Pag-uli sa Antique

69477702_1136879506520043_5295921291327438848_n (1)

Habang naghihintay pa lamang ako na tawagin ang flight namin pa-Antique sa pre-departure area sa Clark International Airport ay excited na ako. Parang hindi totoo. Kapag kasi umuuwi ako ng Antique, via Iloilo International Airport ito, ang pinakamalapit na paliparan sa amin noon. Mga 100 kilotmetro din ang layo nito at mga dalawang oras na biyahe depende sa bilis o kupad ng sasakyan konh bus, van, o taxi.

Nang bumili ako ng ticket ko sa PAL noong nakaraang buwan, hindi ako sigurado kung tama ang desisyon ko. Hindi pa ako nakapunta ng Clark International Airport. Masyadong maaga ang 6:00 AM na flight kung sa Manila pa ako manggagaling. Kaso ang available flight lang ng PAL mula Clark patungo sa amin dito sa San Jose de Buenavista, Antique ay isang flight lamang kada Martes, Huwebes, at Linggo. Pero dahil gusto kong maranasan ang pakiramdam na naglalanding ang eroplano kong sinasakyan sa bayan mismo namin, pinanindigan ko ang iskedyul ng binili kong ticket. Kahit na isang araw bago nito ay naiisip ko pa ring ipa-rebook na lang ito at gawing Manila-Iloilo-Manila na.

Matagal ko nang naririnig na may airport sa amin sa San Jose. Wala nga lang bumibiyahe na commercial airline. Parang nadaanan ko na rin ito minsan. Landing ang tawag namin sa lugar na ito na bahagi ng barangay ng Funda. Malapit ito sa bagong palengke ng San Jose sa Dalipe. Noong Disyembre ng nakaraang taon, usap-usapan din na may biyahe na sa airport namin pa-Manila. Sa Clark nga lang daw. Na para sa akin malayo sa Maynila at baka sobrang effort. Pero iyon nga, nanaig pa rin sa akin na gustong maranasang maglanding sa San Jose.

Maaga akong natulog noong Lunes ng gabi. Nag-alarm ako ng 1:00AM. Pagka-alarm, bangon agad ako at naligo. Mga 1:30AM nasa lobby na ako ng aming kondominyum at nag-book na ng GRAB papuntang P2P Bus Station sa Trinoma. Dalawang beses pa lamang yata ako nakapunta ng Trinoma at hindi ko pa alam na may bus station pala doon kayâ medyo nasi-stress ako. Bagong teritoryo kasi. Ang iniisip ko lang, kung sakaling pumalpak ang pagsakay ko ng bus papuntang Clark, magga-GRAB na lang ako diretso doon. Gin-check ko na Sunday pa lang. Mga P1,600 hanggang P2,000 daw. Keri naman.

Wala pang alas-dos nasa P2P Terminal na ako sa Trinoma. Maraming bus na Genesis ang nakapila doon. Ang unang bus lang ang may ilaw at kagigising lang yata ng drayber at konduktor. Sinusuot pa lang nila ang kanilang uniporme nang paakyatin nila ako. Ako pa lang ang pasahero. Alas-tres ang alis ng bus. Maya-maya, nagsidatingan na rin ang ibang mga pasahero. Ang ilan doon ay kasabay ko rin sa flight pa-Antique. In fairness sa Genesis Bus, impunto alas-tres ay umalis kami patungong Clark. May nagsabi sa akin na mga isang oras lang mula Trinoma papuntang Clark. Mga 4:20 kami nakarating ng Clark International Airport. Na okey pa rin naman kasi 5:00 pa ang cut-off ng bag drop sa PAL doon para sa mga tulad kong nag-online check in na. Walang masyadong pila sa mga check in counter doon at hindi rin gaano karami ang mga tao. Siguro dahil kakaunting flight lang ang nandoon. Maluwag din sa pre-departure area at nakapagkape at donut pa ako sa Seattle’s Best bago tawagin ang aming flight.

Maliit na eroplano lang ang sinakyan namin. Iyong may elise pa. Bombardier Q400 Next Gen (eroplanong pambomba?) ang tawag sa model nito. In fairness sa PAL, mukha itong bago. Maliit lang subalit malinis. Parang ganito ang sinasakyan naming eroplano noong maliit pa ako kapag lumuluwas kami ni Nanay sa Maynila. Noong bago pa nauso ang mga Airbus. Inanunsiyo ng estewardes na isang oras at labinlimang minuto ang biyahe namin. Nang malapit na kami sa Panay, inanunsiyo ng piloto na maaga raw kaming makakarating, mga 7:10 daw. Pero 6:59 pa lang, alam ko ito dahil hawak-hawak ko ang cellphone ko at kumukuha ako ng larawan sa bintana, nag-touch down na kami. Ang galing! Hindi na plane always late. At least sa flight na ito pa-Antique.

