Ang Parayaw ni Nong Mel

Ribyu ng libro ng mga Tulang Aklanon ni Melchor F. Cichon

na Raya Rang Pasalig, Parayaw

“Ag halin makaron, / Tan-awon eon naton ro pagbutlak it adlaw / Ag ro pagbutlak it buean. (At magmula ngayon / Panoorin natin ang pagsikat ng araw / At ang pagsikat ng buwan. – akin ang salin),” ang sabi ng persona sa tulang “Sikaeum” o “Dapithapon” sa pinakabagong libro ng mga tulang Aklanon ni Melchor F. Cichon na Raya Rang Pasalig, Parayaw (Ito ang Pangako Ko, Mahal) na inilathala ng Kasingkasing Press ngayong 2018. Binubuo ng tatlumpong tulang nasa Aklanon at may ilang nasa Ingles na may salin sa Filipino ni Sharon C. Masula.

Ang tulang ito ang una kong nabasa nang buklatin ko aklat na ito sa unang pagkakataon. Napangiti ako, si Melchor Cichon sa edad na 72 ay naglathala ng isang libro ng mga tulang pag-ibig. Noong 2010 pa siya nag-retire bilang librarian sa University of the Philippines Visayas sa Miag-ao campus.

Pangalawang libro na ito ng mga tulang Aklanon ni Nong Mel (Ang tawag ng maraming mga batang manunulat kay Cichon na tinitingalang “Ama ng Literaturang Aklanon.”). Ang una ay ang Ham-at Madueom Ro Gabii? (Bakit Madilim ang Gabi?) na inilathala ng makata noong 1999 at may sarili niyang salin sa Filipino. Ang librong ito, lalo na ang tulang “Ham-at Madueom Ro Gabii, Inay? (Bakit Madilim ang Gabi, Inay?)” na pinaghanguan ng pamagat ng libro, ay itinuturing nang klasiko hindi lamang sa literaturang Aklanon kundi sa buong literatura ng Kanlurang Bisayas. Marami na ring mga antolohiyang na-edit si Nong Mel. Bilang pagkilala sa kaniyang ambag bilang manunulat, ginawaran siya ng Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas ng Gawad Alagad ni Balagtas noong 2001. Siya ang una at nag-iisa pa lamang na Aklanong manunulat na magsusulat sa wikang Aklanon ang nakatanggap ng gawad na ito.

Ang pinakagusto kong tula sa librong ito ay ang “Para kay Bing” na siyang unang tula sa koleksiyon. Si Nong Mel ang persona sa tulang ito at direkta niyang kinakausap ang kaniyang asawa at ginamit pa niya sa pamagat ang palayaw nito. Simple ang wika at pakasulat ng tulang ito. At dahil sa pagiging simple nito naging dakila ang tula at kaibig-ibig. Para sa akin na hirap umibig at hindi na naniniwalang may forever, napapadalawang-isip ako nang mabasa ang tulang ito. Hindi man ako makukumbinsi ni Nong Mel, naiinggit naman ako sa kaniya bilang mangingibig dahil natagpuan niya ang kaniyang forever at sumulat pa siya ng tula hinggil dito.

