ALDP Graduation Speech ng Sirena

79963671_760364717777145_4280996866897739776_n
ALDP Graduates for Term 1 A.Y. 2019-2020

 

Disyembre 13, 2019
Verdure 4F Henry Sy Sr. Hall
De La Salle University

Nais ko munang pasalamatan si Fr. Nelson Tantoco na nag-imbita sa akin na magsalita ngayong umaga sa pagtatapos ng mga lumahok sa Academic Leadership Development Program o ALDP. Kahit na nahihiya ako at kinakabahan dahil pakiramdam ko hindi naman ako karapat-dapat, hindi ko mahindian si Fr. Nelson. Kayâ pagtiyagaan na lamang po ninyo ako.

Medyo may kabalintunaan o medyo ironic na ang sesyon na talagang tumatak sa akin ay ang sesyon na hindi required sa aming batch. Pabibo kasi ako kaya kahit hindi required sa amin na mag-attend sa “St. La Salle as a Teacher” ay talagang nag-attend ako rito. Interesado kasi akong malaman kung sino ba talaga si St. La Salle bilang guro. Kayâ siguro tuwang-tuwa sa akin si Fr. Nelson at kulang na lamang ay bigyan niya ako ng medalya para sa pagiging “ALDP Loyalist/Apologist.” O puwede ring tropeyo sa pagiging “ALDP-tard.” Perfect attendance yata ako!

Pinakatumatak sa akin ang isang sinabi ni Br. Victor Franco, FSC: Isang misyon umano ang pagiging Lasalyanong guro. Ito lang daw ang paraan upang maka-survive sa La Salle at sa iba pang paaralang Lasalyano—ang tanggapin at makibahagi sa misyon ng (at gagamitin ko ang salin ni Dr. Tereso Tullao na siyang may-ari ng La Salle) “pagtuturo sa isipan, paghaplos sa kalooban, at pagpapabago ng buhay.” Kung ituturing mo lang daw kasi ang pagtuturo mo rito sa La Salle bilang trabaho, talagang dadating ang panahong mapapagod ka at mawawalan ka ng gana.

Napakahalaga ng sinabing ito ni Br. Franco para sa akin. Pang-apat na taon ko na ngayon dito sa La Salle bilang full-time faculty sa Literature Department. Dahil siguro nga pabibo ako napagkakamalang magaling, o talagang walang may gusto, ginawa agad nila akong Graduate Program Coordinator sa ikalawang term ko pa lamang. Bagamat kinabahan ako at nalalakihan sa nakaatang na responsabilidad, umuo ako dahil wala akong choice. Wala pa kasi akong tenure kayâ nakakahiya at nakakatakot mag-inarte. Pinaka-minor na admin position ang pagiging GPC, pero sa mga nakaranas maging GPC alam nilang hindi nauubos ang mga gawain magmula sa pagproseso at pag-evaluate ng mga application, paggawa ng loading, pag-organisa ng comprehensive exams, pag-organisa ng mga thesis at dissertation defense (busy lahat ng panelist kayâ pag-iskedyul pa lang masakit na sa bangs), mga estudyanteng may kaniya-kaniyang problema at isyu na kinukunsulta sa ‘yo mapa-live sa office, sa klase, sa Messenger, sa text. Kung minsan gusto mo nang manigaw, magtapon ng papel, at magtantrums. Pero ang iniisip ko na lamang—Misyon ito! Misyon ito! Nanonood ang Vatican! Mag-ayos ka! Baka hindi ma-beatify! Saka magiging okay na ako.

Maraming challenges sa buhay natin dito sa La Salle. Kayâ dapat misyonera ang peg nating palagi. Ang pinaka-ultimate na survival tip ko sa inyo—lalo na kung Katoliko kayo—dalasan ninyo ang pagdaan sa Pearl of Great Price Chapel. Nakakagaan ng loob ang paalala ni St. La Salle sa altar: “Iniibig ko nang higit sa lahat ang kalooban ng Diyos para sa akin.” Kalooban ng Diyos kung bakit tayo magkasama ngayong araw, at kung bakit nandito tayo sa De La Salle University ngayon.

Sa aming Parmenie Experience noong Nobyembre 2015 sa Eugenio Lopez Center sa Antipolo City may activity hinggil sa “Virtues of a Good Teacher.” Ito yung gravity, silence, humility, prudence, wisdom, patience, reserve, gentleness, zeal, vigilance, piety, at generosity. Binigyan kami ng maliliit na card na ibibigay namin sa bawat isa. Merong kailangang i-fill in: To: (Yung kamasa mo), I see in you the virtue of (blank.) From: (Pangalan ng nagbigay.)

Sampu kami lahat kayâ siyam na cards ang natanggap ko: apat na “wisdom,” dalawang “prudence,” dalawang “gentleness,” at isang “patience.” Nitong nagdaang mga gabi habang naghahanda ako ng aking sasabihin ngayong araw, ni-review ko ang aking ALDP notes pati na itong mga Parmenie Experience card. Pakiramdam ko na-charot lang ako ng mga ka-batch ko. Imagine, apat talaga ang “wisdom?” at nakita raw nila sa akin ang “prudence,” “gentleness,” at “patience?” Ito ang mga halagahan o values na pakiramdam ko wala pa sa akin. Nagdudududa na tuloy ako ngayon sa mga kasamahan ko. Ang naiisip ko ngayon baka ang gusto talaga nilang sabihin sa akin sa pamamagitan ng cards ay kailangang-kailangan ko ng wisdom kayâ apat talaga, kailangan ko rin ng prudence kasi kung minsan eskandalosa ako magsalita at magsulat, kailangan ko ng gentleness kasi mataray ako, at kailangan ko ng patience para ma-achieve ang all of the above.

Sabagay naniniwala ako na ang pagiging guro—specifically bilang Lasalyanong guro—ay isang panghabambuhay na misyon at kasama rito ang panghabambuhay na pagkatuto. Inaamin ko namang hopelessly flawed ako pero handa ako at bukas ang loob na matuto at magbago para mas maging mahusay at epektibong guro, at higit sa lahat, mas maging mabuting tao.

Bukod sa Lasallian values at pamamaraan ng maayos na pagtuturo, ang isa sa mga ipinapasalamat ko sa ALDP ay nagkaroon ako ng mga kaibigan sa labas ng aking departamento. Naalala ko, sa unang out of town namin para sa Rheims Experience, habang naghihintay kami sa South Gate sa van na sasakyan papuntang Retreat House ng La Salle Dasmariñas, hindi kami nagpapansinan. Pa-diva at pa-maldita ang projection namin sa isa’t isa. Walang kibuan, parang nagpapataasan pa ng kilay. Pero huwag ka, overnight lang ang katapat, ayaw na naming maghiwalay dahil hindi na maputol-putol ang aming tsikahan. Pabalik nga ng La Salle, sa isang van na lamang kami lahat. Ayaw namin makasama sina Fr. Nelson at ang mga taga-LSPO para walang censorship ang aming usapan.

Hanggang ngayon, kahit di na kami nagkikita masyado at hindi na kami kumpleto dito sa La Salle dahil may mga kasama kaming di na-renew o di na-permanent, masaya pa rin ang tsikahan namin sa group chat namin sa Messenger. Kung minsan, kung minsan lang naman, nagiging explicit/x-rated ang usapan at bigla naming ma-realize, oh my God! kasama natin si Fr. Nelson dito sa chat! Kayâ sorry to disappoint all of you here, hindi na ganiyan ka-pure si Father!

Thank you and congratulations to the graduates. Thank to our dear university administrators for this opportunity to share with you my appreciation of ALDP. Animo La Salle!

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s