PUNÔ ng mga puting bituin ang buong kampus—nasa mga damo, nakasabit sa sanga ng malalabay na punongkahoy, nakasabit sa kisame ng mga pasilyo, at nagpapalamuti sa higanteng Christmas tree sa harap ng Henry Sy Sr Hall. Sa tabi nito, ang malalaking letrang puti rin na bumubuo ng katagang PEACE.
Kapayapaan ang tema ng selebrasyon ng Pasko sa DLSU ngayong taon. Siguro bilang tugon sa magulong politika ng bansa ngayon, sa libo-libong EJK, sa katatapos pa lamang na giyera sa Marawi, sa Martial Law sa Mindanao, sa nanganganib na giyerang nukleyar sa North Korea, sa kalunos-lunos na kalagayan ng mga Rohingya sa Myanmar at mga karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya, sa mga terorismo sa Europa, sa kaguluhan sa Jerusalem dahil sa iresponsableng presidente ngayon ng America.
Kayâ kapayapaan para sa Filipinas at sa buong mundo ang panalangin ko habang nagsisimbang gabi sa Cory Aquino Democratic Space sa La Salle. Pang-Miss Universe man ang peg ay pinanindigan ko na. Makasalanan man ang puso ko’t isipan (pati ang seksi kong katawan), kapal mukha ko pa ring hiniling sa Panginoon na biyayaan ng kapayapaan ang buong daigdig ngayong Pasko. Napapangiwi nga lang ako sa koro ng entrance hymn na “Rejoice, rejoice, rejoice oh Israel / To thee shall come Emmanuel.” Umaalingawngaw talaga sa isipan ko ang tanong na, “Paano ang Palestine?” Mabilis ko ring sinasabi sa sarili na, “Simbolismo ang tawag dyan, tanga!”
Masaya ako dahil magmula noong Disyembre 17 hanggang noong Disyembre 23 ay nakapag-Simbang Gabi ako. Well, hindi ko nakumpleto ang siyam na misa. Nakalimutan ko kasi noong Disyembre 16 at ngayong Disyembre 24 ay nandito na ako sa Pasig. Ang layo kasi ng bahay namin sa simbahan ng Rosario.
Naalala ko tuloy si Tita Neneng. Kung buháy lamang siya ngayon, matutuwa iyon kung magsi-Simbang Gabi kami tuwing umaga sa La Salle. Noong maliit pa ako sa Antique, palagi iyon nagsi-Simbang Gabi. Kung minsan nakakasama ako sa kaniya. Noong nasa Iloilo kami nakatira, nagsi-Simbang Gabi rin kami sa chapel ng University of San Agustin. Nitong nasa Pasig na kami, hindi na siya nakapag-Simbang Gabi dahil hindi kami pamilyar sa Rosario.
Gusto ko ang Simbang Gabi sa La Salle kasi simple at walang garbo. Naalala ko kasi sa San Jose Cathedral sa Antique, pabonggahan ang mga offering. Pabonggahan din ang mga damit ng mga local elite at feeling elite. Buti na lang si Nanay kung magsimba noon ay naka-uniform siya ng blue na pang-novena niya kay Mother of Perpetual Help. Ang ayaw ko sa lahat ay kapag binabasa ang pangalan ng mga sponsor sa katapusan ng misa. Nagmumukhang cultural variety show ang Simbang Gabi.
Ang maganda pa sa Simbang Gabi sa La Salle, may munting agahan pagkatapos ng misa. Simple lamang pero masarap at nakabubusog sa kaluluwa dahil pagkakataon itong makita at mabati ang ilang kakilala habang kumakain ng goto, o kaya biko, o ensaymada at humihigop ng mainit na kape.
Bukás ang mga tarangkahan ng La Salle alas-singko pa lamang ng madaling-araw para sa lahat ng gustong magsimba, taga-La Salle man o hindi. Noong unang gabi nga, dinala ko pa ang ID ko dahil kailangang i-scan kapag pumapasok ng kampus. Aba, hindi pala kailangang magpa-scan ng ID para mag-Simbang Gabi. Very refreshing ito kapag naranasan mo nang pumasok ng La Salle na wala kang La Salle ID dahil para kang dumadaan sa immigration counter.
Nagsisimba siyempre ang mga La Salle Brother. Kapag nagsisimba kasi ay mahilig akong maupo sa harap. Nasa pangatlong row naman ako umuupo sa bandang kanan para mas malapit sa altar. Doon din umuupo ang mga brother. Noong ikalawang gabi, sa harap lang na upuan ko nakaupo si Br. Armin Luistro. Parang gusto kong magpakilala sa kaniya at sabihan siya ng, “Isa po ako, Brother sa mga biktimang guro ng K to 12 program ninyo.” Kaso baka sagutin niya ako ng, “O di ba mas masaya ka naman dito sa La Salle?” Na totoo naman. Inabandona ko na lamang ang aking balak dahil totoo namang hindi hamak na mas masaya ako ngayon sa La Salle. Bukod sa suweldo (na mahigit sa doble) ay nasa La Salle naman talaga ang mga matalik kong kaibigan. Marami rin akong masayang alaala sa La Salle bilang batang manunulat. Kayâ bulong ko na lamang sa aking sarili, “Move on na, Sirena. Move on. Forgive and forget. Kapayapaan para sa sandaigdig! I thank you!”