Totoong airport ito! sabi ko sa aking sarili nang makita ang runway ng paliparan sa amin. Parang airport sa Lungsod Roxas sa Capiz, at sa Lungsod Calbayog sa Samar. Naiyak ako. Iba ang pakiramdam na sa San Jose mismo ako lumapag. Ilang kilometro lang nasa bahay na ako. Kahit maliit ang arrival area, as in kailangan kong lumabas muna ng pinto dahil masikip kami roon habang hinihintay ang bagahe. Okey lang sa akin. Parang musika sa aking pandinig ang pagki-Kinaray-a ng mga tao roon—mga pasahero, mga airport pulis, mga kargador at staff na maliit naming paliparan.

Kay sarap ng pakiramdam ko sa airport namin. Siguro dahil tagarito ako. Namamangha naman ako sa laki at pagka-engrande ng mga paliparan sa Hong Kong, Bangkok, Qatar, Kuala Lumpur, at Copenhagen subalit doon nababalot ako ng pagkabahala at pangamba. Pero sa maliit na airport namin na parang barangay hall lang ay napakagaan ng aking pakiramdam.

Sinundo ako ng paborito kong pinsan na si Nene Oliva at ang anak niyang si Oliver na may traysikel na pang-deliver ng mga isda. May pangalan pang “Fish Dealer” ang kaniyang traysikel. Natatawa lang ako sa idea na ako, ang Sirena, nakasakay sa traysikel na ang nakalagay na pangalan ay nagtitinda ng isda! Naisip ko rin, mukhang magandang pamagat ng isang nobela ang “The Fish Dealer’s Daughter!”

Bago umuwi ng Maybato, dumaan muna kami sa palengke ng San Jose de Buenavista at bumili ng hiniwang tuna para prituhin at maliliit na dalagang bukid upang paksiwin. Bumili rin kami ng daing na pusit dahil nami-miss ko ito. Pagdating namin sa bahay niluto iyon ni Nene Oliva para sa aming agahan.

Umuwi ako ngayon sa Antique para maging tagapagsalita sa isang palihan ng malikhaing pagsulat na proyekto namin sa Departament ng Literatura sa La Salle kapartner ang St. Anthony’s College dito sa San Jose. Sa kolehiyong ito ako nagtapos ng elementarya at hayskul. Magsisimula ito sa Biyernes at matatapos sa Linggo. Kakaibang pag-uwi rin ito—sa alma mater naming magkakapatid. Dito rin nag-aral sina Tatay at Tita Neneng.

Heto ako ngayon sa bahay namin sa Maybato. Nag-iisa subalit hindi malungkot. Kapag nandito ako, palagay ang aking kalooban. Mahimbing palagi ang tulog ko. Wala akong malalapot na panaginip. Kahit na maingay dito aking kuwarto dahil nakaharap sa abalang haywey ang aking bintana. Walang tigil ang hagënës ng mga sasakyan.

Noong maliit ako, hindi naman ganto kaingay. Noon kapag pasado alas-seis na, madalang na ang daan ng mga sasakyan. Sa gabi, halos wala nang dumadaan talaga. Ang nagsisilbing alarm clock namin noon ay ang dumadaang first trip ng bus na 76 Express, isang kompanya ng bus na taga-Antique ang may-ari. Mga alas-singko ito ng madaling araw. Matagal nang wala ang 76. Natalo na ito ng malalaking kompanya ng bus na hindi na lamang pa-Iloilo ang biyahe kundi nagro-Roro na papuntang Maynila. Kung hindi lang ako maarte, o di kayâ’y marami akong time, maaari na akong sumakay o bumaba ng bus sa harap ng aming tarangkahan papunta o galing Cubao at Pasay.

Naging apat na lane na nga ang kalsada sa harap ng bahay namin. Natatakot na akong tumawid pa-baybay. Mas madaling tumawid noong dalawang lane pa lamang ang kalsada. Minsan naiisip ko, bakit nagkaganito? Bakit hindi na lamang tulad ng dati. At agad ko rin namang naiisip na unfair naman kung ayaw kong magbago ang Maybato, ang Antique, para lamang may probinsiya, yung mukhang probinsiya talaga, akong uuwian. May biyahe na nga pati ang eroplano dito. Hindi na mapipigil ang ekonomikong pagsulong ng Antique.

Sabi nga ni Joey Ayala, “Ang pag-ibig natin ay walang hanggang paalam.” Siguro dahil tayong mga tao ay inimbento natin ang mga sasakyan. Inimbento natin ang mga eroplano kayâ naging madali sa atin ang pagbiyahe at sa bawat pagbiyaheng ito may mga iniiwan tayong minamahal at may matatagpuan tayong mga bagong mamahalin. Saan man tayo pupunta, aalis man o uuwi, namamaalam tayo sa ating mga minamahal.

 

(Agosto 21, 2019 Miyerkoles
10:27 n.u. Maybato)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s