Sinasabi ng persona sa simula ng tula na kung nag-iisa siya at kabilugan ng buwan ay iniisip at naaalala niya ang addressee. Susundan ito ng mga linyang, “Ginapanumdom ko / Ro gabii nga daywa eang kita / Galingkod sa Tambak / Gatan-aw ku humbak / Nga nagapaeapit katon. Gapamati ku kanta it baeod / Nga amat-amat nga nagapalinong / Ku atong paminsaron. (Nakaupo sa dalampasigan / Nakatingin sa hampas ng alon / Na papalapit sa ating dalawa. / Nakikinig sa awitin ng alon, / Na unti-unting nagpapakalma / Sa ating isipan. – salin ni Masula). Romantiko ang mga linyang ito subalit susundan ito ng mga linya tungkol sa mga realistikong detalye ng buhay mag-asawa tulad ng kahit umuulan ang binibilhan ng addressee ang persona na gamot, at madilim pa sa umaga’y bumabangon na ang addressee upang ipagluto ng agahan at baon sa trabaho nito ang persona. Dagdag pa ng persona, nawawala ang kaniyang pananabik at pangungulila, at tumitibay ang kaniyang ligaya kapag inaalala niya ang mga detalyeng ito sa kanilang buhay ng addressee. May kagat ng malungkot na kagandahan ang huling tatlong linya: “Pero kon umabot ro oras / Nga indi eon ako makadumdom, / Panumdumon mo man ako. (Pero kung dumating ang oras / Na hindi na ako makakaalala, / Alalahanin mo rin ako. – akin ang salin). Makikita rito ang hinog na pag-iisip ng persona na si Nong Mel naman talaga. Makikita rito ang kaniyang kaaram bilang mangingibig, bilang tao, na bagamat may forever, mayroon pa ring hanggahan ang alaala ng isang mangingibig. Lahat naman talaga, pati na ang mga dakilang pag-ibig, ay katapusan sapagkat may kayapusan ang katawan ng tao tulad ng utak.

Muli kong naalala ang papakahulugan ni Merlie Alunan sa tula. Aniya, “poetry is human speech.” Kayâ siguro gustong-gusto ko ang tulang ito ni Nong Mel dahil simple ito, taong-tao ang nagsasalita—isang taong natagpuan, nakilala, at inalagaan ang pag-ibig. Nasa tula ring ito ang hinahanap lagi sa tula ni Leoncio Deriada na “sincerity.” Magandang halimbawa ang tulang “Para kay Bing” upang gawing halimbawa sa mga nagsisimulang sumulat ng tula ang konsepto ng “human speech” at “sincerity.”

Ang iba pang tulang gusto ko sa koleksiyong ito ay ang “Raya Rang Pagsalig, Raya Rang Kabuhi (Ito ang Pangako Ko, Ito ang Buhay Ko)” na sa tingin ko ay para pa rin kay Bing. Katangian pa rin ng tulang ito ang pagiging simple, ang pagiging tapat, ang pagiging tao. Nabanggit din ni Nong Mel sa tulang ito ang salitang “parayaw,” isang luma at magandang salitang Aklanon para sa “mahal” o “giliw.”

Gusto ko rin ang “Indi Ko Masueat Rang Pinakamasubo nga Binaeaybay (Hindi Ko Masulat ang Pinakamalungkot na Tula)” na nagpapaalala sa akin ng isang sikat na tula ni Pablo Neruda.

Malaking kontribusyon din sa kakaunti pa lamang na naisaling mga Aklanong akda ang ginawa ni Masula sa librong ito. Subalit kailangan pang mas gawing pulido sa pamamagitan ng editing at pagiging mas tapat ang kaniyang mga salin. Sabi nga ng guro ko sa Literary Translation, mas mainam palaging ipabasa at ipa-workshop ang nagawang salin bago ito ilathala. Sana ipinaliwanag din ni Masula ang kaniyang proseso ng pagsasalin sa kaniyang Introduksiyon upang mas maging makabuluhan ito sa mga mambabasa lalo na sa mga mag-aaral ng literaturang Aklanon at sining ng pagsasalin.

Inilunsad ang aklat na ito (kasama ng aklat ng isa pang Akalanong manunulat na si John Barrios) sa NAM it Aklan 2018 (National Literature Month in Aklan) na itinaguyod ng National Commission for Culture and the Arts, Hubon Manunulat, Municipality of Kalibo, Province of Aklan, at Aklan Historical Society at idinaos sa Northwestern Visayan Colleges sa Kalibo Aklan noong Pebrero 23-24, 2018. Sa interesadong bumili ng kopya makipag-ugnayan lamang sa kasingkasingpress@yahoo.com at bumisita sa http://kasingkasingpress.com.

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s