Old Town White Coffee 3 in 1 at hinog na saba na pinirito sa virgin olive oil at binudburan ng muscovado mulang Antique. May sasarap pa ba sa umagang ganito?
Brewed coffee naman talaga ang iniinom ko sa umaga. Black coffee na simula ngayong 2019 dahil kailangang magbawas sa asukal. Diabetic na ang Sirena. Kontrolado pa naman pero kailangang mag-ingat na dahil ang sakit na ito ay kasama sa mga minana sa mga yumaong magulang. Mababa ang tingin ko sa 3 in 1 kape. Cheapangels. Pero iba itong Old Town white coffee. Hinahanap-hanap ko ang sosyal na lasa.
Una ko itong natikman sa restawran mismo ng Old Town sa isang sosyal na palengke sa Kuala Lumpur noong 2015. Ang sarap! Matapang na kape at kapag sinisimsim mo, may naiiwang lasa na nutty sa iyong bibig at ilong. Yung nalalasahan mo talaga ang lasa ng butil ng buto ng kape. Tamang-tama rin ang gatas nito at hindi nakakaistorbo sa lasa ng kape. Tama lang din ang tamis nito—hindi masyadong matamis, hindi rin matabang. Yung tipong di ka magi-guilty na naglalaklak ka na naman ng matamis.
Ewan ko ba, kapag ito ang iniinom ko, tulad ngayong umaga, humahagod sa puso ko ang lasa at tumatagos hanggang kaluluwa ang sarap! At hindi ito pagmamalabis. Sa katunayan, gusto kong iniinom ito na mag-isa. Ayaw kong kinakausap ako kapag iniinom ko ito. Ayaw ko ng istorbo. Ninanamnam kasi ito ng katawan ko at kaluluwa.
Dahil nga conscious na ako ngayon sa sugar intake ko, gin-tsek ko kung ilang calories meron ang isang sachet: 181. Ang isang sachet ay 40 grams. Medyo mataas kaysa mga lokal na brand ng kapeng 3 in 1. Kayâ nililimita ko lamang sa isa ang iniinom ko nito kada araw. Ganito naman talaga ang katotohan ng buhay, hindi maaaring sagarin ang lahat ng masasarap na bagay dahil nakamamatay. Sakto lang dapat. In moderation.
Nakakabili ako nitong Old Town sa Singapore. Nang pumunta ako sa Cambodia nitong Setyembre, nakabili rin ako nito sa isang grocery store doon. Dito sa Metro Manila, wala pa akong nabibilhan. Pero may nakapagsabi sa akin na mayroon daw nito kung minsan sa Pure Gold sa Harrison Plaza.
Kayâ tuwang-tuwa ako noong Sabado dahil dinaldan ako nito ng Master of Arts in Language and Literature na estudyante namin sa La Salle na si Mel Samarita. (Nagsasalin din siya ng mga tula ko sa Ingles.) Nasa Cambodia kasi siya nitong Oktubre dahil nagbasa siya ng kaniyang papel sa isang kumperensiya doon. Nag-PM ako sa kaniya na kung hindi hassle, bilhan niya ako ng dalawang pack ng Old Town at reimburse ko na lang siya. At binilhan nga niya ako. Tig-US$5 ang kada pakete nito na may lamang 15 sachet.
Siyempre, nagi-guilty ako sa mga plastik na sachet. Ang bawat sarap na nalalasap ko sa paghigop ng Old Town ay nakakadagdag sa basura ng mundo. Pinag-iisipan ko ngayon kung paano ko ma-recycle o ma-upcycle ang mga plastik na ito.
Habang sinisipat ko ang mga teksto sa sachet, natuwa akong mapansin na may Philippine importer/distributor ito—Golden Kaizen na nakabase sa Cebu! May contact number at email sila. Mukhang available nga ang paborito kong kapeng ito dito sa Filipinas. Salamat sa ASEAN integration!
Tuloy ang ligaya ko sa umaga kapiling itong masarap na kape mulang Malaysia!
[Nobyembre 2, 2019 Sabado
7:47 n.u. Tore kang Katáw]