Naka-lockdown ang Sirena sa Pasig

Simula noong Martes nang ma-cancel ang mga klase dahil sa lumalawak na pagkalat ng COVID-19 napapraning na ako. Bukod sa inuubo ako, pakiramdam ko nakakulong ako sa nirerentahan kong condo na tinatawag kong Tore ng Sirena. Nasa ika-18 na palapag ito ng isang lumang condominium building sa tabi ng De La Salle University.

Sanay naman akong mag-isa sa condo. Madalas naman may isang araw o dalawang araw na hindi ako lumalabas. Mababaw lang kasi ang kaligayahan ko. Masaya na ako na magbasa at magsulat, at kung tinatamad ako, pinapanood kong muli ang mga paborito kong pelikula tulad ng Little Women (yung si Wynona Ryder ang gumaganap na Jo March), Secret Garden, Sense and Sensibilities, Pride and Prejudice, at Kung Ako Na Lang Sana, ang paborito kong pelikula ni Sharon Cuneta. Nangyayari ito kapag may bagyo at kanselado ang mga klase o kayâ may mga nagaganap tulad ng ASEAN Summit at ASEAN Games.

Pero iba ang pakiramdam ko sa pag-cancel ng mga klase dahil sa banta ng COVID-19. Parang nakakulong ako. Hindi nakakatulong na mukhang bangag si Pangulong Duterte sa dalawang presscon niya tungkol dito. Lalo akong natataranta kasi mukhang ang tatanga ng mga tao sa gobyerno ngayon. Ang gulo ng mga pronouncement nila. Parang di sila nag-uusap at kaniya-kaniyang katangahan lang ang pinaiiral. Halimbawa, kahapon may nag-anunsiyo na magpapatupad ng curfew mula alas-otso ng gabi hanggang alas-singko ng madaling-araw. Maraming umalma sa social media dahil iligal ito kung walang ordinansa ang local government. Hayun, binawi ang curfew. Baka next week na daw kung may mga ordinansa na.

Sa presscon ni Duterte hinggil sa pag-lockdown ng Metro Manila noong Huwebes ng gabi, parang nanginginig na ako sa pangamba. Nagpapanik na ako sa aking isipan. Kung ganito kalabo at kagulo ang announcement ng presidente, saan ako kakapit bilang natatarantang mamamayan? Para akong hostage ng isang buang na presidente. Hindi nakakatulong sa pagpapakalma ko sa sarili na katabi ni Duterte sina Senador Bong Go at Presidential Spokesperson Salvador Panelo. Tinitingnan ko ang mga mukha ng mga gabinete habang nagra-ramble ang presidente. Iyong mga mukhang matino, mapagkatiwalaan at makapitan ko sana sa panahong ito tulad nina Francisco Duque III, Bernadette Roman-Puyat, Silvestre H. Bello III, at Carlo Nograles na pogi in person (nakasákay ko siya sa eroplano papuntang Davao noon Pebrero 27). Hindi ba nila napapansin na wala nang kuwentang magsalita ang presidente? Ayaw ko sanang magkumpara pero bakit kapag pinapanood ko ang mga presscon nina Prime Minister Lee Hsien Loong ng Singapore at Prime Minister Justin Trudeau ng Canada ang linaw nilang magsalita at very reassuring?

Noong Huwebes mga alas-tres pa lamang ng hapon ay kumakalat na sa Messenger ang resolusyon hinggil sa Metro Manila lockdown ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Disease. Nagbi-breaking news na rin na 6:30 ng gabi magsasalita ang pangulo.

Lumala ang panic buying sa mga grocery store at botika dahil sa balitang lockdown. Nang bumaba ako para bumili ng liquid handsoap dahil naubusan ako, napakaraming tao na sa kalapit na Save More. Sa katabing maliit na Watson ako pumunta. May kaunting pila na rin. Wala na silang rubbing alcohol. Mabuti at marami pang liquid hand soap at bumili na rin ako ng body wash dahil may strawberry scented akong nakita sa estante. Buy one take one ang body wash at malalaking bote pa. Kayâ natatawa ako sa sarili ko habang naglalakad sa labas kasabay ang mga nag-panic buying sa Save More. Sila grocery at pagkain ang pinakyaw. Ako body wash!

