Kakaunti ang mga sasakyan. Kakaunti ang mga tao sa labas ng saradong Lucky Gold Plaza. May mga nakapila sa sarado pang Palawan Pawnshop. Nakaupo sila sa simentong sidewalk at nakakatuwang tingnan na inoobserbahan nila ang physical distancing. May asul na bus na nakapark sa harap nila. Libreng sakay daw para sa mga health worker. Naisip ko saglit na makisakay ako. Sasabihin ko sa drayber na papunta ako ng botika sa sentro ng Rosario. Bakasakaling pasakayin ako. Sinilip ko ang bus. Tatlo pa lang ang sakay. Agad kong pinagsabihan ang sarili na maglakad na lang dahil iyon naman talaga ang plano ko.
Sobra sa isang kilometro ang layo ng pinakamalapit na Mercury Drug sa gate ng Life Homes Subdivision na labasan namin. Nang napabalitang mag-lockdown dahil sa banta ng COVID-19 noong Marso 10, bumili na ako ng pag-isang buwan kong maintenance medicine doon sa suki kong Mercury Drug sa harap ng La Salle. Wala pang panic buying ng mga gamot noon. Ang iniisip ko first week ng Abril ako bibili muli ng gamot. May dalawang Mercury Drug naman kasi sa sentro ng Rosario. Kayâ lang may nag-PM kay Sunshine na bakâ magdeklara ang gobyerno ng total lockdown ng dalawang linggo umpisa bukas at wala na talagang palalabasin. Naisip din namin na baka fake news ito. Pero siyempre kailangan pa rin naming paghandaan. Ang usapan namin ni Sunshine kagabi bago matulog ay gigising siya nang maaga at mamalengke. Bibili kami ng isda na paksiwin, mga sahog para sa pancit bihon kasi ito ang plano naming lutuin sa Linggo, isang kilong hotdog, isang trey ng itlog, sibuyas, luya at lemon na ginagawa naming tsaa, at dagdag na bigas. Maghahanda kami para sa dalawang linggong walang labasan. Nagdesisyon din akong pumunta na kinabukasan sa Mercury. Binilang ko kasi ang mga gamot ko, good for 12 days na lang. Kung walang quarantine marami pa sana ito.
Ako lang ang puwedeng lumabas sa aming dalawa ni Sunshine sa aming subdivision dahil sa akin nakapangalan ang barangay quarantine pass namin.
Nakakapanibago na kaunti ang mga tao at sasakyan sa labas. Sa normal na umaga ng Biyernes, matrapik sa amin at siksikan at agawan ang mga taong nag-aabang ng masasakyan papasok ng trabaho o eskuwela. Halos walang taong tumatawid sa Floodway Bridge na komukunekta sa lugar namin sa sentro ng Rosario. Dadalawa lang ang nakasalubong ko. Wala akong kasabay.
Feel na feel ko ang malinis na hangin sa may tulay. Kakaunti nga kasi ang mga dumadaang sasakyan. Balita na sa radyo na ayon sa Department of Environment and Natural Resources gumanda at naging healthy ang kalidad ng hangin sa Metro Manila dahil sa ilang araw ng lockdown. Inalis ko sandali ang aking surgical mask para mas matikman ang masarap na hanging Pasig!
Habang pinagmamasdan ko ang mga water lily sa artipisyal na ilog, naalala ko ang unang pagtawid ko rito pagkatapos ng Ondoy. Binaha kasi nang bongga ang area namin. Naging evacuation area itong tulay. Maraming tent at mga gamit sa bahay ng mga nagsilikas doon. Marami ring sasakyan at van ng mga estasyon ng telebisyon at radyo. Parang end of the world scenario.
Pero ngayong may pandemic at naka-quarantine ang lahat, parang ang linis ng paligid. Sa kabilang dulo ng tulay namangha ako sa ganda ng namumulaklak na malaking puno ng akasya. Nakakahalina ang yumi ng pink na bilog na mga bulaklak nito na ang talulot ay parang eleganteng brush. Tumigil muna ako sa harap nito at kinunan ng litrato. Ang sarap sa mga mata ang luntiang mga dahon at ang rosas na mga bëkad.

Pagdating ko sa Rosario Arcade tuwang-tuwa ako kasi walang tao sa labas ng Mercury doon. Pasado alas-otso pa lang at alam kong 9:00 pa ang bukas nito. Naisip ko, hihintayin ko na magbukas. At least ako ang una sa pila. Pero may napansin akong nakapaskil na bondpaper sa pinto. Nilapitan ko. Sarado ang branch na ito sa panahon ng lockdown. Nagluyloy ang pakë ko. May nakalistang mga branch na bukás na malapit. May branch sa kabilang kalsada malapit lang. Alam kong 24 hours na bukas ito. Mas maliit nga lang ito kayâ ang pinupuntahan ko lagi ay itong nasa Arcade.
