Work from Home at Online Classes Tsenes

“You are not working from home; you are at your home during a crisis trying to work.” Nabasa ko itong post sa Facebook and I can’t agree more.

Nasa ikatlong linggo na ngayon ng ECQ sa Luzon at nababagot na ako. Halos wala akong ginagawa sa loob ng isang araw gayung maraming dapat gawin tulad na lamang ng paggawa ng mga liham na may kinalaman sa comprehensive exams at mga thesis proposal defense ng mga graduate student namin sa Litetature Department. Nagagawa ko naman ang mga ito pero ang bagal ko dahil tinatamad talaga ako.

Noong nakaraang linggo napagod ako sa kasasagot ng mga tanong, at sa pagkomento at pag-edit ng mga thesis proposal ng dalawang mentee ko na literature major namin. Parehong creative writing ang proyekto nila at susulat sila ng koleksiyon ng maikling kuwento. Mabuti na lang at pareho silang magaling kayâ hindi ako masyadong nahirapan. Malaking problema nga lang ang mabagal kong internet connection. Medyo bumibilis lang kasi ito kapag madaling-araw.

Noong unang linggo ng ECQ ay talagang wala akong ganang mag-online class. Paano, dahil sa mahina kong internet hindi ko ma-access ang cyber classroom namin sa Canvas. Gayunpaman, pinilit ko ang sarili na mag-online class pa rin sa pamamagitan ng email. Kakaunti ang mga estudyanteng nagpa-participate. Naisip ko bakâ mahina rin ang internet conmection nila at bakâ aligagâ rin sila dahil sa pandemic.

Buti nga sa ikalawang linggo ay deferred muna ang online classes ayon sa memo ng aming Vice Chancellor for Academics. Para daw mabigyan muna ng pagkakataong makapag-adjust ang parehong teachers at mga estudyante sa ECQ. Malaking bawas stress ito at sa panahon ng pandemic, nakakapagpapahina ang stress ng resistensiya. Mas madali kang mahawa sa virus kung mahina ang katawan mo.

Buti ngayong linggo parang nakapag-adjust na ako psychologically. Simula noong Lunes parang meron na akong routine. Sa kumakalat sa social media na poster ng Psychological Association of the Philippines na may pamagat “Caring for Our Mental Health During the Time of COVID-19,” ang isa nga sa mga rekomendasyon nila ay “Adapt a regular routine at home or at work to give a sense of purpose and order to your day.”

Heto ang schedule ko araw-araw na nasimulan ko noong Lunes: 4:00 to 5:30 AM – Pagbangon, at pagbasa o/at pagsulat; 5:30 to 6:00 AM – Pag-ehersisyo; 6:00 to 7:00 AM – Agahan; 7:00 to 8:00 – Pamamalengke kung kailangan; 8:00 AM to 12:00 NN – Work from home mode; 12:00 NN to 1:30 PM – Lunch; 1:30 to 5:00 PM – Siyesta, pagbabasa, pagsusulat, at/o pagpi-Facebook; 5:00 to 6:00 PM – Afternoon tea or coffee; 6:00 to 7:00 PM – Hapunan; 7:00 to 9:00 PM – – Relax time; 9:00 PM – Sleeping time.

Mukhang uubra para sa akin ang iskedyul na ito for the rest of ECQ.

Kailangan ko talagang mag-exercise. Para mananatling healthy at maliksi ang katawan. Buti nga once a day lang kami ni Sunshine kumakain ng kanin. Sa pananghalian lang. Sa agahan, pandesal at prutas lang ako. (Siyempre pinapalhitan ko ng butter ang mainit na pandesal!) Sa hapunan tinapay at prutas lang din. Kanina nga ang hapunan namin ay nilagang mais. Kahapon ay piniritong saba. Titiyakin ko dapat na hindi na ako tataba pa at kontrolado ang blood sugar ngayong nakakulong ako sa bahay.

Sa panahong ito kailangang malusog ang katawan at katinuan dahil nakakaloka na talaga ang mga pangyayari. Mahirap na sitwasyon na nga itong pandemic at naging mas mahirap pa dahil incompetent ang presidente at mga tauhan nito. Hanggang ngayon wala pa rin silang klarong plano at ang gulo nila. May taped address na naman si Duterte kahapon at hinang-hina na siya at panay motherhood statement lang. Buti at wala na siyang lakas na mag-adlib at magmura.

May batas na nga noong isang linggo pa na nagbibigay ng dagdag na pondo at kapangyarihan sa presidente na labanan ang COVID-19 pero parang wala pa ring nangyayari. Sa ganitong kontexto mas nagiging mahirap ang work from home at online classes. O mas naging mahirap lang talaga ang pagiging ordinaryong mamamayan sa bansang sinasalaula ng nga politiko nito. Period!

[Abril 1, 2020 Miyerkoles / 8:36 ng Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s