Kapag umibig ang Sirena…

Lalong nagiging berde ang buntot. Hampas nang hampas ang buntot at nakakasulat ng mga tula sa buhangin ng di masyadong tagong dalampasigan ng pangingibig.

As of today nakasampung tula na ako. Ngayong darating na Sunday pa lamang ang aming weeksary. Nababaliw na ba ako? O baka mabaliw kapag hindi makasulat ng tula?

Siyempre sa kaniya ko agad tini-text ang mga tula ko bago ko i-post sa Facebook. “Hahaha baby tlga ginawan mo pa tula yung jollibee,” text niya nang mabasa ang tula kong “Isang Gabi sa Jollibee.” Ang totoo niyan, may ilang tula akong di na pinapabasa pa sa kaniya. Baka kasi matakot na siya at isiping naloloka na ako.

Sabi ng isang makatang kaibigan, “Buti pa siya nakakasulat ng tula kahit masaya!” Kadalasan kasi, nagsusulat lamang ang isang manunulat kapag malungkot siya. Sabi nga ni Cristina Pantoja Hidalgo sa isang sanaysay niya, “It doesn’t occur to me to write when I am happy.”

Pero ang pagiging in love kasi ay hindi lang naman puro kasiyahan. Masaya ka na in love ka pero kakambal nitong saya ang pangamba. Pangamba na totoo kaya ito? Baka nananaginip lang ako? Baka hindi siya totoo? Baka lolokohin lamang ako? Baka sasaktan lamang ako? Kaya siguro nakakasulat ako ng tula.

Kasi parang hindi talaga siya totoo. Matagal ko nang pinangarap na magkaroon ng BF na tall, dark, and handsome. May pumupuna pa nga sa aking isang matandang manunulat (na sa tingin ko ay closet queen naman talaga) na parating 5’9″ ang height at guwapo ang mga lalaki sa mga kuwento ko. Siguro iniisip ng dyonda na ito na puro ilusyon lang ang mga kuwento ko, romantisismo lamang, at walang kinalaman sa struggle ng mga mahihirap at mga uring manggagawa, at sa nation building!

Bagamat hindi naman totoo na puro 5’9″ at guwapo ang mga lalaki sa lahat ng aking mga kuwento, aaminin kong marami talaga akong kuwento na ang mga lalaki ay 5’9″ nga ang height at ang popogi nila. Yung iba may abs pa. Nang lumabas ang libro kong Anghel sang Capiz noong 2008 at may poging lalaking hubad sa cover, marami ang nagtanong sa akin kung ito ba ang BF ko. How I wish! ang standard kong sagot. Yung iba ayaw pang maniwala na hindi ko kilala ang lalaking nasa cover dahil model iyon ng gumawa ng cover design at wala akong kinalaman doon.

Well, well, well… Kung ang literatura ayon kay Aristoteles ay salamin ng buhay, masuwerte akong Sirena ngayon dahil mistulang naging totoo ang mga lalaki sa mga kuwento ko. Five-nine nga ang height ng BF ko ngayon. Kahit walang abs, tall, dark, and handsome naman siya. At siya ang nanligaw sa akin! Chub chaser kumbaga. Ang haba ng hair ko at sobrang kinang ng aking mga kaliskis!

Ito ang sinulat ko sa aking status update sa Facebook noong Mayo 13, isang araw matapos ko siyang sagutin ng oo: “Dahil dumating sa kasagsagan ng napakainit na tag-araw. Dahil pilit na sumingit sa sunod-sunod na mga palihan, kumperensiya, at lektura. Dahil sa sobrang ganda at sarap ay parang hindi totoo, parang masarap na panaginip lamang. Dahil natibag ang bato kong puso na edad 45 na at pinayagan ang sariling muling sumayaw sa mga ulap sa kabila ng pagbadya ng bagyo. Alam ng puso ko’t isipan na iisang dakilang liwanag lamang ang pinanggagalingan nito. Ang taimtim na panalangin ko ngayon ay maging karapat-dapat ako at mapanindigan ko ito. Anim na buwan? Isang taon? Isang dekada? Forever? Iba ang sukatang panahon ng isang busilak na pagmamahalan. Sa daigdig ng pag-ibig, ang isang magdamag ay walanghanggan.” Ang post na ito ay may kasamang larawan ng isang bulaklak at ang tekstong nakalagay ay, “This is the Lord’s doing; it is marvellous in our eyes. – Psalm 118:23.”

Tulad ng iba pang magagandang bagay na dumating sa aking buhay, alam kong walang ibang panggagalingan ito kundi ang Poong Maykapal na siyang bukal ng tunay na pag-ibig.

“Enjoy while it lasts,” pabirong sabi ng ilang kaibigan. Ganoon naman talaga. Wala naman talagang forever sa mundong ito. Ang forever ay sa piling lamang ng Poong Maykapal. Kaya habang naririyan, hayaan ninyo akong sumulat ng mga tula.

 

(Mayo 23, 2019 Huwebes
DLSU Manila Campus)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s