Pagsikat ng Araw sa Buda

Malamig ang lungtiang yakap ng umaga dito sa Buda, ang kabundukan sa pagitan ng Davao at Bukidnon dito sa Mindanao. Ang simentadong kiosko na may yerong bubong na nakausli sa gilid ng bundok na kinauupuan ko ay napapalibutan ng mga punong pino, mga higanteng fern, at marami pang uri ng mga punongkahoy at halaman.

Nasa likod ng mga bundok ang sinisikatan ng araw. Ang pinapanood ko ay ang unti-unting paggapang ng liwanag sa kabundukan, sa mga punongkahoy, sa mga bulaklak sa paligid. Naliligo ako sa kadalisayan ng umaga.

Kahapon pa ako namamangha sa kagandahan ng lugar. Lupaing ninuno ito ng mga katutubong Matigsalong. Mga dalawa hanggang tatlong oras ang biyahe mula sa Lungsod Davao. Mahigit-kumulang 90 kilometrong biyahe sa maayos at malaking kalsada (anim na lanes) na may tanawin ng kabundukan.

Manipis na ang mga punongkahoy sa mga bundok sapagkat matagal na itong kinalbo ng pagtotroso. Masakit nga lang sa mata ang mga streamer ng isang politiko, na isang kongresista ngayon, na nag-aambisyong maging senador. Kada limang kilometro yata ay may malaking streamer siya na may larawan pa ni Manny Pacquiao. Hindi ba masyadong maaga itong pangangampanya? Napapangiti na lamang ako sa sobrang epal ng mga trapo.

Nadaanan namin ang lugar kung saan gin-ambush ang mga PSG noong nakaraang taon. Nasa bahagi ito ng bawnderi ng Davao City, Cotabato, and Bukidnon sa Arakan Valley. Marami kasi talagang NPA sa lugar na ito. Hindi rekomendado ng mga tagarito na magbiyahe sa highway na ito patungong Malaybalay, Bukidnon kapag madilim na.

Kasama ko sa pagbakasyon dito ang dalawang kaibigang babaeng manunulat na taga-Davao. Dinala nila ako rito dahil alam nila na magugustuhan ko ang lugar. At di nga sila nagkamali. Pagdating pa lamang namin kahapon, kinukulit ko na ang isa sa kanila na bumili na ng lupa rito at magpatayo ng bahay-bakasyunan. Para kasing Lungsod Baguio ito na mas malinis, mas maraming punongkahoy, mas tahimik, at di hamak na mas kaunti ang mga tao at sasakyan.

Kamangha-mangha pa rin ang ganda ng paligid kahit na nasalaula ang lugar na ito ng pagtotroso. Iilang pamilya rin ang yumaman dahil sa paghalay sa kalikasan dito. Mahirap pa rin ang karamihan sa mga taong naninirahan dito lalo na ang mga katutubo. Gayunpaman, hindi pa rin matatawaran ang ganda ng lugar.

Maraming mga lugar dito sa Filipinas na tulad nitong Buda—malamig, lungtian, maraming bulaklak at gulay, at napapalibutan ng punong pino tulad ng Lungsod Baguio o Sagada sa Kordilyera. Sa Iloilo ay may Bucari na nasa kabundukan ng bayan ng Leon. Sa amin sa Antique may Aningalan na sa bayan ng San Remegio. Hindi ko pa napupuntahan ang dalawang lugar na ito ngunit may nakita na akong mga larawan nito mula sa mga kaibigan kong nakapunta na roon.

Masarap kasi talaga ang manirahan sa malamig na lugar. Hindi kailangan mag-aircon. Kung naglalakad ka ay di ka agad pagpapawisan. Hindi ka nagiging mukhang dugyot. Gusto kong magretiro sa lugar na ganito. Sa piling ng malamig na lungtiang yakap ng kalikasan dito sa Filipinas.

Sana nga magkaroon na talaga ng totohanang kapayapaan dito sa Mindanao. Bakâ kasi masasayang lamang ang ganda nito. Ang kalahating dugo ko ay Mindanao. Ang nasira kong ina ay taga-Digos, Davao del Sur. Kayâ siguro at home na at home ako rito ngayon dito sa kandungan ng kabundukan sa pagitan ng Davao at Bukidnon.

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s