Ang tatlong tao sa kaha ng botika ay aligaga na. Pinag-uusapan na nila ang lockdown at mukhang nagwo-worry sila kung ano ang mangyayari sa trabaho nila. Kawawa naman. Sabi ko sa kanila, sa tingin ko tuloy pa rin naman ang trabaho nila. Ang ibig sabihin lang naman ng Metro Manila lockdown ay hindi kami makakalabas ng Metro Manila. Mapakla pa rin ang ngiti nila sa akin. Siyempre, hindi ko pa naiimadyin na Martial Law level pala ito ngayong kumakalat na ang mga sundalo at pulis sa Kamaynilaan!

Bago mag-alas-sais nakaupo na ako sa harap ng TV. Hinihintay ko ang mensahe ng presidente. Nananalangin ako na sana hindi siya mukhang bangag ngayon at sana nakasulat ang sasabihin niya para hindi magulo. Natapos na ang 24 Oras wala pa rin ang presidente. Tulog pa ba? Hindi pa ba tumatalab ang ininom na Fentanyl? Alas-nuwebe na at nagkakape na ako dahil ganitong oras ang sleeping time ko, wala pa rin. Buti mga 9:15 nag-live na sa Malakanyang ang mga estasyon ng telebisyon. Hayon, mukha pa ring bangag ang pangulo. Yung kalát na na dokumento ay binabasa niya per paragraph saka ipinapaliwanag niya. Pero sa bawat pagpaliwanag niya, lalong lumalabo at lalo akong nalilito at sumasakit ang bangs ko.

Hindi nakakatulong na mga opisyal ng militar at pulis ang nasa likod niya. Ano ito deklarasyon ng Martial Law?

Hindi ko na tinapos ang presscon. Natulog na ako. Inisip ko, gising na lang ako nang maaga bukas at tiyak may mga magpapaliwanag sa sinabi ng presidente. Ang klaro sa akin, walang pasok hanggang Abril 12. At sa darating na Linggo, ila-lockdown na ang Metro Manila. Naisip ko, uuwi ako sa bahay namin dito sa Pasig. Mas may space dito at kasama ko ang bunso naming kapatid na si Sunshine. May malapit din na talipapa dito. Mukhang mas maraming mabibiling pagkain.

Lalong lumala ang panic buying kinabukasan. Uuwi na sana ako dito sa Pasig kaso sabi ni Sunshine lilinisin pa niya ang kuwarto ko dahil masyadong maalikabok. Baka raw hikain ako. Nakabasa rin ako ng email na magmimiting ng umagang iyon ang Academic Council ng La Salle at gusto kong hintayin ang magiging memo pagkatapos ng kanilang pagpupulong. Gusto kong malaman kung ano ang gusto nilang gawin naming mga guro.

Ayon sa mga balita, siksikan na ang nga tao sa mga estasyon ng bus palabas ng Metro Manila. Ang isang kaibigan kong taga-Davao nag-text na pa-NAIA na siya at doon muna siya sa kanila sa panahon ng lockdown. Yung isang PhD student namin nagpaalam na uuwi muna siya ng Leyte. Kaunti na rin ang mga tao sa condominium namin. Mukhang may exodus palabas na Kamaynilaan. Nakakadagdag sa aking pagkataranta. Uuwi na ba kami ni Sunshine sa Antique? Kaso nabasa ko sa mga post ng mga kaibigan ko sa San Jose de Buenavista ay kailangan nang mag-self quarantine ng 14 araw ang mga dadating sa Antique galing Metro Manila.

