#gitnang_uring_fantasya_notes_ng_sirena
UNANG araw ng klase noong Miyerkoles at pagkatapos ng panghuling klase ko, bigla akong nagkaroon ng desire na kumain ng piniritong baboy. Ang lakas ng desire kong kumain ng baboy kahit na sinasabihan ko ang sarili ko na gastos lang ‘yan at hindi pa healthy at maglaga na lamang ako ng saging na saba pagdating ko ng condo.
Tao lang po ang Sirena at bumigay din ako sa aking desire. Naalala ko bigla ang sinabi ng lola kong si Oscar Wilde na, “The only way to get rid of temptation is to yield to it.” Habang nasa elevator pababa ng Andrew Building, napapangiti ako sa aking biglaang trip. Bakit piniritong baboy? Bakit hindi adobo? Basta ang gusto ko pinirito. Hindi naman ako depressed. Medyo may sinat lang at inuubo. Parang may mild na trangkaso. At kapag ganito, gusto kong kumain o bigla na lamang akong may maiisip na gustong kainin. Madalas sweet spaghetti. Pero noong isang araw, piniritong baboy talaga.
Bago tuluyang lumabas ng building ay dumaan ako sa ATM upang bawasan ang aking milyones ng pambili ng minimithing baboy. Nakita ko na ang unang suweldo ko ngayong taon. Tumaas nga dahil sa Tax Reform for Acceleration and Inclusion o TRAIN! Vonggah. Kahit isang buong lechon de leche ay puwede kong bilhin kada suweldo. Kaso ayaw ko nga ng lechon. Pritong baboy lang talaga ang pinagnanasahan ko.
Nang nasa kalsada na ako ng Agno, bigla akong nagkaroon ng problema kung saan bibili ng baboy na piprituhin. Sisigaw sana ako ng, “Yaya, you buy nga one kilo of baboy and make prito it agad!” Kaso, wala akong yaya at kung gusto kong kumain ng piniritong baboy ako ang bibili, ako ang magpiprito, at siyempre ako ang maghuhugas ng kawaling pinagprituhan at ng mga pinggan at kubyertos na ginamit.
Saan ako bibili ng baboy? Sa Save More sa katabing building sa kanan, o sa paborito kong Korean convenience store sa katabing building sa kaliwa? Ayaw kong mag-Save More. Late afternoon na at maraming tao. Ayaw kong pumila sa counter, you know, rubbing elbows with the masa. Masama ang pakiramdam ko. Kaya naisip ko, sa tindahang Koreano na ako pupunta. Parang may nakita akong mga karne sa isang ref nila minsan. Sa tindahang ito ako bumibili ng frozen dumplings at tofu. Masarap din ang cookies nila. Minsan may blueberry jam sila na talagang may mga buong blueberries na gustong-gusto ko dahil naaalala ko ang Lenhovda.
Pagdating ko sa Korean store dumiretso agad ako mga ref nila sa likurang bahagi. May mga karne nga. Akala ko karne ng ng baboy, yun pala, karne ng baka. Baboy lang ang gusto ko. Tinanong ko ang isang babaeng nagbabantay kung bakit wala silang baboy. Ngiti lang ang sagot niya at nagkaroon ako ng desire na sabunutan siya. Ayaw ko pa ring pumunta sa Save More. Sa katabing ref, may napansin akong parang baboy na nakabarbikyu. Sa pabalat nito may larawan nitong iniihaw. Mukhang baboy pero di ako sigurado. Nasa Koreano kasi ang nakasulat. Pero naisip kong iyon na lang ang bibilhin ko. Puwede na siguro iyon. Sa isa pang ref ay kumuha ako ng isang balot ng vegetable dumplings. At habang papunta ng counter dumampot pa ako ng isang malaking box ng Kleenex. Sinisipon kasi ako at baka maubusan ako ako tisyu.
Naloka ako dahil bakit PhP1,098 ang babayaran ko! Tatlong item lang naman. Siyempre hindi ako nagpahalata sa kahera na nawindang ako sa isang libo. Mamaya iisipan niya purita kalaw ako. Hayun, binayaran ko at noong nasa labas na tiningnan ko ang resibo. PhP725 pala ang letseng nakabarbikyu na inaakala kong baboy! Gusto kong tadyakan ang sarili ko habang naglalakad ako pauwi sa bulding namin. Sa elevator, gusto ko pa ring sabunutan ang sarili ko kahit wala naman talaga akong buhok. Ph725? Mahigit tatlong kilo na sanang baboy ‘yun!
Pagdating ko ng condo, mabilis akong nagbihis. Agad akong nagsaing. Binuksan ko ang barbikyu at naisip na baka ginto naman ang istik kaya mahal. Anim na piraso lang ang letse. Mahigit isandaan ang bawat piraso. Nagprito ako ng dalawang istik at itinago ko na sa freezer ang apat na natira.
Medyo masarap naman ang Korean barbikyu ko. Parang may pagkalongganisa ang lasa kaya nagustuhan ko naman. Habang naghahapunan na nagkakamay (Nagkakamay ako kumain sa bahay lalo na kapag walang bisita) nanonood ako ng 24 Oras.
May gin-interbyu sila na lalaking nagtatrabaho bilang assistant cook sa isang restawran hinggil sa epekto ng TRAIN. Sabi ng lalaki, minimum wage ang suweldo niya at matagal na siyang exempted sa pagbabayad ng tax. Kaya nag-aalala siya ngayon sa napipintong pagtaas ng mga bilihin at gastusin dahil sa TRAIN. Tataas ang kaniyang pamasahe, tataas ang koryente. Parang nawalan ako ng gana nang kaunti. PhP512 lang yata ang minimum wage sa Maynila. My God, paano ka mabubuhay nang disente sa suweldong PhP512 kada araw?
Ibinalita rin ang ipinagmamalaki ni Budget and Management Secretary Benjamin Diokno na PhP28.8 bilyon sa national budget ngayong taon para sa conditional cash transfer para as sampung milyong pinakamahirap na pamilya na tumataginting na PhP200 kada buwan. Oo, 200 peysuses kada buwan! As in. Hindi ba sila natatawa rito? Joke ba ‘to? Pero seryoso si Diokno at ang gobyernong ito.
Tuluyan akong nawalan ng gana. Ang PhP725 na binili ko ng Korean barbikyu tatlong pamilya na pala ang mabibiyayaan sana sa loob ng isang buwan. Gusto kong matawa at maiyak.
Masaya pa rin ako siyempre na lalong lumaki ang aking take home pay lalo na kung sarili ko lang ang aking iniisip. Mas madali ko ngayon maabot ang FG2018 ko. Kaso magtataas na rin naman ang singil sa GRAB. Magmamahal na rin daw ang koryente. Dalawang bill ng koryente pa naman ang binabayaran ko–dito sa condo at sa bahay sa Pasig. Pero ayaw ko nang magreklamo. Iniisip ko na lamang ang milyon-milyong kababayan na minimum wage earner, lalo na ang mga walang permanenteng trabaho. Mas kawawa sila. Mababaw lang actually ang aking problema kumpara sa mga problema nila. Ang mga problema ko, madaling makalimutan makakain lang ako ng aking comfort food tulad ng piniritong baboy.
Sa bansang ito, babuyan lang talaga. Binababoy lang palagi ng mayayaman at makapangyarihan ang mga mahirap. Of course, sinasabi ko ito with all due respect sa mga totoong baboy.
Enero 12, 2018 Biyernes
De La Salle University