Sa Ikalawang Araw ng Enhanced Community Quarantine sa Luzon

Salamat sa Diyos at marami pa ring tindang pagkain sa talipapa malapit sa bahay namin. Kahapon hindi talaga kami lumabas ni Sunshine ng bahay. Nakakandado buong araw ang geyt namin.

Kanina alas-singko pa lamang ng madaling-araw ay gising na ako. Gusto ko na sanang lumabas subalit naghintay muna akong magliwanag. Hindi ko kasi alam kung ano ang sitwasyon sa labas, kung may mga pulis ba o wala. Kahapon dalawang beses nagtatalak sa PA system ang isang opisyal ng homeowners’ association namin dahil maraming bata pa rin ang pakalat-kalat sa kalye. Pinapauwi niya ang mga bata pinagsasabihan ang mga magulang na huwag palabasin ang kanilang mga anak.

Gusto kong kumain ng hot pandesal kaninang umaga. Iniisip ko kung bukas kayâ ang dalawang panaderya sa labas. Masarap kasing isawsaw sa paborito kong Old Town’s White Coffee ang bagong bahit na pandesal. Nang mag-panic buying kasi ako noong Sabado mayroon akong nakitang kapeng Old Town’s sa bagong bukas na 7 Eleven malapit sa bahay namin. Pinakyaw ko ito. Mga sampung sachet lang naman.

Mag-aalas-siyete na nang makalabas ako. Isang panaderya lang ang bukas. Sa dami ng bumibili ng pandesal, mistulang may nagpoprotesta sa harap ng panaderya. Hindi sana puwede sa panahon ng social distancing. Sabi ko sa sarili, tiisin ko na lang ang malamig na pan americano sa bahay.

Dumiretso ako sa talipapa. Kakaunti ang mga tao kayâ naisip ko baka walang tinda. Pero sa unahan kung saan ako bumibili ng isda, may mga tao. Maraming puwesto ang sarado subalit may mga nagtitinda pa at may mga namimili. Mas kaunti kaysa karaniwang araw pero buháy ang talipapa!

Bumili ako ng isang kilo ng galunggong. Medyo mahal dahil PhP240 ito pero dedma na. Tinanggalan naman ng hasang ng tindero ang binili ko kayâ kunwari nagbigay ako ng bonggang tip. Papaksiwin namin ito ni Sunshine. Masarap ang piniritong paksiw na galunggong!

Bumili rin ako ng isang kilong saging na lakatan. Pakiramdam ko mahal din ito dahil PhP90 pesos. Ang problema ko madalang lang naman kasi akong namamalengke kung kayâ hindi ko talaga alam kung mahal o mura ang binibili ko. Bumili ako ng saging dahil gusto ko talaga ng saging at hindi dahil sa announcement ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na panlaban o gamot ang saging sa COVID-19 at ang source niya ay isang fake news na kumakalat sa Facebook. Sa panahon ng pandemic, hindi ba maaaring ituring na krimen ang mga iresponsableng statement na ganito ng isang opisyal ng pamahalaan?

Bumili rin ako ng anim na piraso ng green na kamatis. PhP25 naman ito. Bumili ako sa mamang nagtitinda sa kabila ng apat na pulang itlog. Tig-PhP12 ito. Bumili rin ako ng isang malaking ampalaya sa halagang PhP45. Masarap itong isalad. Panlaban sa diabetes at sagana sa fiber.

Hindi muna ako bumili ng bigas. Halos punô pa ang lagayan namin sa kusina. Ang comforting lang bukás at marami pang tinda ang mga bigasan sa amin. Mukhang hindi naman magkakaubusan ng bigas.

Ito ang mahalaga. Kailangang siguraduhin ng gobyerno na sapat ang pagkain sa loob ng isang buwang Metro Manila Lockdown. Kunsabagay narinig ko sa balita sa radyo, malaya namang nakakapasok ang mga sasakyang may dalang pagkain sa mga border ng metropolis.

Kailangan ding tiyaking mabigyan ng tulong pinansiyal at relief goods ang mga mahirap nating kababayan at ang mga arawan ang suweldo na hindi makapagtrabaho dahil sa lockdown. May plano na hinggil dito ang Department of Labor and Employment at sana mailunsad nila agad at maisagawa nang maayos ang programang ito. Tiyak kasing magkakagulo kung wala nang makain ang maraming tao.

As of Marso 17, mayroon nang 187 na positive sa COVID-19 at 14 na ang namatay. Pero maganda naman ang balita na may apat na ang gumaling. Kunsabagay ayon sa Department of Health, sa mga tatamaan ng virus na ito, 80% ang magkakaroon ng mild symptoms at 20% lang ang magiging grabe at kailangang maospital.

Kinamusta ko kahapon sa Messenger sina Nong Junior sa Maybato. Okey lang daw sila. Sa awa ng Diyos wala pa namnan daw nag-positve sa COVID-19 sa Antique. Ang problema yata ngayon ay maraming Antiqueño ang umuwi mulang Metro Manila noong nakaraang linggo bago mag-Metro Manila Lockdown. Bakâ ang iba sa kanila ay may dalang virus.

Sa post ni Mimi sa Facebook kahapon, nagagalit siya sa ilang mga racist sa kanila sa Sweden. Marami yata doon ang hindi alam ang pagkakaiba ng mga Filipino sa mga Tsino. Basta Asian pinagbibintangan na nilang carrier ng COVID-19. Nakababahala rin ang mga kamangmangang ganito.

Nag-memo na rin kahapon ang chancellor namin sa De La Salle University. Kina-cancel muna ang mga online class para makapaghanda at makapag-adjust kaming mga guro at ang mga estudyante sa Enhanced Community Quarantine. Malaking bawas ito sa stress na nararanasan ng lahat sa panahong ito.

Kailangan talagang sumunod sa quarantine at mag-adjust ng lifestyle para makatulong sa pagkontrol ng pagkalat ng COVID-19. Kailangan gawin ang hinihiling ng Department of Health na maghugas lagi ng kamay, takpan ang bunganga at ilong kapag umubo at bumahing, at magpanatili ng isang metrong distansiya sa bawat isa. Sabi nga nila, bawal ang beso-baso, bawal yakapan, at bawal halikan.

Sa bawal ang halikan ako lubhang nahihirapan. Charot lang!

[Marso 18, 2020 Miyerkoles / 9:30 nu Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s