Kayâ sa pagsi-Simbang Gabi ko ngayong Pasko, wala akong hiniling na para lamang sa aking sarili. Bukod sa magandang kalusugan at ligtas na pamumuhay para sa aking kapamilya at mga kaibigan, world peace lang talaga ang hiling ko. Para sa aking sarili, taos na pasasalamat lamang sa Panginoon para sa mga biyayang natanggap nitong taong 2017. Alam ko kasing alam naman ng Diyos ang mga pangangailangan ko, ang mga gusto ko, ang mga pangarap ko. Mahirap man para sa isang siguristang tulad ko na ipasa-Kaniya na lamang ang lahat sa buhay ko, nananalangin ako na biyayaan niya ng ibayong kababaang-loob na tanggapin nang buong puso na ang kalooban lamang Niya ang dapat masunod.
Marami na akong unos, pagsubok, at kabiguang natamo sa búhay ko at palagi akong nakakabangon dahil ni minsan hindi ako pinabayaan ng Diyos.
Medyo jarring lang sa aking paningin ang malaking estatwa ni Mother Mary sa tabi ng entablado kung nasaan ang altar. Bongga kasi ang kaniyang kapa at sobrang laki ng kaniyang gintong korona. Mas gusto ko pa rin ang simpleng imahen niya. Simpleng babae lamang kasi siya na nagtiwala sa Diyos at pinakatiwalaan na maging ina ng Diyos. Siyempre reyna naman talaga siya. Reyna ng langit. Pero naiisip ko, mahalaga pa ba talaga ang mga korona, ang mga titulo, sa langit? Hindi ako sigurado kung natutuwa ba talaga si Mother Mary na overdressed palagi ang mga rebulto niya rito sa mundo.
Sa totoo lang nahihiya akong manalangin para sa kapayapaan dahil alam ko sa sarili ko na hirap akong magpatawad. Kayâ bukod doon sa kantang nagbabanggit ng Israel, napapangiwi rin ako kapag inaawit ang “Ama Namin” lalo na sa bahaging “Patawarin mo kami sa aming mga sala / Para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin.” Sirena man ay tao pa rin ang puso ko’t isipan na hirap sa pagpapatawad lalo na kung ang nagkakasala sa akin ay di naman humihingi ng tawad at gumagawa pa rin ng masama sa akin.
Kayâ nahihiya akong tawagin ang sarili ko na Kristiyano. Madali lang kasing magsimba araw-araw, madali lang mag-Bible study o sumali sa mga prayer meeting. Madali lang mag-quote (o mag-misquote) ng Bibliya. Pero ang pangangatawanan ang pagiging isang tunay na Kristiyano ay napakahirap. Sa “Our Father” pa lang bagsak na ang Sirena.
Henewey, siguro ang pagiging Kristiyano ay isang layunin na panghabambuhay—isang patuloy na proseso ito na hindi madali sapagkat ito talaga ang nag-iisang tunay na layunin nating mga tao rito sa daigdig. Siguro parang pagiging makata rin ito. Sa bawat araw, sa bawat tula na sinusulat, natuto ka naman talaga kung ano ang tula at unti-unti mong nauunawaan ang halaga at kahulugan nito. Siguro parang pagbubuo rin ito ng bansa na isang di natatapos na proyekto subalit kailangang gawin dahil wala namang ibang alternatibo.
Paunti-unti, maaaring gawin. Halimbawa kaninang umaga habang nagkakape ako, naisip ko ang isang kaibigan na gin-unfriend ko sa Facebook dahil Dutertard at inaakusahan niya akong Yellowtard. Naisip kong batiin siya ng Merry Christmas dahil Pasko naman at nami-miss ko siya. Hayun, mabilis siyang sumagot at sinabing mas na-miss daw niya ako. Paakyat daw siya ng Baguio pagkatapos ng Pasko at bibilhan niya ako ng statis. Magla-lunch date kami bago matapos ang taon. Hapi ako.
Hindi man tuluyang magiging mapayapa ang buong daigdig ngayong 2017, walang mawawala kung ipagdasal natin ang kapayapaan. Magiging mapayapa rin ang lahat-lahat sa panahong itatakda ng Poong Maykapal.
[Disyembre 24, 2017
Rosario, Pasig]