Ang maganda sa pinakabagong libro at pangalawang nobela ni Criselda Yabes na Broken Islands (Ateneo de Manila University Press, 2019) ay napatibay nito ang paniniwala ko na isa siyang bisdak na manunulat.
Ang bisdak ay pinaikling “Bisayang Daku” na ang literal na kahulugan ay “Bisayang Malaki.” Ibig sabihin, big time na Bisaya. Kapag bisdak ka, ikaw ang siga na Bisaya. Matapang, hindi makanti, may kayabangan dahil may K naman talaga. Iyan si Criselda Yabes. Hindi lamang dahil lolo niya ang nag-edit ng isa sa mga pinakamahalagang textbook ng Philippine literature. Sa mga nag-major ng literatura imposibleng hindi ninyo narinig ang pangalang Leopoldo Yabes. Samakatwid, bisdak si Cris dahil bilang manunulat royalty naman talaga siya ng Philippine literature. At dahil nga bisdak siya, hindi siya nagkasya sa pagiging royalty lamang kundi masipag at magaling din siyang manunulat. Dalawa lang naman ang pinanalunan niya sa prestihiyosong University of the Philippines Centennial Literary Prize noong 2008—nakuha niya ang grand prize para sa nobela at creative nonfiction! Inilathala ang mga ito ng UP Press: ang nobelang Below the Crying Mountain (2010) at ang historical essay na Sarena’s Story (2010). Ang dalawang libro ay parehong tungkol sa Mindanao. Ang nobela niyang ito ay long listed sa Man Asia Literary Prize lang naman. At dahil nga bisdak siya, ilalathla ng Penguin Southeast Asia ang Below the Crying Mountain.
Nakilala ko si Cris noong Disyembre 1997 nang gin-cover namin ang runsay sa bayan ng Aborlan sa timog Palawan. Taunang ritwal ng pasasalamat ng mga katutubong Pala’wan ang runsay na ginagawa sa dalampasigan tuwing huling pagbilog ng buwan ng taon. Gandang-ganda ako sa kaniya nang makita ko siya. Matalik siyang kaibigan ng mentor ko sa journalism na si Yasmin Arquiza na kasama ko sa Bandillo ng Palawan, isang pro-environment at pro-katutubo na NGO sa Lungsod Puerto Princesa na naglalathala ng lingguhang diyaryo (ako ang editor) at buwanang magasin sa Ingles (si Yasmin naman ang editor). Magkasabay kasi silang mag-aral sa UP Diliman ng journalism at magkasabay silang mga batang reporter na nag-cover ng Malakanyang nang si Tita Cory ang presidente kasama na ang pitong bigong kudeta nina Enrile at Honasan. Kaya ang isa sa mga bonggang libro ni Cris ay tungkol sa mga sundalo sa kudetang iyon na pinamagatang Boys from the Barracks. (Noong una akala ko gay novel ito tungkol sa mga hadahan o brokebackan ng mga sundalo kung sila-sila na lamang sa loob ng barracks.)
Dahil nga trip niya talaga ang bumisita at tumambay sa mga kampo militar at sumasama pa siya sa mga military operation, nasulat din niya ang librong Peace Warriors: On the Trail with Filipino Soldiers (Anvil, 2011). Mapalad ang Armed Forces of the Philippines (AFP) dahil may isang Cris na nagtitiyagang i-cover sila at sumulat ng mga librong obhetibo tungkol sa kanila.
Ang poging beterinaryong si Gerry Ortega, o mas kilala bilang Doc Gerry sa Palawan, ang naghatid sa amin sa Aborlan nang hapong iyon. Si Doc Gerry ang founding director ng Crocodile Farm Institute sa Puerto at nagsusulat din ng kolum sa diyaryong iniedit ko. Taga-Aborlan sina Doc Gerry at nang pumunta kami roon ay ama niya ang meyor ng Aborlan. Kaya we were in good hands. Nang wala na ang Bandillo, nang umalis na kami ni Yasmin sa Palawan dahil sadyang mapanganib ang ginagawa namin dahil nakakabangga namin ang mga politiko, militar, at negosyante, na-assassinate si Doc Gerry isang tanghaling-tapat habang nag-uukay-ukay siya sa tabi ng kanilang veterinary clinic sa Puerto. Nakakalungkot na hanggang ngayon hindi pa rin nabibigyan ng hustisya ang kaniyang kamatayan.
Magdamagan ang runsay dahil pagkatapos ng pagpapalutang sa dagat ng mga maliit na balsang yari sa puno ng saging na puno ng mga alay na pagkain at inumin, mayroong kainan at inuman. At pagkatapos nito may sayawan sa dalampasigan na bahagi pa rin ng pasasalamat sa diyos na pinaniniwalaan ng mga Pala’wan. Nang mga madaling araw na at antok na antok na kami, naglatag sina Cris at Yasmin ng sarong sa buhangin at magkatabi kaming natulog na tatlo doon sa dalampasigan.
