PARANG nasa sariling pribadong resort lamang ako. Ito ang pakiramdam ko habang nakatayo sa balkonahe ng aming kuwarto sa La Vida Orchard Samal, isang maliit na resort sa Catagman, Isla Samal na napapangiti ako sa opisyal na pangalan nitong “Island Garden City of Samal.” Pinagmamasdan ko ang mga bulaklak at halaman sa paligid, at ang malaki at malabay na punong mangga. Umaga at nakabihis na ako ng pampaligo sa dagat sa unahan sa labas ng pader.
Nang dumating kami ng nakaraang hapon, agad akong nasiyahan sa aking nakita. May bahagi ang pader na nababalutan ng mga puti at pulang bogambilya. Ang kainan na yari sa kahoy at sawali ay napapalibutan ng iba’t ibang halaman. Sa tabi ng isang punongkahoy na kinakapitan ng puting bogambilya ay may mataas na puno ng gumamelang punô ng pulang bulaklak.
Ang reception area na yari din sa sawali ay puno ng mga peynting. Nagagalak rin ang aking mga mata sa makukulay na ponda ng maliliit na unan sa puting kawayang upuan. Kapag nakaupo ako rito, makikita ko ang kabuuan ng hardin.
Bed and breakfast ang La Vida Orchard. Ibig sabihin, agahan lamang ang inihahanda nila. Kayo ang magluluto ng inyong pananghalian at hapunan sa kanilang kusina na may makulay na lababo at puno rin ng mga peynting. Mayroon lang silang dalawang gusali na may tag-apat na family room. Ito ang maganda dahil kakaunti lamang ang kanilang bisita.
Mga labinlimang minuto lamang na sakay sa barge ang biyahe mula piyer ng Lungsod Davao patawid sa isla. Huwebes Santo nang pumunta kami kung kayâ napakahaba ng pila ng mga sasakyan sa dalawang piyer sa Davao. Pumila kami mula 10:00 ng umaga at nakasakay kami ng barge mga alas-dos na ng hapon. Ganoon daw talaga ang pila kapag holiday at pati na rin kung weekend. Pinag-uusapan na rin ang paglalagay ng tulay sa pagitan ng Davao at Samal. Naalala ko siyempre ang Guimaras na parang ganito rin ang layo mula sa Lungsod Iloilo. Halos kalahati lamang ng Guimaras na may lawak na 604.65 square kilometers ang Samal na 301.30 square kilometers.
Pagdating sa isla ay agad kaming naghanap ng makakainan. Napunta kami sa isang malaking resort na malapit sa piyer na kung may contest ng kabaduyan ay mananalo ito taon-taon. Wala silang konsepto ng hardin. Mukhang wala ring arkitektong nadisenyo ng mga gusali. Pero dahil nga gutom na gutom na ako ay dedma na ang baduy na kapaligiran. Ang importante makalafang. Hindi ko na nga matandaan kung ano ang kinain namin doon. Ang importante nabusog ako. Ang di ko lang makalimutan, may dalawang babaeng medyo may edad na na nakapulang damit na mala-evening gown sa kabilang mesa na umiinom ng wine. Naaalibadbaran ako sa kapal ng meyk-up nila at mahihiya ang palaspas ng Domingo de Ramos sa kanilang mga pekeng eyelashes. Wala ring panlaban ang Bundok Apo sa mga suso nilang kapansin-pansin ang pekeng kalakihan kumpara sa balingkinitan nilang katawan. Para silang kakatwang aparisyon. Nang umalis sila, bitbit-bitbit nila ang bote ng kanilang vino at ang kanilang sosyal na wine glasses.
Mabuti na rin na walang pananghalian at hapunan sa La Vida Orchard dahil magandang mamili sa palengke ng Babak. Maraming pagpipiliang sariwang isda at mga seaweed o latû. Nakabili pa kami ng hinog na langka na paborito kong prutas. Nagkataon din na ang drayber ng nirentahan naming sasakyan ay magaling magluto. Ipinagluto niya kami at hindi ko makakalimutan ang sarap ng kaniyang adobong eel at adobong atay ng manok. Yum, yum!
