dawn at Darwin na si Nick na ngayon, sumamâ ang loob ni Diosa. Umuwi siya kaagad at umiyak nang umiyak habang kalong-kalong ang baby nila. Pinayuhan siya ng kaniyang matandang dalagang tiya na ginagampanan ni Charito Solis. Pinayuhan siya na awat na at mag-move on na dahil wala na si Darwin. Ayaw makinig ni Diosa. Gusto niyang ipaglaban ang karapatan ng anak niya. Heto ang sabi sa kaniya ng tiya, “Hindi ka pa ba nagsasawa sa mga kaguluhan sa buhay mo dahil sa mga lalaki?” Bakla lang ang pinagsasabihan nang ganito! Siyempre ang creative writing teacher in me nagtatanong, akala ko ba isang lalaki lang ang nanloko sa kaniya? Yung pilotong patay na?
Kinuha ng nanay ni Nick si Diosa na magpinta ng mga portrait nila. Hayun, nahulog ang loob sa isa’t isa nina Nick at Diosa at naging kerida ni Nick si Diosa. Ang love nest nila isang bonggang bahay sa Tagaytay over looking Lake Taal. Halikan galore uli doon. Henewey, nahuli sila ni Dawn at nagkaroon ng eskandalo kaya balik sa isla nila sa Palawan si Diosa. Sinundan siya doon ni Nick. Afterall may helicopter si Nick. Isang umaga, sumugod si Dawn at ginawang hostage ang anak ni Diosa. Matapos ng madramang eksena, sinundan pa ito ng mas madramang eksena nang sabihin ni Diosa kina Nick at Dawn na anak nila ni Nick na si Darwin noon si Darwin Jr. Pinakita rin niya ang wedding photos nila at marriage contract. Then, gaya ng lahat ng mga pelikula ni Sharon noon, bahagi ng kaniyang declamation piece sa katapusan ng pelikula ang pagsambit niya ng pamagat ng pelikula. Humahagulgol na sinabi niya kay Nick ang, “Una kang naging akin!” Purfect!
At dahil Sharon-Gabby movie ito, required siyempre na sila ang magkatuluyan sa huli. Dahil kung hindi, baka magkarebulosyon sa buong bansa na magsisimula sa mga sinehan sa mga key city ng Filipinas. Nang akala ng mga manonood at pati ni Diosa na sumakay sa helikopter si Nick kasama si Dawn at uuwi na sila ng Maynila, biglang tinawag ni Nick, ni Darwin, ang pangalan ni Diosa na nakatayo sa tabingdagat karga ang anak at pinanonood ang papalayong helikopter. Nagyakapan uli sila, naghalikan, at muli naging masaya at perpekto ang mundo hindi lamang ng pelikula kundi ng ilusyon din ng mga bakla at asal-baklang mga Sharonian sa buong uniberso.
Bakla rin ang karakter ni Sharon sa Tayong Dalawa. Siya si Carol na isang head ng marketing arm ng isang malaking kompanya. Nainlab siya sa isang nag-ayos ng coffee maker ng kanilang opisina na si Tonchie na si Gabby siyempre. Naalala ko tuloy ang kaibigan kong si Jigger kapag kinukuwento ko sa kaniya na may bago akong dini-date. Ang reaksiyon niya, “Ikaw talaga, you are really a real Augustinian. You have the heart for the poor and the marginalized!”
Pero hindi naman dito poor na poor si Tonchie. Mas poor lang siya kumpara kay Carol na isang executive. May kaunting minana naman si Tonchie ngunit ibinenta niya ito lahat at ibinili ng isang sail boat na ang pangalan ay Nirvana, hango sa pangalan ng bar kung saan nakilala niya at nagtatrabaho ang isang hostess na singer na ginagampanan ni Bing Loyzaga. Binatang ama si Tonchie at isang si Loyzaga ang ina ng anak niya. Iniwan sa kaniya ang anak dahil itong si singer ay kung minsan sa Japan kumakanta.
Hindi nakapa-graduate ng engineering si Tonchie dahil naging ama agad. Sa halip, nagraraket ito bilang tagapag-ayos ng mga appliances at kung ano-ano pa. Kayâ siya ang nag-ayos ng nasirang coffeemaker sa opisina nina Carol.
Henewey, nang malaman na ng mga tao sa paligid nila na magdwoya na sina Carol at Tonchie, ang unang na-shock siyempre ang donyang nanay ni Carol. Natuwa naman ang lola ni Tonchie at anak nito pero hindi hapi si Loyzaga kahit naman may kinakalantari na itong isang politiko. Sinugod nito si Carol sa opisina at ineskandalo. Hindi pa ito nagkasya at sinugod pa si Carol sa condo nito upang laslasin ang mukha. Lumaban siyempre na parang tigre si Carol. Ang eksena ng away nila ay eksenang away-bakla.
Siyempre, dahil Sharon-Gabby movie nga ito, sila pa rin ang nagkatuluyan sa katapusan ng pelikula kahit na sa totoong buhay ay magkahiwalay na sila. Nakakaloka di ba?
Kayâ siguro naging Sharonian ako dahil baklang-bakla ang mga karakter ni Sharon Cuneta sa mga pelikula niya. Hanggang ngayon, kahit nag-MFA na ako at may PhD in Literature na nga, at tumaas nang kaunti ang taste sa mga pelikula, paulit-ulit ko pa ring pinanonood ang mga lumang pelikula niya. Dedma na ako kahit na parang nawawalan ang saysay at niyuyurakan ang mga element of fiction na pinag-aralan ko. Hanggang ngayon, iniidolo ko pa rin si Sharon. E ano ngayon kung mataba siya? Mataba na rin naman ako ngayon!
Ngayong asawa na siyang ng isang senador, kung minsan naiisip ko rin, parang ayaw ko na sa mga high school graduate lamang. Parang gusto ko na rin ng isang senador na abogado at nag-masters sa Harvard. Ang mga high school graduate, palaging maraming pangangailangan. Sharonian yata ako and I deserve the best. Charot! Sabay sampal sa sarili nang tatlong beses.
[Nobyembre 2, 2017 Huwebes
Rosario, Lungsod Pasig]