Medical clearance

Kasusumite ko lang sa University Clinic ng mga clearance mula sa aking endocrinologist at cardiologist. Ni-require ako ng doktor sa aming clinic na kumuha ng mga clearance na ito matapos lumabas ang mga resulta ng annual physical examination ko noong huling linggo ng Agosto. Bahagi ito ng requirement para makumpleto ang proseso ng aking permanency dito sa De La Salle University.

Maganda rin naman ito para mapilitan akong bumalik sa aking mga doktor sa diabetes at hypertension. Nakakatamad kasi magpadoktor kung tambak ang trabaho, sunod-sunod ang mga speaking engagement sa labas ng Maynila, at wala naman akong nararamdamang masama. Tuloy-tuloy naman ang pag-inom ko ng aking mga gamot. Isa pa, palaging mahaba ang pila sa klinika ng mga doktor. Naghanap nga ako ng bagong endocrinologist dahil ang hirap makakuha ng appointment sa doktor ko sa isang klinik sa Philippine General Hospital. This time, may nahanap akong bagong endocrinologist sa Adventist Hospital at doon na rin ako naghanap ng cardiologist. Ang maganda sa Adventist Hospital, malapit ito dito sa La Salle at nalalakad ko lang, at umuubra pa ang health card naming Intellicare. Kaya wala akong binabayaran sa mga pagpapakunsulta at mga laboratory test ko.

Naalala ko si Tatay noong ganito ang edad niya sa akin, mid-forties. Kada sakay niya sa barko, kailangan niyang magpa-medical. Laging may “sabit” (ito ang termino ng mga seaman) dahil sa kaniyang blood sugar, at kung minsan blood pressure. Kaya isa o dalawang linggo bago ang kaniyang medical, hindi na siya umiinom at naninigarilyo at kain na siya nang kain ng ensaladang ampalaya. Lagi naman, nalulusutan niya ang mga “sabit” na ito.

Heto ako ngayon, may “sabit” din kada annual physical examination. Pero siyempre, nalulusutan ko rin. Lalo na’t hindi naman talaga ako umiinom ng kahit anong nakalalasaing na inumin at madalang din akong manigarilyo sa ngayon.

Masaya ako na malaman na okey ang aking puso. Nagpa-ECG at nagpa-stress test kasi ako noong nakaraang linggo at kagabi nga, ipinaliwanag sa akin ng cardiologist ang resulta. Wala raw akong sakit sa puso. Pero may “room for improvement” pa raw at kailangan kong mag-exercise regularly para mas maging healthy pa ang aking heart. Kapag ganito yata, hindi na nadadala sa pag-ibig lamang. Sabi ko sa kaniya, nagwo-walking naman ako tatlo hanggang apat na beses kada linggo. Ang paglalakad din kasi ang nagsisilbing meditation ko. Brisk walking ba? tanong niya. Sabi ko, hindi masyado. Parang pamamasyal lang sa parke. Sabi niya, brisk walking daw apat na araw sa isang linggo na tig-30 minutos. Mukhang keribels naman. Para sa ikauunlad ng kalusugan at ng bayan.

Ang isang minana kong sakit sa aking mga magulang ay itong diabetes. Kontrolado naman. Pero siyempre hindi pa rin natutuwa ang aking endocrinologist. Perfectionist yata. Gin-adjust ang mga gamot ko at pinakunsulta ako sa isang dietician.

Sabi ng dietician ko, obese 3 daw ako. Masakit sa tenga ang tunog ng obese. Tapos may 3 pa. Ibig sabihin may 1 at 2. Tinanong ko ang kaibigan kong doktor na si Alice kung anong sabihin ng obese 3. “Morbidly obese,” sagot niya sabay hagikgik. Kasi di ba hindi magandang pakinggan ang word na “morbid” kaya “3” na lang ginagamit nila.

Nakakairita ang kapayatan ng aking dietician. Dagdagan pa na maganda siya at puwede siyang artista. Sa isip ko, dalawang kutsara lang kaya ang kinakain niya kada meal time? Naalala ko ang mga pusa dito sa La Salle. Kaunti lang sila kumain. Pinagbabawal sa akin ang kumain ng meat o karne. Sir, kasama po ang fish sa meat ha, mabilis niyang dagdag nang sabihin kong medyo ilang taon na rin akong nag-iiwas konti sa baboy at baka, at panay chicken at isda na lamang ako. Ginawan niya ako ng table ng kakainin at listahan ng mga puwede at di puwedeng kainin. Makakain ko naman halos lahat kaso kailangang i-measure. Siyempre hindi na pupuwede ang mga cake, chocolates, donuts, at ice cream. Hindi na rin ako puwedeng magpalaman ng may mayonnaise at butter. Iwasan ko na rin daw ang mga piniritong pagkain. So goodbye, fish balls and kikiam na. Pati ang saging na turon.

In fairness sa listahan na ginawa ni magandang dietician, medyo sinunod ko at nabawasan ng isang kilo ang aking timbang matapos ng isang linggo at bumaba by 20 points ang FBS (fasting blood sugar) ko. Ang blood pressure kong umaabot ng 150/90 ay naging 110/80. Tuwang-tuwa nga ang endocrinologist ko na nang una akong makausap ay parang gusto akong bulyawan.

Sabi sa University Clinic kanina, ipo-forward na raw nila sa opisina ng Vice Chancellor for Academic Affairs ang medical clearance ko.  Taos puso akong nagpapasalamat sa Poong Maykapal.

(Setyembre 26, 2019 Huwebes
9:45 n.u. De La Salle University)

 

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s