Siguro mga isang daang metro lamang mula sa tarangkahan ng La Vida Orchard ang dalampasigan. Maputi ang buhangin subalit mabato. Maganda maligo kapag mataas ang tubig o high tide tulad ng ginawa ko sa unang gabi pagdating namin doon. Ang problema, may mga breakwater na nagsisilbing bakod sa dalampasigan ang mga dikit-dikit na resort doon. Naisip ko nga, kung ipinapatupad ang easement sa mga resort sa Boracay at El Nido, ibig sabihin bawal magkaroon ng kongkretong istruktura 40 metro mula sa high tide line, at sinisira na ang mga resort na masyadong malapit sa dagat, dapat sirain din ang mga breakwater sa Isla Samal.
Kung magandang beach ang habol mo, wala nito sa La Vida Orchard. Ang kagandahan nitong resort ay ang ambiance na parang sarili mo itong private resort. Magandang lugar ito upang ipahinga ang iyong katawan at isipan. Magandang lugar din ito upang magsulat o magpinta. Ito naman talaga ang pangarap ni Ninio Supelvida na may-ari at nagma-manage nitong resort na maging artist’s retreat ang kanilang lugar. Ang mga peynting doon ay mga peynting niya. Dalawang taon pa lamang daw siyang nagpipinta. Nagma-manage siya ng resort sa araw at nagpipinta sa gabi. Ipinakita pa nga niya sa akin ang kaning istudyo.
Sa kainan may nakasabit na maliit na peynting ng mga kulay dilaw at narangha na poppies sa asul na background. Buhay na buhay ang mga bulaklak at naalala ko tuloy ang poppies na namumulaklak sa tabingkalsada ng Lenhovda sa Sweden. Gusto ko itong bilhin. Habang naghahapunan ay sinabi ko ito kay Ninio. Tumawa lamang siya at sa pagkakaintindi ko hindi niya ito ibinebenta. Nang sumunod na araw habang nag-aalmusal, muli ko siyang kinausap. “Gusto mo ba talaga?” tanong niya. “Oo, gustong-gusto ko dahil pinapaalala sa akin nito ang tag-araw sa Sweden,” sagot ko. “Sige na nga, babalutin ko na ‘yan mamaya para sa ‘yo with a heavy heart,” sagot niya.
Nang paalis na kami matapos ang pananghalian, nag-CR ako sa banyo ng reception area. At doon may nakita akong nakasabit na peynting ng mga lila na pandanggera sa puting background. Piniktyuran ko ito ng aking iPhone. Paglabas ko, ipinakita ko kay Ninio ang larawan. Sabi ko, ang ganda rin nito. Natuwa siya sa aking sinabi. Sabi ko sa kaniya, dapat i-pursue niya ang istilo niyang nasa gitna ng istilo nina Vincent Van Gogh at Juvenal Sanso. Habang nakaupo roon sa reception area at hinihintay ang mga kasama sa pag-check out, iniisip kong iyong nasa banyo na lamang ang bibilhin ko at hindi na ang poppies. Iniisip ko kung hindi ba masyadong nakakahiyang palitan ko ang binili ko. Hawak-hawak ko na kasi ito na nakabalot na. Hindi naman káya ng badyet ko na dalawang peynting ang bilhin.
