DALAWANG beses kong pinanood ang pelikulang Ang Larawan at nagpaplano pa akong panoorin uli ito. Sana magkaroon agad ito ng DVD upang paulit-ulit ko pang panoorin.
Halos memoryado ko ang mga kanta sa pelikula sapagkat nang itinanghal ito sa Sentrong Pangkultura ng Pilipinas noong 1997, may nagregalo sa akin ng CD nito at naging paborito kong pakinggan. Kayâ habang nanonood ako sa sinehan, pinipigilan ko ang sariling kumanta kagaya nang manood ako ng pelikulang Les Misérables.
Dahil isang musical talaga ang sinulat at dinirehe ni Rolando Tinio noon, inip na inip ako kung bakit hindi kaagad kumakanta si Bitoy sa umpisa ng pelikula. Naging mala-sarsuwela kasi ang porma ng pelikula na tama lang naman dahil kung kakantahin ang lahat ng diyalogo ay malamang aabutin ng tatlong oras ang palabas, na wala akong problema subalit malaking problema ito sa iskedyul ng screening ng mga sinehan. Makasasama ito sa pagnenegosyo nila. Tandaan natin, negosyo ang pelikula kung kayâ “showbiz” ang tawag nila rito.
May mga pasaringan pa sa social media nang i-pull out sa mga sinehan ang Ang Larawan sa ikalawang araw pa lamang ng Metro Manila Film Festival (MMFF) 2017 at marami ang nagrereklamo at nagmumura kung bakit ang magandang pelikula pa ang na-pull out at ang mga walang kuwenta ang naiiwang palabas. Ang ganitong mga reklamo ay elitist daw ang pananaw. Lalo raw lumalaki ang pagitan ng mayaman at mahirap sa lipunang Filipino.
Siyempre obvious naman ang rason kung bakit gin-pull out ito agad. Mas pinipilahan ang mga walang kuwentang pelikula. Nagnenegosyo ang mga mall at sa pagnenegosyo mas mahalaga ang kita at dedma na ang sining. May nagpost pa nga na kung gusto raw ng mga elitist, gumawa na lamang sila ng sarili nilang festival ng mga art film at huwag nang pakialaman ang MMFF na pangmasa.
Nakakatawa ang ganitong mga pronouncement dahil alam mong isang ihip lang ng common sense ay mawawasak na ang kanilang mga argumento. Halimbawa ay ang akusasyong elitist ang Ang Larawan at ang may mga gusto nito ay elite lamang. Nahiya naman ako na tawagin ang sarili kong elite. Saka, bakit parang sigurado sila sa kanilang mga claim?
Ano kayâ ang di masasakyan ng masa sa pelikulang Ang Larawan? Kuwento ito ng magkapatid na matandang dalaga—sina Candida at Paula Marasigan—na bagamat dating marangya ay mahirap na ngayon. Di nakakabayad sa bills nila at isa sa pinakakinatatakutan nila ay ang maputulan sila ng koryente. Ang maputulan ng koryente ay problemang masa.
Kung ang isang manonood ay mahirap, hindi ba makikita niya sa pelikula ang mga rason kung bakit siya naghihirap? Halimbawa ang mga mayamang karakter sa Ang Larawan ay wala naman talagang pakialam sa mahihirap. Ang mga tulad ni Doña Loleng na asawa ng isang senador ay wala namang inaatupag kundi ang magpatahi ng damit at dumalo ng mga sayawan. Sina Pepang at Manolo Marasigan ay abala rin sa pagmamadyong at pagkakarera, at dahil walang pera ang dalawa nilang kapatid na sina Candida at Paula ay aalilain na lamang nila ang mga ito. Maiisip ng isang mahirap na manonood, bago mag-Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay ganito na pala ang mayayaman. Hanggang ngayon ay ganito pa rin ang karamihan sa kanila—makasarili at walang pakialam. Malay natin biglang maisip ng isang mahirap na manonood na mali ang ganitong kalakaran, na dapat itong baguhin, at paano kayâ ito mababago? Sabi nga ni National Artist Bienvenido Lumbera sa kaniyang librong Re-Viewing Filipino Cinema, “[H]indi libangan lamang ang sine. Isa rin itong eskuwelahan.”
Ang pagdating ng digmaan ang historical backdrop ng kuwento ng A Portrait of the Artist as Filipino ni National Artist Nick Joaquin na pinagbasehan ng Ang Larawan ng isa pang National Artist na si Tinio. Sa mga giyera at iba pang sakuna, natural man o kagagawan ng tao, ang mga mahirap lamang tulad nina Candida at Paula ang matatamaan nang bongga. Ang mga mayaman, madaling maka-survive at maka-recover. Halimbawa sa giyera sa Marawi, kung Mëranaw ka at may mansiyon naman sa Iligan, o Cayagan de Oro, o dito sa Maynila, hindi gaano ka saklap ang pagkawasak nitong lungsod. Kahit sa mga bagyo at baha, ang mga dukha lamang ang nagtitiis sa mga tent at mga siksikang klasrum. Nagho-hotel o nakikitira sa mayaman din nilang kamag-anak ang mga biktimang mayaman. Ganun lang ‘yun at maaaring ituro ang katotohanang ito ng mga pelikula gaya ng Ang Larawan.
Hindi kalabisan na masyadong mataas ang ini-expect ko sa MMFF. Ang karamihan kasi sa mabababaw na argumento ng mga nagtatanggol sa mga walang kuwentang pelikula sa MMFF, Pasko lang daw kasi may ekstrang pera ang mahihirap at gusto lang nilang magrelaks at mag-enjoy kahit sa loob lamang ng dalawang oras ng panonood ng pelikula halimbawa nina Vic Sotto, Kris Aquino, at Vice Ganda. Gusto lang nilang matakasan pansamantala ang mahirap na buhay.
