Bakit Mahalagang Basahin ang Literaturang Filipino

Ang pagbabasa ng literatura ay ang pagkatuto ng ating malikhaing pag-iisip o pag-educate ng ating imahinasyon o haraya. “Education of the imagination,” ito ang sabi ng makatang Merlie Alunan sa kaniyang sanaysay na “Root and Tongue: Philippine Writing in the New Millennium” na nalathala sa Special Issue on the Teaching of the Humanities ng IDEYA: Journal of the Humanities (College of Liberal Arts, De La Salle University, 2000). Ang pagbabasa kung gayon ng Literaturang Filipino ay pagpapayaman ng ating imahinasyon hinggil sa ating pagkatao bilang Filipino. Kayâ mahalaga ito.

“Literaturang Filipino” o “Filipino Literature” ang terminong ginagamit ko dahil naniniwala akong mas inclusive ito. Ayon sa pagpapakahulugan ni National Artist for Literature Bienvenido Lumbera sa kaniyang sanaysay na “Harnessing Regional Literature for National Literature” sa librong Writing the Nation/Pag-akda ng Bansa(University of the Philippines Press, 2000), “’Filipino Literature?’ First of all, the nationality of the authors is ‘Filipino.’ Secondly, that on the literary works taken together, nationality has left a mark that distinguishes them from the writing of authors found elsewhere in the world.” 

Kasama sa Literaturang Filipino ang lahat ng akda ng mga Filipino nandito man sa Filipinas o saan mang panig ng mundo, at kahit sa aling wika. Ang tinutukoy kong Filipino ay Filipino citizen, dual citizen, o citizen na ng ibang bansa subalit may dugong Filipino. Kayâ kapag nagtuturo ako ng Literaturang Filipino, laging kasama ang mga tula at sanaysay ni Luisa A. Igloria na ipinanganak sa Makati, lumaki sa Lungsod Baguio, at ngayon ay naninirahan na sa Virginia sa Estados Unidos at isang nang American citizen.

Sa sanaysay na “The Nature of Literature” sa librong The House of True Desire (University of Santo Tomas Publishing House, 2010) sinabi ng National Artist for Literature Cirilo F. Bautista na, “Literature, because it presents a heightened sense of the human condition, has an ennobling quality. Without being obvious about it, writers examine the facets of social verities and interpret them in the light of universal truth.” Nasa panitikan ang ating kadakilaan bilang mga indibidwal, bilang Filipino, at bilang bahagi ng sangkatauhan. Kayâ mahalaga na tayong mga Filipino ay patuloy na lumikha ng ating mga tula, kuwento, dula, sanaysay, at kung ano-ano pang porma ng literatura. Kasinghalaga rin nito na basahin natin ang inakda ng ating mga manunulat simula noong panahon ng mga anonimo hanggang sa kasalukuyan. 

Dagdag pa ni Bautista, “Fiction is always more desirable than life in the real world. As an alternative existence, the fictive world operates in the faultless and fruitful pattern, for there, human problems find solutions. There, justice is attainable, the poor get rich, and the birds of graces come home to roost.” Sa literatura natin matatagpuan ang isang alternatibong mundo na mas maganda kaysa totoong mundo. Ang alternatibong mundong ito ay isang ideal. Hindi man natin tuluyang makamit ang ideal na mundo (dahil nga idea lang ito), magiging mas maganda naman ang mundo natin sa kasalukuyan kung lahat tayo ay magkasamang subukan at sikaping makamtan ang perpektong mundong ito.

Sa pagbabasa ng literatura, mas mauunawaan natin ang ating sarili, ang ating mga kapamilya at kaibigan, ang atingpagka-Filipino, at ang ating ginagalawang mundo. Kapag nandiyan na ang pag-unawa, mas madali na tayong magkaroon ng malasakit sa isa’t isa, at mas madali na tayong magpatawad sa mga taong nanakit sa atin. Ito ang unang mahalagang hakbang tungo sa kadakilaan.

