#gitnang_uring_fantasya_notes_ng_sirena
SA Ayala Malls The 30th sa Meralco Avenue, Lungsod Pasig ako nanood ng Ang Larawan for the second time. Unang tapak ko rin sa mall na ito na noong Enero 2017 lang din pala nagbukas. May sosyal kasi akong kaibigang si Y. na tambayan pala iyon kaya doon kami nag-Christmas date noong Disyembre 30.
Maganda ang mall na ito na kung hindi matrapik, mga sampung minuto lamang ang layo mula sa bahay ko sa Rosario, Pasig. Dahil bakasyon, PhP129 lang ang binayaran ko sa Grab. Hindi na masama at medyo maliit lamang ang impact sa aking financial goal ngayong 2018 (FG2018). Medyo leyt na kami nag-Christmas date ni Y. kasi maaga siyang umuwi for Christmas sa Lungsod Davao upang ayusin ang kabibili lamang niyang condo roon.
Gusto ko ang Ayala Malls The 30th dahil maliit lang ito na mall na maraming sosing restawran. Pagpasok mo pa lang sasalubungin ka ng isang lungtiang hardin na may eskultura ng isang kalabaw na yari sa mga alambre. Kaunti rin ang mga tao at mukhang panay mga mapera ang itsura. Magagara ang mga damit at bag, at dedma na ako kung magmumukhang basahan ang aking Sagada slingbag. Iniisip ko na lang, indigenous Pinoy tsenes with international appeal ang peg ng aking OOTD. Sa pagdadala lang ‘yan, sabi ko sa aking sarili. Kaya kong maglakad sa mall na parang prinsesa ng isang mahirap na kaharian.
Henewey, sa isang Asian restawran (nakalimutan ko ang pangalan) sa unang palapag kami kumain kasi nakita namin sa karatula sa may kristal na pintuabn na may laksa sila at Vietnamese grilled pork. Tsalap! At nagalak kami nang bongga nang malaman na may eat all you can promo pala sila. PhP400 something lang at puwede mo nang orderin lahat. Basta ubusin mo dahil kapag may natira, regular na ang itsa-charge nila sa pagkain na di naubos. Mukhang fair naman na rule. At least hindi wasteful.
Matapos maglafang at magkape sa isang sosi na bakery sa ikalawang palapag (as useless, nakalimutan ko uli ang pangalan), naghiwalay na kami ni Y. Maggo-grocery pa siya sa Rustan’s at ako naman muling nanood ng Ang Larawan.
Salamat sa Diyos at itinanghal itong Best Film sa Gabi ng Parangal ng MMFF. Bumalik ito sa mga sinehan. Pero hindi ito nawala sa Ayala Mall The 30th dahil may popular perception na pangsosyal ang pelikulang ito at siyempre di mawawala sa sosyal na mall. Nagulat ako at ang ganda pala ng sinehan doon. Maluwag ang mga upholstered na upuan at puwede kang sumayaw sa lawak ng leg room. Puwede mo pang i-extend ang upuan at parang nakahiga ka na talaga. Parang nasa bahay ka lang! Masama kasi sana ang loob ko na magbayad ng PhP400 dahil iniisip ko ang aking FG2018.
In fairness, dahil sa mahika ng bandwagon effect ng Best Film award, medyo marami na ang nanonood. Siguro naintriga sila. Sa aking tabi, may chubby na magkasintahan. Siguro in their late 20s sila. Malaki ang baon nilang popcorn at inumin. Mukhang mga geek na yuppie dahil pareho silang nakasalamin. Kaya lang, pagkaupo nila habang kumakain at naghaharutan ay nakatutok sila sa kanikanilang cellphone. Talking about multi-tasking!
Pagdilim ng sinehan at pag-umpisa ng pelikula, para akong nag-e-ecstasy uli. Gustong-gusto ko kasi talaga ang pelikula. Hayun, habang kumakanta na sina Bitoy, Paula, at Candida, nararamdaman kong hindi na mapakali ang dalawa. Nang lingunin ko, nagtitinginan sila habang hawak-hawak ang kanilang cellphone. “Bakit ganito ‘to?” tanong ng lalaki. “Ewan ko nga e,” sagot ng babae. Sa mukha nila, parang nawiwirduhan sila sa pelikula. Siguro dahil kumakanta ang mga karakter at period film pa pala?
Natawa ako. Naisip ko, ilan kaya ang mga tulad nila na batong-bato ngayon sa panonood ng Ang Larawan sa mga sinehan sa buong bansa? Itinanghal kasing Best Film kaya siguro akala nila para itong Sisterakas o Enteng Kabisote. Pero parang naaawa rin ako sa kanila. Ang mahal pa naman ng binayad nila. Sa kalagitnaan ng pelikula nang muli ko silang lingunin, nakangangang natutulog ang lalaki. Si babae naman, engrossed na engrossed sa kaniyang cellphone habang nilalantakan ang kanilang popcorn. Nang patapos na ang pelikula, naka-holding hands na silang natutulog. Oh how sweet! Talagang bagay sila. Ang sarap naman kasi talagang tulugan ang mga upuan doon.
Bilang guro naisip ko, mahirap siguro talagang ma-appreciate ang mga pelikulang gaya ng Ang Larawan kung di ka nagbabasa. Bagamat tight naman ang kuwento ng pelikula kahit di mo nabasa ang A Portrait of the Artist as Filipino ni Nick Joaquin, makatutulong pa rin sa appreciation ng pelikula kung nabasa mo ito. Lalo na kung nabasa mo rin ang mga maikling kuwento ni Joaquin, ang mga libro niya tungkol sa Maynila, sa Intramuros, at ang nobela niya. Staple naman sa mga textbook ng Philippine Literature ang “May Day Eve” at “The Summer Solstice.” Pero tamad na kasing magbasa ang mga estudyante ngayon. Parusa na para sa kanila ang magbasa ng maikling kuwento. Ang reklamo nila palagi, ang haba raw. Mukhang status update na lamang sa Facebook o post sa Twitter ang gusto nilang basahin.
Sa CR sa labas ng sinehan may dalawang guwapong Tsinoy na nag-uusap sa harap ng salamin. “Naintindihan mo ba ang pinanood natin?” tanong ng isang kamukha ni Daniel Wu sa kasamang kamukha ni Dao Ming Shi. “Hinde,” nakangiting sagot ni Dao Ming Shi. Sabay silang tumawa at magkaakbay na lumabas.
Sekreto akong napangiti na parang si Paula kapag kaharap si Tony Javier na si Paolo Avelino naman talaga. Matanda ka na, Sirena, sabi ko sa aking sarili.
Pagkalabas ko ng CR, nandoon nakatayo sa lobby ng sinehan ang chubby na magkasintahan. Tulala pa rin sila at mukhang litong-lito matapos “manood” ng Ang Larawan. Parang hindi na nila alam kung ano ang susunod nilang gagawin doon sa sosyal na mall.
Enero 8, 2018
De La Salle University