Babay, Summer!

THIRD trimester na ngayong araw. Ang tag-araw ko ay “lumabay-labay nga daw asu, asu pa lamang” ayon sa isang lumang awiting Hiligaynon. Dumaan lang na parang usok at iyon na nga, kailangan ko nang i-finalize ang mga silabus ko sa CREWRIT (Creative Writing) at HUMALIT (Introduction to Literature). Dapat noong nakaraang linggo ko pa ito ginawa, kaso nag-Writing the Classroom 2 pa kami at ako ang Hermana Mayor.

Grabe. Biro ko nga, andami kong ginawa para sa “nation building” nitong nakalipas na tag-araw. Well, technically, as per PAGASA tsenes, hindi pa naman officially tapos ang summer. Nakakasakal pa rin ang init sa labas. Dapat kaninang madaling-araw paggising ko nasa isang kubong yari sa kawayan ako sa isang tagong dalampasigan sa Guimaras, o nasa isang tent na may kasamang lalaking may abs sa Bucari sa Iloilo o sa Aningalan sa Antique.

Kanina, paggising ko mga alas-kuwatro ng umaga, mag-isa ako sa aking kama sa Tore ko rito sa Taft Avenue. Tulog pa ang Maynila. Parang tinatamad pa ang Taft Avenue. Antok na antok pa ang buong Malate.

Officially, nag-umpisa ang summer vacation ko noong Abril 25 matapos ng Grade Consultation Day ng Second Trimester. Ang siste, Abril 22 pa lang ay flaylalu na ako pa-Bacolod para sa IYAS National Writers Workshop na since 2007 ay panelist na ang byuti ko. Dapat hanggang Abril 27 ang IYAS. Ang siste uli, may UMPIL Congress sa Lungsod Roxas sa Capiz ng Abril 28 at bilang seksing Sekretaryo Heneral ng UMPIL ngayon, ako ang Hermana Mayor ng Konggreso. Kayâ, Abril 26 may I farewell walk na ako from IYAS at umagang-umaga nakipagsiksikan sa piyer ng Bacolod para makasakay sa fast craft papuntang Iloilo. Pagdating sa Iloilo, sumakay ako ng bus at nagbiyahe ng mahigit tatlong oras papuntang Roxas. Pagdating ko ng Gerry Roxas Foundation na venue ng UMPIL Congress ngayong taon, isa na akong bilasang balyena pero kailangan ko pa ring sumakay ng traysikel papuntang Capiz Capitol para makipag-coordinate tungkol sa Konggreso na sponsored ng Capiz Provincial Government.

Matapos ang gig ng Sirena sa Seafood Capital of the Philippines, biyahe muli pabalik ng Iloilo para naman sa 16th San Agustin Writers Workshop mula Abril 30 hanggang Mayo 2 sa aking Alma Mater, ang University of San Agustin. Yes, kahit pista opisyal noong Mayo 1, wiz kami paki at tuloy ang laban para sa literatura. Dahil labis akong nagmamaganda, ako ang direktora nitong workshop na in fairness, pang labing-anim na taon na! Parang kailan lang nang inumpisahan namin ito noong 2001!

Salamat sa Diyos at may kaunting semblance ako ng bakasyon mula Mayo 3 hanggang Mayo 6, ang araw ng paglipad ko pabalik ng Maynila. Nakapag-walking pa ako sa Iloilo Esplanade at nakaligo sa malinis na dagat sa Guisi, Guimaras kasama ang mga minamahal na kaibigang manunulat sa Iloilo.

Ang kaso, habang nandoon ako sa Iloilo, walang tigil ang mga text, email, at tawag ng mga minamahal kong kaguro sa Departamento ng Literatura hinggil sa preparasyon ng Writing the Classroom 2. Nakipag-miting pa ako sa kanila via phone patch habang kumakain ako ng batchoy sa Netong’s sa Atria, ang paborito kong tambayan doon. Ito rin ang mga araw na nakikibalita ako sa mga kaibigan hinggil sa lumalalang kalagayan ni Cirilo F. Bautista, ang aking Papá sa pagsusulat, sa Philippine Heart Center. Ang balak ko noong Mayo 6, mula airport ay didiretso ako sa hospital upang bisitahin siya. Subalit nasa airport pa lamang ako ng Iloilo, nakatanggap na ako ng text na wala na siya. Tuloy, tulala ako buong araw ng Linggo na iyon.

Mayo 10 ng umaga, necrological services para kay Papá sa Cultural Center of the Philippines at tanghaling tapat ay inilibing ang kaniyang abo sa Libingan ng mga Bayani. Sa dami ng ginagawa, hindi pa talaga ako nakaiyak nang bongga. Basta, tinipon ko lahat ng mga libro niya—mula sa mga bookshelf ko sa Pasig—at inilagay ngayon sa mesang-sulatan ko rito sa aking Tore. Binabasa ko siyang muli. At medyo weird lang dahil mukhang wala na akong ganang ipagluksa pa siya. Habang binabasa ko kasi siya ngayon, o kahit na pinagmamasdan ko lamang ang mga libro niya sa aking mesa, feeling ko buháy na buháy siya. Wala siyang kamatayan sa aking puso at isipan.

Hayan, mag-aalas-diyes na ng umaga at award-winning na ang sikat ng araw sa labas. Summer na summer pa rin ang peg ng kalahating-dipang dagat na makikita ko mula sa aking bintana. Manila Bay the beautiful! Bakit wala pa rin akong ganang maligo at magbihis at magtrabaho na?

Sarap ng breakfast ko kanina. Pancit molo na pabaon ng isang kaibigan ko mula Iloilo. Kape na binili ko sa Bacolod Showroom na pinatamis ng coco sugar na bigay ng isang kaibigan mula sa Davao. Nag-toast din ako ng tinapay at pinahiran ng butter at ng maraming homemade na strawberry jam na binili ko sa tabingkalsada sa Lorega sa Bukidnon noong Huwebes Santo.

Actually, kahit na dumaan na parang one night stand lamang ang summer ko ngayong taon, excited na akong magsimula ng klase. May mga bagong set uli ng mga estudyanteng tuturuan ko kung paano magsulat. Mga estudyanteng captive audience ko kapag kinikilig at naglalaway ako sa pag-discuss ng mga tula nina Papá, Wisława Szymborska, at Merlie Alunan; ng mga kuwento nina Bienvenido N. Santos, Nick Joaquin, at Franz Kafka. Ang maganda sa pagtuturo ko ng malikhaing pagsulat at literatura, binabayaran ako upang gawin ang isang bagay na gustong-gusto ko!

Wynona Ryder ang Sirena, di vah?

 

[Mayo 21, 2018 Lunes
9:35 n.u. Tore kang Katáw]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s