Tinanghali ako nang gising kanina. Maliwanag na ang paligid. Tiningnan ko ang oras sa aking cellphone, 6:17 na ng umaga. Bumangon ako at hinawi ang puting kortina sa kristal na bintana sa uluhan ng aking kama. Napa-shet-na-malagket ako sa aking nakita. May fog! Nababalot ng puti na ulop ang matatayog na punong pino sa itaas na bahagi ng Cicada Training Center kung saan pangalawang umaga na namin.
Pumasok ako ng banyo upang umihi at habang umiihi ako, nakikita ko ang mga pine tree at iba pang punongkahoy pati ang mga damuhan at mga bulaklak sa labas mula sa maliit na bintana na nababalutan ng fog.
Ang sarap. Parang sa Baguio na nga ako. Pero sa totoo lang, di hamak na mas maganda kaysa Lungsod Baguio itong Lorega, Bukidnon.
Agad akong nagtimpla ng kape at isinuot ang aking sweat shirt na bulaklakin. Suot ko pa rin ang aking padyama at lumabas ako. Sinalubong ako ng malamig na simoy. Ang kabundukang nagtatakip ng tanawin ng papasikat na araw ng nagdaang umaga ay nakukumutan din ng makapal na ulop. Nagkape ako sa kiosko na nakausli sa gilid na bundok na nasa hardin sa labas ng cottage naming tinitirhan.
May fog sa kalsada. Di ko makita ang Lorega Check Point kung nasaan ang restawrang Wild Berry mga isang kilometro ang layo mula rito sa Cicada. Makikita kasi ito mula rito. Ang sarap ng lamig! Kay linis ng malamig na simoy! Kay lungtian ng paligid na yumayakap sa aking katawan at kaluluwa.
Kapag ganito kaya kong umupong nakatunganga habambuhay. Pero sabi nga ng mga sinaunang Hapon, pansamantala lamang ang mga pagkakataong ganito dahil pansamantala lamang ang lahat sa mundong ibabaw. Sabi pa nila, palaging may kakambal na lungkot ang tunay na kagandahan.
Kapag ganito kasi kaganda ang umaga, nakakalimutan ko na may Batas Militar sa Mindanao. Na sa ibang bahagi ng kabundukang ito may mga katutubong biktima ng militarisasyon. May mga katutubong naagawan ng lupaing ninuno. Kayâ walang tunay na kapayapaan dito sa Mindanao na isang lugar na biniyayaan ng magandang kalikasan, ang islang sinilangan at kinalakhan ng nasira kong ina.
Tinanong ko ang dalawang kasama ko kung ano ang fog sa Sebwano. Tumawa sila. “Fogs” daw na “a” pagbigkas sa “o”. Fog na may “s” at lalo silang tumawa. Sabi ng isa, tiyak na may tawag sa fog ang mga katutubong Matigsalong kasi dito sila nakatira. Wala raw silang salita para dito dahil wala namang fog sa Lungsod Davao. Sabi ko sa kanila, “ambon” ang tawag nito sa amin sa Kinaray-a at “ulop” naman sa Tagalog. Kaso, ang ambon sa Tagalog ay mahinang ulan. Ang ulop naman, parang di na ginagamit. Kapag ginagamit ko nga ito sa mga tula ko, nagtatanong ang mga Tagalog kong kaibigan kung ano ang ibig sabihin nito.
Naalala ko tuloy ang tawag ng mga Palawán na nakatira sa kabundukan ng Brooke’s Point sa timog Palawan sa fog—“gabon.” Minsan kasi nang nandoon ako ay may fog. Tinanong ko sila kung ano ang tawag nila sa fog. Gabon daw. At sa aking tenga ay napakagandang salita ang gabon.
Gusto kong sumulat ng tula na ang pamagat ay “Gabon sa Lorega.”
Huling umaga na namin ito dito sa Cicada. Susunduin na kami ng arkiladong van namin mula Davao bago magtanghalian. Habang naliligo ako sa banyo kanina, kinakanta mong muli ang “Matud Nila” at “Usahay,” theme song ng mga magulang ko na noong maliit ako ay kinakanta sa akin ni Nanay na Sebwano ang inang-wika.
Wala na ang gabon sa labas mula sa maliit na bintana. Maganda ang lungtiang tanawin sa labas subalit may kurot ng lungkot at pangungulila sa balat ng aking kaluluwa.
Marso 28, 2018 Miyerkoles
10:51 n.u. Cicada Training Center
Lorega, Bukidnon