Nag-text si Sunshine. Nakapag-grocery na raw siya at nakaimbak na ng bigas at pagkain ng dalawang aso at mga pusa. May kakainin na raw kami sa loob ng isang buwan. Gayunpaman natataranta pa rin ako. Bumaba ako upang tingnan ang Save More. Marami pa ring tao at mahaba ang mga pila. Buti na lang sa kalapit na Seven Eleven halos walang tao. Doon ako bumili ng anim na latang sardinas at ilang instant noodles.

Alas-kuwatro ng madaling-araw kahapon ay nagising na ako at naghanda ng mga gamit na dadalhin sa Pasig. Bukod sa mga maruming damit at mga grocery item, inayos ko rin ang mga gamit ko sa mga klase tulad ng syllabi, class records, at mga papel na kailangang i-tsek. Czech Republic na lang sa Pasig!

Nagkape muna ako at pinanood ang balita sa TV. Pagla-lockdown pa rin ng Metro Manila ang laman ng mga balita. “Community quarantine” na ang ginagamit ng gobyerno para siguro damage control sa pagpapanik ng mga tao sa “lockdown” at sa mistulang martial law na pagpapatupad nito. Utak pulbura kasi talaga si Duterte.

Bago mag-alas-siyete nakasakay na ako sa GRAB papuntang Pasig. Akala ng driver papunta akong airport. May tatlong pasahero na raw siyang nagpahatid sa airport at “tinatakasan” ang lockdown. Sabi ko sa kaniya, uwi lang ako sa bahay namin sa Pasig. Wala pang alas-otso nasa Pasig na ako. Kapansin-pansin na punô na ng mga delata ang platera namin. Punô na rin ang maliit na lagayan ng bigas.

Nagpaalam ako kay Sunshine na bibili lang ako ng isda sa talipapa pang-ulam sa agahan. Sisiksikan na sa talipapa. Pero normal lang iyon. Sa mga bangketa lang kasi ang mga nagtitinda. Bumili ako ng isang kilo ng hiniwang tuna at isang malaking pusit na mahigit kalahating kilo ang timbang. Medyo may kamahalan ang mga ito pero dedma na. Baka next week wala nang mabiling isda. Bumili rin ako ng isang kilong baboy. Ilalagay lang sa freezer. Aadobohin ko sakaling wala nang mabili sa talipapa. May nadaanan akong kariton ng ponkan. Bumili ako ng isang dosena. Ala-New Year ang peg.

Matapos makapag-agahan, nagpaalam muli ako kay Sunshine na punta muna ako sa barbero. Nangangati na ako sa buhok ko. Dahil bisi nitong mga nakaraang linggo, wala akong time pumunta ng barbero. Wala pang alas-diyes ng umaga at walang kostumer ang friendly barber shop sa aming neighborhood. Nanalangin na lamang ako na walang COVID-19 ang barbero. Naka-mask naman siya. Imposible naman kasi ang social distancing sa tipo ng trabaho niya. Ang gusto ko sa pagpapagupit dito sa amin sa Pasig, PhP60 lang ang bayad. Wala pang dalawampung minuto tapos na ang hairdo ko. Naisip kong pumunta muna sa Lucky Gold Mall at Choice Mall sa unahan.

Pila sa mga ATM sa Lucky Gold. Gusto ko uli magpanik pero agad kong naisip, may enough cash na rin naman ako. Sa kadikit na Choice Mall napadaan ako sa tsikadorang tindera ng mga kortina at bedsheet. Tumingin ako ng mga kortina. Ang gaganda kasi. Mura pa. Siyempre lapit kaagad si tsikadorang tindera at promote to death ng mga kortina niya. Naisip kong bilhan ng bagong kortina ang kuwarto ko. Hayun napabili ako ng limang piraso ng kortina na kulay flesh at puti na may malalaking bulaklak na hugis trumpeta.

