Longganisang Lucban

Hindi na dapat ako kumakain nito pero ano ang magagawa ko? Nandito ako sa lalawigan ng Quezon at sa bayan ng Lucban kami nananghalian kanina. Cultural experience kumbaga. Hindi nga lang longganisa ang kinain ko, kumain din ako ng pansit habhab na may sahog na baboy. Hihimatayin ang dietician ko kapag malaman niya ito.

Nandito ako ngayon sa Lungsod Lucena dahil nagsalita ako kahapon sa Pambansang Oryentasyon sa Panitikan, isang serye ng seminar-workshop para sa mga guro na inoorganisa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF). Itong Lucena leg ay isinakatuparan sa pakikipagtulungan ng samahang Guro at Tagapagtaguyod ng Filipino sa Quezon (GATFILZON) at ng Sentro ng Wika at Kultura ng Marinduque State University. Naatasan akong magbigay ng lektura hinggil sa “Estado ng Panitikan sa Rehiyon: Panitikang Hiligaynon.”

Dahil gustong-gusto kong magsalita tungkol sa literaturang Hiligaynon, hindi ko pinalampas ang pagkakataong ito lalo na’t hindi pa ako nakakapunta sa lalawigan ng Quezon. Tatlong araw ang seminar-workshop na ito na nagsimula noong Biyernes. Dahil ngayong term ay buong araw ng Sabado ang klase ko, nakiusap ako sa KWF na sa panghuling araw na ang iskedyul ko at magbibiyahe na lamang ako ng madaling araw ng Linggo. At kahapon nga, alas-tres ng madaling araw umalis ang sinakyan kong bus sa Buendia, Pasay patungo rito sa Lucena. Medyo mabilis ang biyahe ko. Bago mag-alas-seis nasa Lucena Grand Central Terminal na ako.

Salamat at nagkataong nandito sa Lucena sina Pat Baloloy, Palanca awardee na estudyante namin sa Master of Fine Arts in Creative Writing sa La Salle. Taga-Calauag, Quezon talaga sila. Kapag week end ay nandito sila sa isang kamag-anak nila sa Lucena dahil hinahatid o pinapasyalan nila ang panganay nilang nag-aaral sa Science High School dito. Kahapon, sinundo ako ni Pat sa Terminal, pinakain ng breakfast, at sinamahan sa Sevilla’s Farm and Resort na venue ng seminar-workshop.

Kagabi pinakain ako ni Pat sa Air Summit Gourmet sa kalapit na Lungsod Tayabas. Restawran ito na yari sa isang lumang eroplano. Kakaibang karanasan kasi gumarahe kami sa harap ng tarmac kung nasaan ang eroplano. May terminal din ito na may departure area at doon mag-oorder. Kumpleto ito sa props: bakal na upuan tulad sa mga airport at mga maleta. Doon ay bibigyan kayo ng boarding pass saka hihintayin ninyo ang boarding announcement sa PA system na parang sa isang airport talaga.

Ang loob ng eroplano ay parang kainan ng business class section. Talagang mukhang eroplano! Ang mga waiter ay nakaunipormeng piloto at ang mga waitress naman ay nakaunipormeng flight attendant. Masarap din ang pagkain. Ginataang tilapya, sinigang sa miso na salmon, at halabos na hipon ang ulam namin.

Ang boggang lafang ay ang kanina sa Lucban. Mga alas-diyes ng umaga kanina ay sinundo ako nina Pat at ng kaniyang maybahay na si Pinky kasama ang tatlong taong gulang na bunso nila. Mga kalahating oras din ang biyahe pa-Lucban.

Sa Buddy’s kami kumain sa sentro ng bayan. Sabi ni Pat, may branch daw ang restawran na ito sa mga lungsod ng Quezon at Makati sa Metro Manila. Doon daw pila palagi. Gusto ko ang Buddy’s dahil tasteful ang ambience. Mga muwebles ang kanilang mga mesa at upuan. May mga nakasabit din na parang aranya na o parol na yari sa mga kiping na iba’t iba ang kulay. Pasilip ko ito para sa akin ng kabonggahan ng Pahiyas Festival.

Ang special request ko kina Pat, gusto kong kumain ng pansit habhab at longganisang Lucban. At ito nga ang aking nilantakan! Pero good girl pa rin ako dahil one cup of rice lang ako at tubig lang ang drinks. Medyo nagi-guilty ako dahil kumakain ako ng longganisa pero nang tingnan ko ang mesa ng apat na babaeng may edad na sa tabi namin, hindi ko alam kung maiinggit ako o mahihindik. Andami nilang ulam! May nakita akong imbutido, mga piniritong baboy at sisig. Wala silang awa sa kanilang mga ugat!

May sariling lasa ang Lucban longganisa. Hindi ito matamis tulad ng longganisa ng Pampanga. Sakto lang ang lasa ng bawang nito di tulad ng tapang ng bawang sa longganisa ng Vigan. Mas kalasa nito ang longganisa ng Calumpit subalit hindi masyadong mamantikain. Masarap ang longganisang Lucban kung isawsaw sa sukà tulad ng ginawa ko kaninang lunch.

Busog na busog ako. Bago pa kasi kami pumasok sa restawran ay bumili ako sa matandang babae sa tabing kalsada ng tig-iisang pilipit, puto na may bukayo sa loob, at buchi na ube. Ang pilipit ay parang donut na yari daw sa kalabasa at malagkit na bigas. Sikat ito na kakanin sa Quezon. Bumili rin ako ng isang kilong lansones. Matamis ito at ito ang aking naging panghimagas. Marami ang nagtatanin ng lansones at rambutan dito sa Quezon.

Pagkatapos namin kumain ay naglakad kami sa sentro ng bayan. Naghanap kami ng mabibiling kiping subalit wala kaming nakita. Marami ang mga tindahan ng longganisa.

Gusto ko ang sentro ng bayan ng Lucban. May karakter ito. Kahit maliit ang mga kalsada ay okey lang para sa akin. Maganda ang antigong simbahan nila na yari sa adobe. Maraming mga lumang bahay. Ang Jollibee at ang Seven Eleven ay nasa lumang bahay na bato. Maganda ito dahil napapangalagaan ang mga heritage house.

Ngayon pa lang iniisip ko nang bumalik ng Lucban upang magsulat lang.

(Setyembre 30, 2019 Lunes
9:52 n.g. Lungsod Lucena)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s