May isang taga-Mindanaw at isang taga-Sentral Luzon ang nag-PM sa akin sa Facebook na nagtatanong kung saan makakuha ng kopya ng tula kong “Panti at Bra.” Tatalakayin daw nila sa kanilang klase.
Ang tulang ito ay bahagi ng koleksiyon kong “Ako’y Isang Ina, Etsetera” na ginawaran ng Cultural Center of the Philippines Literature Grant noong 1993. Nasa ikatlong taon ako sa kolehiyo noon sa University of San Agustin sa Lungsod Iloilo. Dalawampung taong gulang lamang at nag-uumpisa pa lamang dumalo sa mga palihan na ibinibigay (nang libre) ni Leoncio P. Deriada noon. Estudyante kasi ako noon ng B.S. Biology sa San Agustin at nagka-cutting classes ako para lamang pumunta sa opisina ni Dr. Deriada sa University of the Philippines Visayas sa Lungsod Iloilo upang magpabasa sa kaniya ng mga bagong tula na sinulat ko.
Si Dr. Deriada siyempre ang nagtúlak sa akin na magsumite ng entri para sa CCP Literature Grant. Nang manalo ako noon, hindi ko maintindihan kung bakit. Pero siyempre masaya ako dahil may premyo itong PhP15,000 at may streamer pa sa pader ng San Agustin na inaanunsiyo sa buong mundo ang pagkapanalo ko. May pera na, sikat pa. Well, ito ang feeling ko noon.
Sa pagkaalala ko, nasa Kinaray-a ang orihinal nitong tula. At parang nalathala sa magasing Hiligaynon. Oo, pinapablis noon sa Hiligaynon ang mga tulang Kinaray-a ko. Hiligaynon ang unang nagpablis ng mga akda ko. Naalala ko, napasigaw at napasayaw ako sa saya sa bordinghaws namin sa Iloilo nang una kong makita ang tula at pangalan ko na nakaimprenta sa pahina ng isang magasin.
Nang binubuo ko na ang koleksiyon ko para sa CCP, isinalin ko sa Filipino ito upang isama. Mga tula kasi tungkol sa mga isyu ng kababaihan ang koleksiyon ko.
Nalathala ang “Panti at Bra” sa libro kong Babaye: Mga Tulang Filipino, Hiligaynon, at Kinaray-a (Libro Agustino, 2004) na matagal nang out of print kung kayâ naisip kong i-post ito rito sa aking blog para hindi na mahirapan ang mga naghahanap.
Flattered siyempre ako na may mga klase palang gumagamit ng aking tula. Pero parang naaalangan din ako dahil lumang tula na itong “Panti at Bra” at kay bata ko pa nang sinulat ko ito. Sa tingin ko, marami na akong ibang tula na mas karapatdapat gamitin sa mga klasrum.
Henewey, hindi ko naman klase iyon. (Saka kung klase ko iyon, hindi ko gagamitin ang sariling akda. Isang personal na paninindigan.) Kayâ, for whatever it’s worth, ina-upload ko rito sa aking blog ang tulang ito.
Panti at Bra
Sige lang, nay
kung wala kang datung
na ipabaon sa akin
pabalik sa eskwelahan
okey lang yan, nay
ititinda ko na lang
ang aking pinakaingat-ingatang
panti at bra.
sus, si nanay, oo
sige lang
ibili lang iyan
ng isang pirasong pinakas
at isang hakup
ng bigas
para me kakainin kayo
sa loob ng isang semana.
sige, nay
aalis na ako
kasi magtitinda pa ako
ng aking panti at bra
para hindi mahinto
sa pag-eskwela.
sus, si nanay naman, oo
lunukin mo
ang iyong mga luha,
ayokong
magbaon niyan.
I’ve been teaching Phil. Lit. for quite sometime now and I have used your poem Panti kag Bra many times in my classes. I found it beautiful and significant because of the social issue represented by the things mentioned in the poem.
Thank you for this translation. For sure my students will understand this better than in its original version because of the language.
By the way, Dr. Deriada was my Lit teacher in college but unlike you, he only inspired me to appreciate literature.
LikeLike
Thanks, Caroline! Dr. Deriada is sorely missed. God bless and take care. 🤓❤️🧜🏽♀️
LikeLike