“Ang isa sa mga kakatwang bagay tungkol sa pamumuhay natin dito sa ating daigdig ay paminsan-minsan lamang tayo nagiging sigurado na mabubuhay tayo magpakaylanman. Minsan nalalaman natin ito kung gigising tayo sa masuyo at banal na bukang-liwayway at babangon tayong mag-isa at buong layang titingala sa namumutlang kalangitan at aantabayanan ang mga pagpapalit ng kulay at mapapaluha tayo sa angking dakilang kagandahan ng Silangan at ang ating puso ay matatahinik sandali upang lubos na malasap ang pagkamaharlika ng pagsikat ng araw na nangyayari kada umaga sa loob ng libo-libo ng mga taon.”
Iyan ang salin ko ng mga unang pangungusap ng tsapter 21 ng nobelang The Secret Garden ni Frances Hodgson Burnett. Dahil nga naka-lockdown ako rito sa Pasig, basa ako nang basa at sulat nang sulat. Ito ang aking coping mechanism bukod sa paglilinis ng bahay.

Pangalawang basa ko na ito ng nobelang ito at pangalawang kopya ko itong edisyong dala ko rito sa Pasig. Habang nagpa-panic sa mga grocery malapit sa La Salle ang mga tao, pumunta naman ako sa Fully Booked sa tapat. Ayaw ko kasing makipagsiksikan sa grocery. Biro ko sa aking sarili, wala man akong pagkain para sa aking katawang lupa, may pagkain naman ako para sa aking kaluluwa!
Sa panahong na-announce na na magkakaroon ng Metro Manila Lockdown dahil sa COVID-19, alam ko namang halos kabaliwan na ang unahin ko pa ang pagbili ng libro. As if hindi pa punô ang condo ko ng mga librong di ko pa nababasa! Pero dahil nga luka-luka ako, bumili pa ako ng nobela na nabasa ko na.
Hindi ko kasi mahindian ang edisyong ito ng The Secret Garden. Hardbound kasi at ang puti ng makapal na mga pahina. Arcturus edition ito na inilathala sa London at inimprenta sa China noong Disyembre 2019 lang. Bagong-bago! Napaka-delicious na edition. Higit sa lahat PhP600+ lang ito. Hindi nakaka-guilty bilhin. Talagang inuna kong inilagay sa aking maleta ito nang makapag-desisyon na ako na sa Pasig ako habang may community quarantine. Isiniksik ko rin sa basket ng mga delata at kapeng dadalhin ko pauwi ang VCD (Yes, hindi pa ako nag-level up pa-Netflix) ko ng pelikulang The Secret Garden. Ewan ko ba, hindi ako nagsasawa sa panonood ng pelikulang ito.
Ang sarap talagang basahin ang nobelang ito. Actually nobelang pambata ito pero paki ko, nag-e-enjoy ako sa pagbabasa nito. Umiiyak, tumatawa ako. Halos naaamoy ko ang mga bulaklak sa lihim na hardin nina Mary, Colin, at Dickon.
Nasa Palawan pa kami nakatira noon nang basahin ko ang nobelang ito mga dalawang dekada na ang nakalilipas. Hindi ko na masyadong natandaan ang dating nito sa akin. Mas nakatatak sa imahinasyon ko ang pelikulang idinirehe ni Agnieszka Holland na ang dulang-pampelikula ay ginawa ni Caroline Thompson na ibinase nga sa klasikong nobela ni Burnett. Ni-release ito ng Warner Bros noong 1993, nang sa kolehiyo pa ako.
Alam ko lang na nabasa ko na ang librong ito dahil sa isang tula ko na kasama sa aking MFA Thesis na kalaunan ay naging libro ko ng mga tula na Maybato, Iloilo, Taft Avenue, Baguio, Puerto na inilathala ng Libro Agustino ng University of San Agustin noong 2003. Sa bahaging “Maybato,” mga tula tungkol sa aking kabataan sa Maybato Norte sa San Jose de Buenavista sa Antique ay may tulang “Si Dickon at ang Aking Hardin” at sa ilalim ng pamagat ay may tala na “Matapos basahin ang The Secret Garden.”
Ang main idea ng thesis ko ay mapa ng makata ang kaniyang mga tula at ang persona at makata ay iisa. Bumukas sa saknong na may dalawang linya ang tulang ito: “Sampung taong gulang uli ako / ngayong umaga.” Iniimbitahan ng persona/ko si Dickon na iwanan muna ang Misselthwaite Manor at sina Mary at Colin upang puntahan niya ako sa Maybato at tulungang pabanguhin ang mga bulaklak sa aking hardin. Si Dickon kasi ang karakter sa nobela na mahilig sa mga hayop (kaya niyang makipag-usap dito) at tumulong kay Mary na ayusin at magtanim sa sekretong hardin.
Nagtapos ang tula kong ito sa saknong na gusto kong maging forever ang buhay sa loob ng isang magandang hardin na may Dickon na kasama: “Halika, Dickon, / gawin nating Mayo / ang buong taon / upang manatili akong / sampung taong gulang / habambuhay / dito sa aking hardin.” Siyempre alam natin na sa totoong mundo, walang forever.
Ibang level ang pagka-appreciate ko sa librong ito ngayon. Siguro dahil mistulang bangungot ang pandemic na ito ngayon at hindi mapagkatiwalaan ang pamahalaan kayâ tuloy parang nag-eeskapo ako patungo sa magandang mundo kapag nagbabasa ako.
Kinikilig ako kapag dini-describe nila ang hardin at ang mga bulaklak tulad ng mga rosas, daffodils, lilies, at snowdrops. Nababanggit din ang pamumulaklak ng mga punong masanas at plum! Ngayon ko lang na-realize kung bakit ako tila nababaliw sa saya sa piling ng mga bulaklak ng tag-araw sa Lenhovda, sa timog na bahagi ng Sweden.
Nang matapos kong basahin ang nobela kahapon, pinanood ko muli ang pelikula. Isinisigaw ni Mary ang bulaklak na cornflower. Marami nito sa hardin ni Morsan sa Marhult (bahagi ng Lenhovda). Refreshing sa matingkad na asul ang kulay nito at ang tawag sa Svenska (wikang Swedish) ay bläklint. May tula ako sa libro kong Sommarblommor na ito ang pamagat.
Si Frances Hodgson Burnett ay isinilang sa Manchester, England noong 1849. Nag-migrate ang kanilang pamilya sa Estados Unidos noong 1865 matapos mamatay ang kanilang ama. Ang The Secret Garden ay unang nalathala noong 1911. Gusto kong makasulat din ng nobela na kikiligin pa rin ang mambabasa kahit makalipas pa ng mahigit isang siglo!
Para akong sirang plaka sa pagsabi ko sa aking mga estudyante na pleasurable ang pagbabasa. Na ang pagbabasa ng isang magandang libro ay parang pamamasyal sa isang hardin sa loob ng ating kasing-kasing. Sa mga panahon tulad ng pagla-lockdown dahil sa isang pandemic, masasalba ng pagbabasa ang ating katinuan.
[Marso 23, 2020 Lunes / 8:25 ng Lungsod Pasig]