May isang Poging Meyor sa Panahon ng COVID-19

Ang pangalan niya ay si Vico Sotto, meyor ng Lungsod Pasig. Simula nang mag-Metro Manila Lockdown dahil sa pandemic na COVID-19, trending itong batang meyor dahil sa mga mahusay na ginagawa niya para sa lungsod. Mapalad ako at dito ako sa Pasig nakatira.

Noong Marso 18 pa lang naiproseso na ng Lungsod Pasig ang pagbili ng 400,000 na food packs na naglalaman ng 3 kilong bigas, 2 latang sardinas, 2 latang corned beef, 2 latang tuna, at 2 latang meat loaf. Gin-post pa ni Meyor Sotto sa kaniyang Instagram ang purchase requisition slip nito. Tig-397 ang bawat food pack at ang kabuoang halaga nito ay PhP158.8 milyon. Transparency ang tawag dito! Kalakaran sa mga transaksiyon sa pamahalaan na may cut, tubo, or porsiyento ang mga opisyal. Mahirap pamarisan ang ginagawang ito si Vico!

Mahalagang siguraduhin ng pamahalaan na hindi magugutom ang mga mamamayan sa panahon ng lockdown, lalo na ang mga arawan ang suweldo at no work, no pay. Kasi kung marami ang walang makain, talagang magkakagulo. Kayâ tama lang na ito agad ang ginawa ni Vico.

Ang isa pang purchase requisition form na gin-post ni Vico ay ang pag-order ng vitamins para sa mga senior citizen ng Pasig. Pinaka-vulnerable kasi sa epekto ng COVID-19 ay ang nakatatanda na mahina na talaga ang resistensiya at may iniinda nang mga sakit. Nakakaiyak ang ginagawang ito ng meyor. Talagang ang mga nasa laylayan ng lipunan ang kaniyang unang iniisip.

Nakabili na rin ang Lungsod Pasig ng mga drone para mag-spray ng disinfectant. “Millenial goals!” ang papuri dito ng karamihan. Iba raw talaga kapag bata, matalino, masipag, at hindi trapo ang meyor.

Trending na trending na talaga si Meyor Vico sa puso ng mga netizen. Marami nga akong mga kaibigan sa Facebook na nagbibirong lilipat na daw sila dito sa Pasig. Naiinggit sila sa mga taga-Pasig tulad ko. May isa pa nga akong pogi at talented na batang bading na kaibigan na nagsabing gusto niyang maging “First Lady” ni Vico. Birong sagot ko naman, okey na sa aking maging “Second Lady.”

Kumakalat na sa social media ang suggestion na pang-presidente si Vico. Na sana kung kasing galing at sipag at may malasakit ang presidente natin ngayon, hindi sana ganito kahirap ang buhay nating mga Filipino sa panahon ng pandemic.

Noong isang araw inanunsiyo rin ni Meyor Vico na pinapayagan niyang magbiyahe ang mga traysikel upang may sasakyan ang mga health worker papuntang trabaho at may masasakyan din ang mga tao kung pupunta ng palengke. Gayundin kung may mga emergency at may kailangang dalhin sa ospital. Sa assessment daw kasi nila, kulang talaga ang mga sasakyan ng Pasig City Hall. Marami ding eskinita na naaabot lamang ng traysikel.

Pinalakpakan sa social media ang ideang ito. Pinuri si Vico sa makamahirap na hakbanging ito. Aba, na-insecure yata ang maraming politiko! Lalo na ang mga may ambisyon sa 2022. At lalo na ang nga alipores ni Rodrigo Duterte. Paano, sa galing ni Meyor Vico, nagmumukhang inutil na talaga ang Malakanyang.

Kayâ tira kaagad si Cabinet Secretary Karlo Nograles. May social distancing daw ba sa traysikel? Ang mahirap sa mga trapo tulad ni Nograles na dahil lumaki sa maykayang pamilya dahil trapo rin ang magulang, hindi sumasakay ng traysikel. Ang nakikita lang niya siguro sa labas ng kaniyang aircon na sasakyan ay ang mga traysikel na namumulaklak sa mga pasahero kayâ worried kaagad siya kung ano ang mangyayari sa social distancing. Diyos ko naman, puwedeng isa lang ang pasahero ng traysikel at may enough na distansiya na agad sa pagitan ng drayber at pasahero. Kailangan pa ba talagang tulungan siyang mag-research ni Senadora Cynthia Villar hinggil dito?

Siyempre nagsalita agad sa telebisyon ang isang bangaw na opisyal ng Department of Interior and Local Government (DILG) na nananakot na ng “criminal charges” para sa mga meyor na “hindi sumusunod sa plano” ng National Government as if may maayos na plano ang gobyerno sa pagharap nitong COVID-19.

Muli, activitated ang troll farm ng mga DDS. Lait sila lait nang lait kay Meyor Vico. Kumikitang kabuhayan na naman sila habang nagwo-work from home dahil sa lockdown.

Ang pinakabonggang ebidensiya na napapahiya na ang Pamahalaang Duterte sa kapalpakan nito ay nagpalabas ang Malakanyang ng recorded message ng presidente kaninang ala-una ng madaling araw! Nakakaloka! Wala namang importanteng sinabi bakit di na lang hinintay ang alas-siyete ng umaga? Bakit pupuyatin mo pa ang midya at ang mga tao?

Makikita mo talaga ang pagiging unprofessional ni Duterte sa mga public address niya nitong nakaraang linggo. Palagi siyang late. Walang respeto sa oras ng mga taong nagpapasuweldo sa kaniya. Ang sabi nga ng mga meme sa Facebook, “The late President Rodrigo Duterte” siya!

Mistulang bangkay na nabuhay ang itsura ng presidente ng Filipinas sa kaniyang recorded message kanina. Wala naman siyang sinabing bago tungkol sa COVID-19. Ang bago lang, halatang-halata na sobrang insecure siya kay Meyor Vico Sotto at sa iba pang mga local official na magaling na ginagampanan ang trabaho. Kayâ tulad ng sinasabi ng nga bangaw niya sa DILG, nagti-threaten din siya na kasuhan ang mga lokal na opisyal na hindi sumusunod sa nasyonal na pamahalaan.

Kung hindi lang sana ako nangangamba sa COVID-19 ngayon ay tatawa ako nang malakas. Pagtatawanan ko si Rodrigo Duterte at ang mga bangaw niya. Ang kaso, hindi biro ang banta ng pandemic ngayon. Naiinis ako. Nagagalit ako. Isa lang ang tiyak ko ngayon: Wala nang kuwenta ang mga nakaupo sa Malakanyang! Ngayon natin higit na kailangan ang mga meyor na masipag, matalino, at makatao katulad ni Meyor Vico Sotto ng Lungsod Pasig!

[Marso 20, 2020 Biyernes / 8:38 nu Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s