Umakyat ako ng footbridge papunta sa kabila. Lumakad konti at nang marating ko ang Mercury tumambad sa akin ang mala-box office hit na pila! Wala akong choice kundi ang pumila sabay dasal na sana kumpleto ang stock nila ng mga gamot na bibilhin ko upang magiging worth ang pagpila ko.
Dahil inoobserba naman ng lahat ang physical distancing, mas naging mahaba ang pila. Apat na kustomer lang din kasi ang pinapayagang magkasabay sa loob ng botika. Binilang ko ang mga nauna sa akin sa pila, mga dalawampu lang naman. Gayunpaman inabot ng isang oras at kalahati bago ako nakabili ng mga gamot ko.
Bilib ako sa sarili ko, natiis ko ang pagpila. In fact, parang ini-enjoy ko pa nga. Hindi ako nagsusuplada. Siguro dahil dalawang linggo na akong nakakulong sa bahay. Itong pagpunta ko sa Mercury ang pinakamalayong napuntahan ko since mag-community quarantine.
Sa bakod na chicken wire ng isang bakanteng lote sa tabi ng Mercury ay may nagakambëd na alugbating mukhang nakakalimutang diligan palagi. Kalahating-buháy kasi at kalahating-lanta. Pero may mga buto ito. Kulay-murado ang hinog na buto ng alugbati. At sa isang sanga napansin ko ang maliit na rosang bulaklak. Kay rikit tingnan! Kinunan ko ito ng larawan. Isang munting kasiyahan ng kaluluwang bagot na sa pagpila.

Medyo mainit na ang sikat ng araw at nangangawit na ang mga tuhod ko sa pagtayo. Ang aleng kasunod ko, reklamo nang reklamo na ang bagal naman daw ng galaw ng pila. Pero dedma ako. Di ako nag-react sa sinabi zniya. Tiningnan ko ang relo ko, mahigit isang oras na akong pumipila.
Salamat sa Diyos at kumpleto ang branch na iyon ng Mercury ng mga gamot na kailangan ko. Naubusan nga lang sila ng Enervon-C kayâ ibang brand na lang ang binili ko. Wala pa rin silang stock ng facemask at alcohol.
Mainit na ang sikat ng araw nang lisanin ko ang sentro ng Rosario. Nagpayong na ako. Sarado ang geyt ng Rosario Church. Sarado rin ang mga bangko. Sa isang bangko medyo mahaba ang pila sa ATM. Buti na lang di ko kailangan ng cash dahil umuubra naman ang debit card ko sa Mercury.
Huminto uli ako sa harap ng namumulaklak na akasya. Sabi ko sa sarili ko, susulat ako ng tula tungkol dito. Ayon kay Yasunari Kawabata (nakalimutan ko na kung saang akda niya), ang papel ng manunulat ay ang hanapin ang kagandahan sa mga ordinaryong bagay at pangyayari at magsulat tungkol dito upang maibahagi ang magandang karanasan sa mga mambabasa.
Pagbaba ko ng tulay ay dumaan ako sa Seven Eleven. Gusto kong i-tsek kung may Old Town White Coffee sila, ang paborito kong 3 in 1 na kape na imported from Malaysia. Isa lang ang kostumer nila pagpasok ko. Tinutukan ako ng thermal scanner ng isang staff nila. Binili ko lahat ang naka-display nilang Old Town. Mga sandosenang sachet lang naman. Ang mahal. Tig-PhP25 ang isa. Mura lang sana ito kung sa Singapore, Kuala Lumpur, o Siem Reap ko binili.
Pagdaan ko sa Palawan Pawnshop, mala-box office hit na rin ang pila.
Ewan ko ba pero pagdaan ko sa check point at ipinakita ko ang aking ID at barangay quarantine pass, pakiramdam ko, naghahanda na ang Kamaynilaan para sa katapusan ng mundo.
Pagdating ko ng bahay sinalubong ako ni Sunshine sa geyt at sinabihang fake news daw ang kumakalat na balitang total lockdown. Pero namalengke pa rin siya. Sa isip ko naman, kahit mag-total lockdown pa ng isang buwan ay okey lang. Siyempre sarili ko lang kasi ang iniisip ko.
Uhaw na uhaw ako. Hinubad ko ang sapatos sa may pintuan. Dumiretso ako sa kusina at naghugas ng kamay. Kumuha ng malamig na tubig sa ref. Nakadalawang baso ako. Hinubad ko ang aking t-shirt. Naisip kong maligo agad. Pero pahinga muna konti. Uminom muna ako ng ginger, turmeric, at lemon tea na hinanda ni Sunshine.
Gin-check ko sa iPhone ko kung nakailang steps ako: 6,002. Napangiti ako. Hindi na masama.
Ang sarap ng malamig na tubig sa aking katawan. Habang naliligo, naiisip ko ang mga rosas na bulaklak ng akasya at alugbati. Sa kabila ng pandemic ng COVID-19, naniniwala akong maganda pa rin ang daigdig!
[Marso 27, 2020 Biyernes / 9:30 ng Lungsod Pasig]