Lansones Joyride

Bumabaha ang lansones dito sa Iloilo ngayon. Bawat kalye yata may nagtitinda. Noong Biyernes ng gabi nang sumilip ako sa kalsada mula sa kuwarto ko sa ikalimang palapag ng Iloilo Midtown Hotel, may dumaan na lumang kariton na tinutulak ng tatlong lalaki. Punong-puno ito ng lansones! Nasa mga nirarang basket na dahon ng niyog at umaapaw ang mga prutas!

Sayang at hindi ako puwedeng kumain ng anumang prutas ngayon sabi ng endocrinologist ko, ang doktor ko sa diabetes sa PGH. Dalawang linggo lang naman daw na wala munang prutas at kahit anong inumin na may asukal. Para daw matantiya niya kung ilan ang ibabawas sa maintainance na gamot na iniinom ko at matantiya rin niya kung ilang prutas ang maaari kong kainin kada araw na kontrolado pa rin ang blood sugar ko.

Ang bait-bait ko. Limang araw ko nang nagagawa ito. Ramdam ko na nga na medyo lumiit ang tiyan ko. Tuwang-tuwa nga ako sa picture ko na nagle-lecture kahapon sa kumperensiya hinggil sa Panitikang Gender-based ng Komisyon sa Wikang Filipino sa West Visayas State University dito sa Iloilo. Wala na nagabuslo ang akon tiyan. Hindi na ako bundat na bundat tingnan.

Pero siyempre, nag-cheat ako kagabi. Sa dinner kasi namin sa Cafe Panay sa Festive Walk sa Megaworld Business Center ang isang kasama namin ay may dalang kalahating kilo ng lansones! Bumigay ako nang inalok niya ako. Sabi ko bawal sa akin pero hingi lang ako ng tatlo. Hay ambot! Katam-is kag kanamit sang lansones.

Over dinner kinuwento ko sa kanila ang trip namin ng kaibigan kong si Ivonne na kaklase ko sa University of San Agustin at boardmate sa isang lumang building sa likod ng isang bagong building sa San Agustin St. Early 1990s iyon at kapag ber months na, marami nang nagtitinda ng lansones sa mga kalye ng lungsod katulad ngayong Setyembre. Nang mga panahong iyon, sampung piso lang ang kilo.

Trip namin ni Ivonne na maglansones joyride sa dyip. Pagkatapos ng hapunan sa bordinghaws lalabas kami na nakapangbahay lang at bibili ng tig-iisang kilo ng lansones. Pagkatapos sasakay kami ng Molo City High na dyip na ang ruta ay paikot ng city proper. Uupo kami sa dulo at kakainin ang lansones namin habang nagkukuwentuhan tungkol sa kung ano-ano. Joyride lang talaga. At kapag mapadaan kami sa kalye kung saan kami sumakay, babayad muli kami sa drayber. Apat na piso lang yata ang pamasahe ng estudyante noon. Siguro makatatlong ikot kami saka mauubos na ang lansones namin. Pero ang kuwentuhan namin bottomless. Kaya lang aantukin na kami at bababa ng kami ng dyip. Uuwi na sa bordinghaws para matulog.

Matagal na iyon. Kagabi sabi ng kaibigan kong bumili ng lansones, tig-P40 ang kilo. Murang-mura na kung tutuusin kumpara sa lansones sa Maynila. Noong isang linggo lang bumili ako ng lansones sa amin sa Rosario, Pasig at P160 ang isang kilo. Over di ba? Matamis nga pero presyong ginto naman.

Ilang dekada na rin kaming di nagkita ng Ivonne. Buti nga at may Facebook dahil friends kami ngayon. Pero kapag makakita ako ng lansones saan man ako naroroon–sa amin sa Rosario, Pasig, sa mga kalye ng Malate, o kahit nang nandoon ako sa Tinalak Festival sa Koronadal, South Cotabato, naaalala ko ang mga pagdyo-joyride namin ni Ivonne sa dyip habang kumakain ng tig-iisang kilo ng lansones at nagtsitsismisan hanggang sa antukin kami.

(Setyembre 23, 2018
Lungsod Iloilo)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s