“Gusto mo ba talaga ang nasa banyo?” tanong ni Ninio. “Oo,” sagot ko. “Kunin mo na. Sa ‘yo na,” sabi niyang nakangiti. Hindi ako makapaniwala sa aking narinig. Iniisip ko, tinutukso lamang niya ako. “Seryoso?” tanong ko. “Oo, kung gusto mo talaga dalhin mo na,” sagot niya. Halos patakbo akong bumalik sa banyo upang kunin ang pandanggera! Sumunod sa akin si Ninio at siya na ang kumuha. Agad niya itong binalot at ibinigay sa akin. Nahihiya man ako nang kaunti ay masaya ko itong tinanggap. Nasa sala ko na sa condo ko ngayon ang dalawang larawan ng mga bulaklak. Ang poppies, nagpapaalala sa akin ng Lenhovda. Ang mga pandanggera, nagpapaalala sa akin ng Maybato.
Katulad ng Guimaras, marami ring manggahan sa Samal. Noong pauwi na ay dumaan kami sa isang maliit na kamalig na nagtitinda ng hinog na mangga. Nang bumili kami kumakain ng binignet (Sebwano para sa ginatan at palutaw naman ang tawag namin sa Kinaray-a at Hiligaynon) ang mga nagtitinda. Pinansin ito ng isang kasama namin at agad silang nag-offer na pakainin kami. Noon ko lang nalaman na tradisyon pala para sa mga Cebuano (ang mga nagsasalita ng wikang Sebwano sa Cebu man sila o sa Mindanao) ang pagluluto ng binignet kapag Biyernes Santo. Nakikain kami siyempre at kay sarap ng kanilang binignet. Ipinabalot pa nila kami na aming dinala pauwi sa Lungsod Davao.
Hindi na mahaba ang pila sa piyer sa Samal pabalik ng Lungsod Davao. Siguro dahil Biyernes Santo pa lamang at Sabado de Gloria o Linggo ng Pagkabuhay pa magsisiuwian ang mga nagbabakasyon sa isla. Maraming nagtitinda sa tabingkalsada. Bigla akong nagkaroon ng pagnanasang kumain ng nilagang itlog. Ibinaba ko ang sara ng bintana. May isang batang babaeng nagtitinda. Tinawag ko siya. Mabilis siyang lumapit. Ang liit niya. Halos kapantay lang ng bumbunan niya ang bintana ng aming SUV. Tig-dalawampung piso ang isang balot ng tatlong nilagang itlog. Dalawang balot ang binili ko. Habang hinihintay ko ang aking sukli at pinapanood ko siyang kumukuha ng panukli sa kaniyang nanlilimahid na belt bag, bigla kong naalala si Juliet. Sunog sa araw ang balat ng bata. Ang payat-payat niya. Nakikipagtagisan siya sa pagbebenta ng itlog at chicharon sa mga mamà at aleng nagbebenta rin sa tabingkalsada. Nalungkot ako. Hindi dapat ito ginagawa ng isang bata. Pinipigil kong mapaiyak. Iniisip ko kasi na paano kung si Juliet ang batang ito? Habang ipinagdarasal ko ang kaligtasan at ang kinabukasan ng batang tindera, nagpapasalamat din ako sa Panginoon na nandoon na si Juliet sa Sweden, isang bansang kilala ang pagiging mabait sa mga mamamayan nila lalo na sa mga bata.
Nawalan ako ng ganang kumain ng nilagang itlog. Itinago ko muna ito sa aking knapsack. Habang tumatawid sa dagat sa pagitan ng Samal at Davao, naiisip ko, hanggat pinababayaan natin ang mga bata sa ating bansa, wala tayong mararating bilang mga Filipino. Ang ilan sa atin, ang sarap ng buhay. Ang karamihan, lugmok sa kahirapan. Kayâ nabubuwisit ako sa mga politiko na porma lang nang porma wala naman talagang ginagawa. Tanggap ko naman na wala ang paraiso dito sa lupa. Pero tiyak na may magagawa tayo upang tulungan ang bawat isa na maibsan ang kanilang paghihirap. Hindi lang natin ginagawa dahil ayaw nating gawin dahil sarap na sarap na tayo sa sarili nating mga hardin na punô ng mga plastik na bulaklak at halaman.
Abril 5, 2018
De La Salle University