Halos ito rin ang sinasabi ng isa pang National Artist for Literature na si F. Sionil Jose. Aniya sa kaniyang sanaysay na “Literature as History sa librong Gleanings from a Life in Literature (University of Santo Tomas Publishing House, 2011), “Literature is mythmaking. For a young nation, it is necessary.” Mahalaga ang literatura dahil ito ang imbakan ng ating kolektibong karanasan at mga alaala. Ang ating literatura ang nagsisilbing parola na magtuturo sa atin ng direksiyon sa mga sandali ng kadiliman sa ating buhay at isipan. Sabi pa ni Jose, “I use history to impress upon my readers this memory so that if they remember, they will not only survive, they will prevail… I also present a nobler image of ordinary Filipinos so that even if we are destitute, amidst the swirling tides of corruption, we can raise our heads. With memory, we can face our own grim future with courage.” Kapag kilala natin ang ating sarili, mas may kakayahan tayong harapin ang mga pagsubok sa mundong ito.

Ang kritiko at mandudula na si Isagani R. Cruz ay may binabanggit na apat na halimaw ng lipunang Filipino na nilalabanan ng ating literatura kung kaya’t mahalagang sulatin ito ng ating mga manunulat at basahin nating mga Filipino. Sa kaniyang sanaysay na “Kasaysayan ng Literaturang Filipino” sa librong Bukod na Bukod(University of the Philippines Press, 2003) binigyang buod niya ang kasaysayan ng ating panitikan: “Patuloy at walang pagod na binabatikos ng ating mga manunulat at ng ating mga likha ang apat na halimaw ng panitikan—ang makalalaking lipunan at kanon, ang makabanyagang takbo ng ating mga utak at hilig, ang makalumang tuntunin at balarila ng ating literatura, at ang makamayamang estruktura ng ating bansa. Ito ang kasaysayan ng ating panitikan.” 

Maganda ang inilatag ni Cruz na kasaysayan at batayan ng pagsúlat at pagbasa ng ating literatura dahil dito natin malalaman ang halaga ng mga akda ng ating mga manunulat at masusukat natin ang kanilang kabuluhan. 

Kung babalikan natin ang sanaysay ni Alunan, pinagmunian niya ang politika ng wika sa ating literatura. Ingles ang namamayaning wika ng literatura sa akademya at nakaririwasang lipunang Filipino. Kagaya ni Lumbera, naniniwala din siyang instrumento ng kolonisasyong Americano ang pagiging dominante ng wikag Ingles. Subalit tulad ng paniniwala ng manunulat at iskolar ng literaturang Filipino sa wikang Ingles na si Gémino H. Abad, nakolonisa rin nating mga Filipino ang wikang Ingles. Ang Ingles kung gayon ay isa na rin sa mga wika natin. Una kong narinig ang ideang ito mula kay Bautista sa klase namin noon sa La Salle. 

Si Alunan, kagaya ng marami pa nating mga manunulat, ay Ingles ang unang wikang ginamit sa pagbabasa at pagsusulat. Dahil iyon ang tanging wika ng edukasyonnoong panahon niya. Pero ngayong matanda na siya, nagsimula siyang magsulat sa Sebwano. Naging masigasig din siya sa pag-edit ng mga antolohiya at pagsalin ng mga tekstong Waray sa Ingles. Ginagawa niya ito upang makauwi na siya sa sariling wika (O mga wika dahil ipinanganak siya sa isang bayan sa Iloilo na Kinaray-a ang wika, nag-aral at nagtrabaho sa Cebu, Bohol, at Dumaguete na Sebwano ang wika, at nagturo at nagretiro sa Lungsod Tacloban na ang wika ay Waray.) at tuluyang makauwi sa sariling diwa. Aniya, “Whether we have truly left home or not, or whether our consciousness has been merely alienated from itself and has caused us to disremember who we are, this is a question we can ask ourselves. The hope of the new millennium is that the road back home be clearer and that we are more sure-footed at our arrival.” 

Kapag nakauwi na tayo sa ating pagka-Filipino, mas madali at mas mahusay nating maiakda ang ating sarili at ang ating bansa. Kapag naiakda na natin ang ating bansa, handa na tayong harapin ang mundo nang buong tapang at giliw.

Kayâ hindi biro ang pagbabasa at pag-aaral ng Literaturang Filipino para ating mga Filipino. Malaki at sagradong responsabilidad ito ng parehong guro at estudyante. Hindi lamang kasi grado o diploma ang nakasalalay dito. Ang nakataya ay ang ating pagka-Filipino at ang ating pagkatao mismo.

 [Enero 14, 2020 Martes / Tore ng Sirena]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s