Bago umuwi dumaan ako sa suki kong flower shop. Makukulong lang din ako sa bahay gusto kong may bulaklak sa writing table ko at sa mesang kainan namin. Wala ang magandang babaeng binilhan ko ng lilang asters noong isang linggo. Ang nagbabantay ay isang cute na chubby na may pagka-bear. Ang sexy ng balbas niya. Bagay siya sa gitna ng mga bulaklak. Agad kong pinaalala sa sarili ang konsepto ng “social distancing.” Bawal muna ang impure thoughts!

Mura ang mga bulaklak doon. PhP75 ang isang pulumpon ng statis na tag-PhP150 sa binibilhan kong grocery sa Taft. Dalawang pulumpon ang binili ko. Isang puti at isang lila. Bumili rin ako ng isang pulumpon ng sari-saring Malaysian mums. PhP60 lang ito. Sa badyet na PhP210, pakiramdam ko ako na si Jo March na namimitas ng mga bulaklak sa gubat ng Concord isang tag-araw. Siyempre naiisip ko rin ang mga ilahas na bulaklak ng Lenhovda.

Sabi ko kay cute na chubby talian na lang niya para di ako mahirapang bitbitin. “Para sa church ninyo ito, Sir?” tanong niya. Natawa ako. “Bakit? Mukha ba akong pari?” ang thought bubble ko. Siyempre nagpa-cute ako kay cute bear. Tinamisan ko ang aking ngiti at nagsabi, “Hindi, para lang sa bahay.” Habang naglalakad pauwi, naisip kong gawan ng sash ang sarili na ang nakalagay, “Paglalandi sa Panahon ng COVID-19.”

May isang bahagi ng utak ko na tinatalakan ang sarili. “Mahiya ka naman! Sa panahon ng lockdown at panic buying dahil sa banta ng COVID-19, napaka-gitnang uring fantasya pa rin ng pursuits mo!” Pero dedma ako. Taas noo pa rin ako. Kailangan ko ng bagong kortina at ng mga bulaklak! Ito ang therapy ko.

Ngayong umaga ng Linggo maaga uli akong nagising. Madilim pa ay bumili na ako ng mainit na pandesal. Habang nagkakape ako at kumakain ng pandesal na pinapahiran ng butter ay pinagmamasdan ko ang isang malaking plorera ng puti at lilang statis. Nakikinig din ako sa radyo. Balita na ang mga check point papasok at palabas ng Metro Manila. Mas magiging magulo ito bukas dahil Lunes at araw ng trabaho. Trapik daw at kulang ang thernal scanner ng mga pulis.

Mapalad ako at guro akong may tenure at maaaring magturo online. Paano kayâ ang mga manggagawang arawan at no work no pay? Mabuti kami ni Sunshine at dalawa lang kami dito sa bahay at kaniya-kaniya kami ng kuwarto. Nagagawa namin ang social distancing. Paano kayâ ang mga pamilya na nagrerenta lamang ng isang maliit na kuwarto? Nakasabay kami sa panic buying. Paano ang mga walang pang-buy? Panic na lang talaga ang option? Ito talaga ang panahon na kailangan ng mamamayan ang malasakit ng pamahalaan. Ang kaso kung palaging mukhang bangag ang presidente kapag nakikita mo sa telebisyon at mukhang di nag-uusap ang matataas na tao sa gobyerno at wala silang pulidong plano, talagang panalangin na lang ang kakapitan mo.

Ang munting comfort ko lang ngayon ay nandito kami sa Lungsod Pasig na mukhang makapagkatiwalaan ang pogi naming meyor na si Vico Sotto.

Masaklap para sa karamihan ang pamumuhay sa panahon ng COVID-19 dito sa Metro Manila. Unang araw pa lamang ng lockdown ngayon. Sana mas maging maayos at mas maging magaan ang sitwasyon sa mga susunod na araw o linggo.

[Marso 15, 2020 Linggo / 7:28 nu Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s