Mga tatlong taon din akong volunteer sa Bandillo ng Palawan at sa loob ng tatlong taon na iyon pabalik-balik si Cris sa Palawan. Kung minsan mag-isa lang siya, kung minsan may kasamang lalaki at inggit na inggit ako. Minsan may Pranses pa siyang akay-akay doon. Pranses na matangkad, blue ang mga mata, may dimples, at higit sa lahat may abs! Kasi nga bisdak siya. Iyon ang panahong nasulat ni Cris ang libro niyang Letters from Pala’wan (Bookmark, 1999) na tungkol sa nawawala nang katutubong paraan ng pagsulat ng mga Pala’wan.
Ang Palawan ay Bisaya. Ang mga katutubong wika halimbawa ng mga Pala’wan at Tagbanwa ay malapit sa Kinaray-a. Ang wika ng mga naunang migrants sa Palawan ay Cuyonon at ang Cuyonon sa paniniwala ko ay diyalekto lamang ng Kinaray-a. Pitong oras na biyahe lang sa pumpboat ang Cuyo mula sa amin sa San Jose de Buenavista, Antique. Kaya bisdak si Cris na pabalik-balik ng Palawan noon at sumulat pa ng libro tungkol sa kulturang Pala’wan. Isa pa, hanggang ngayon, may pag-aaring lupa pa rin si Cris sa El Nido, Palawan. Hindi ko makalimutan ang pagbili niya ng lupang ito dahil ang apelyido ng real estate agent niya ay Fenis.
Halos nag-iisa si Cris bilang peryodista at malikhaing manunulat na nagsi-specialize sa Philippine military, lalo na tungkol sa mga military natin sa Mindanao. Nasa Manila Pen siya para mag-cover nang lusubin nina Trillanes ang hotel na ito kung saan idinadaos ang taunang Palanca awards. Nang pasukin ng tangke de gera ang engranden lobby ng Manila Pen, nagtago lamang siya sa loob ng CR. Nang lusubin at sakupin ng ISIS at Maute Brothers ang Lungsod Marawi at nag-aalala ako sa ilang mga kaibigan ko sa Mindanao State University sa mga campus nito sa Marawi at Iligan, at isa-isa ko silang gin-text o tinawagan sa telepono at tinatanong kung ligtas ba sila at nakaalis na ba sila roon, si Cris naman, atat na atat at nagkukumahog na umakyat ng Marawi. Nag-dinner kami sa Makati nang mga panahong iyon at hindi siya makakain nang maayos dahil nangungulit siya sa mga kontak o sources niya sa AFP na pasamahin siya sa Marawi. Dahil nga bisdak siya, iba talaga ang trip niya bilang manunulat.
Dahil nga bisdak siya bilang manunulat, kaya niyang sumulat ng historical novel at mga politikal na journalistic pieces, at kaya rin niyang sumulat ng mga akdang personal tulad ng kaniyang librong A Journey of Scars (Anvil, 1998) na tungkol sa kaniyang pag-i-emote sa Europa habang nagpapagaling ng sugatan niyang puso. Ayon nga sa publisher at manunulat ding si Karina Bolasco, hindi pa uso ang “confessional writing” sa bansa, nauna na si Cris. Bisdak nga kasi kaya she is ahead of her time.
Ipinanganak sa Quezon City ngunit lumaki si Cris sa Zamboanga City kung saan nadestino bilang manager ng isang bangko ang kanilang ama. Ang Zamboanga City, kahit nasa Mindanao, ay isang Bisayang lugar. Kaya bisdak talaga si Cris.
Ang point lang naman nitong maikling sanaysay na ito ay ang patunayan na bisdak, na isang Bisaya, si Criselda Yabes bilang manunulat. At itong Broken Islands niya ay naka-set sa Borbon, Cebu at tungkol pa ito sa epekto ng Bagyong Yolanda na sumalanta sa Kabisayaan noong 2015. Bisdak na bisdak ang nobelang ito at sana basahin hindi lamang ng mga Bisaya kundi ng lahat ng mga Filipino at pati na rin ang buong mundo.
Siguro may magtatanong kung ano ngayon kung Bisaya o hindi si Cris. Relevant ba talaga ito? Baka ghettoizing na itong ginagawa ko? Nire-reinforce ko ba ang masamang mukha ng regionalism? Masyado ba akong nativist? Hindi ba’t mas pambansa naman talaga ang body of work ni Cris? Hindi ba’t world class pa nga ang mga akda niya? Ilang taon na rin kasing pinagmumunian ko ang Visayan consciousness tsenes sa literatura ng Filipinas. Kung minsan nga naiisip ko na baka Bisaya naman talaga ang buong bansa na siyempre potentially controversial at baka ma-cyber bully ako. O siguro bilang isang literary historian sa Bisaya, masaya lamang akong i-claim para sa Kabisayaan si Criselda Yabes.
*Ang medyo maikling bersiyon ng sanaysay na ito ay unang binasa bilang “About the Book and Introduction of the Author” sa paglulunsad ng Broken Islands at craft lecture ni Criselda Yabes sa De La Salle University, Manila Campus, noong Hulyo 13, 2019.