Stop me! As in tigilan ako. Bukod sa nakaiinsulto ito sa mga mahirap dahil tahasang sinasabi na mababaw sila at walang taste, duda ako kung káya nga ng mga mahirap manood ng sine gayung PhP250 ang pinakamurang tiket sa takilya. Ang totoo niyan, ang gitnang uring mahilig mag-fantasya ang mayoryang audience ng MMFF. Hindi naman nanonood ng pelikulang Filipino ang mga elite, nababaduyan sila. Saka isa pa, ang mga totoong mayaman ay hindi naman talaga makapag-MMFF dahil nasa abroad sila o nasa Boracay at Balesin during Christmas break.
Matagal na ang MMFF at maraming magaling na pelikula ang unang itinanghal sa festival na ito. Nitong mga nakaraang taon, bumubulusok ang kalidad ng mga kalahok na pelikula. Sabi nga ng isang kaibigan kong direktor, nagiging “festival of idiots” na ito.
Bilang guro, masaya ako sa Ang Larawan dahil nadagdagan na naman ang mga pelikulang Filipino na magagamit ko sa klase. Parusa kaya sa mga estudyante ngayon ang pabasahin sila ng mga tekstong pampanitikan kasama na rito ang A Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin. Kaya nga matagal ko nang hindi ginagamit sa klase ang tekstong ito dahil mukhang ako lang mag-isa ang nag-e-enjoy. Pero matapos kong panoorin ang pelikulang ito, kating-kati na akong ituro muli ito ngayong papasok na termino.
Ang dalawang pelikulang paulit-ulit kong ginagamit sa klase ay ang José Rizal ni Marilou Diaz Abaya at ang Dekada ’70 ni Chito Roño. Ang José Rizal ay nanalong Best Picture noong 1998 at nanalo namang Second Best Picture ang Dekada ’70 noong 2002. Ang mga pelikulang ito ang mga sukatan ko kapag nagre-review ako ng mga palabas sa MMFF.
Bilib ako kina Celeste Legaspi at Rachel Alejandro na nagsumikap upang mabuo ang pelikulang ito. Ang malasakit nila bilang mga artista at prodyuser ng orihinal na teatrong musical na Filipino ay nasa pelikula na ngayon. May isa pang musical si Alejandro na paulit-ulit kong pinapakinggan ang double cassette tape nito noon—ang Alikabok. Sana gagawin din nilang pelikula ito.
Ang galing ng lahat ng mga nagsiganap sa pelikula. Hindi kataka-taka na nanalo ng Best Actress si Joanna Ampil sa Gabi ng Parangal. Ang breakdown scene niya nang malaman nilang hindi pala sila naputulan ng koryente kundi dahil may practice black out lamang bilang preparasyon sa napipintong Ikalawang Digmaang Pandaigdig ay sa tingin ko pinakamagaling na breakdown scene sa pelikulang Filipino. Nakakatakot na Tony Javier si Paulo Avelino. Ang guwapo niya kasi at bumagay sa kaniyang papel ang medyo sintunado niyang pagkanta. Para talaga siyang demonyo habang nilalandi niya si Paula at hindi masisisi si Paula kung bibigay siya. Nakatutuwa rin sina Cris Villonco bilang Susan at Aicelle Santos bilang Violet at muntik ko na silang di makilala dahil mukha talaga silang mga gagang artista ng bodabil. Walang duda ang pagiging versatile na aktor ni Nonie Buencamino bilang Manolo. Needless to say, ang poging Bitoy Camacho si Sandino Martin na sensitibo rin ang pagganap.
Ganito pala ang resulta kapag ang dalawang henyo na mga Pambansang Alagad ng Sining ang magsanib ng werpa: isang petmalung pelikula! Napapanahon nang hirangin na rin bilang National Artist si Ryan Cayabyab at maihanay na siya kina Nick Joaquin at Rolando Tinio.
Siyempre hindi perpekto ang Ang Larawan. Wala naman kasing perpekto sa mundong ito. Halimbawa, mukhang masyado nang matanda na si Zsa Zsa Padilla para sa papel na Elsa Montes at mukhang hirap pa siyang sumayaw. Pero madali ko itong mapalampas dahil si Padilla ang Paula sa entablado at isang pagsaludo na lamang ang paglabas niya sa pelikula ito. Sana hindi na rin ipinakita ang mukha ni Don Lorenzo el Magnifico sa katapusan ng pelikula. Sana tulad ng kaniyang ipinintang larawan, hindi rin siya makikita ng mga manonood. Sa dula kasi ni Joaquin, nasa 4th wall ang larawan, ang imaginary na dinding sa pagitan ng entablado at manonood. Kayâ nga medyo napangiwi ako nang medyo nakita ang larawan sa isang eksena. At muli, dahil halos kabisado ko nga ang bersiyong musical, bitin na bitin ako sa finalé. Mahaba ang kantang ito pero sa pelikula naging isang saknong lamang! Que horror! Mga maliit na bagay lamang ang mga ito kung tutuusin. Hindi kabawasan ang mga ito sa pagkadakila ng pelikula.
Ang pelikulang Ang Larawan ang dapat na maging larawan ng tunay, maganda, nakaaaliw, at makabuluhang pelikulang Filipino.
Enero 3, 2018
Rosario, Pasig