Nagmurá na Naman ang Presidente Kagabi

Ito yata ang new normal sa panahon ng pandemic ng COVID-19 na parang hindi ko makakasanayan.

Nagmumura din naman ako. Nakikipagmurahan din naman ako kung minsan. Pero ibang usapan na ang presidente na binigyan na ng Kongreso ng emergency powers dahil sa pandemic at imbes na ihayag nang klaro at mahinahon ang kaniyang mga plano at ginagawa kung paano masolusyonan ang problema ay magmumura lang siya. Saka lalaitin pa niya ang ngipin ng isang mamamayan na gusto lang namang ipagtanggol ang karapatang magpahayag ng mga kapuwa mamamayan na gustong ipitin ng pamahalaan.

Siyempre tulog na ako nang mag-“sit-down comedy” na naman ang presidente on national television. Bakit naman kasi alas-onse ng gabi. Hindi ba puwede office hours o di kaya prime time man lang para makapanood naman ang mga tulad kong 9:00 PM ang sleeping time?

Angkop na angkop ang metaporang nabasa ko sa Facebook ngayong umaga: Parang may tatay kang lasenggo na umuwi ng hating-gabi at mura nang mura at ayaw kayong patulugin. Kung may tatay akong ganiyan, gigising ako, babangon, at susuntukin ko siya sa bunganga!

Ang maganda lang sinisante na ng presidente ang isang alipores niya na gustong paimbestigahan sa National Bureau of Investigation (NBI) si Vice President Leni Robredo dahil sa pangangalap nito ng pondo para matulungan ang mga frontliner sa mga ospital. Nagko-compete daw kasi siya sa pamahalaan. Nakakaloka! Tuloy nag-init ang ulo ng mga netizen kahapon at nag-trending ang mga hashtag na protektahan ang bise presidente.

Bagamat pinapalakpakan ko ang pagsisante ng presidente dito sa isang tao niya, I am taking it with a grain of salt kasi marami namang tinanggal sa puwesto ang presidente sa mga pumapalpak niyang tauhan dahil nag-iingay ang publiko pero kapag lumamig na ang isyu ay ililipat lamang niya ito sa ibang ahensiya. Sana hindi ganito ang kahihinatnan ng kasong ito.

Maganda rin na na-acknowledge ng presidente ang mahalagang ambag ng bise presidente sa medical crisis na ito. After all nanawagan naman siya na magtulungan lahat.

Maganda rin na pati ang mga ahente ng NBI ay pinagbantaan din niyang idi-dismiss kung iimbestigahan si Robredo.

Sana all. Sana pagsabihan din niya ang NBI na huwag nang pagbantaang imbestigahan o ipatawag ang mga netizen na masyadong kritikal sa pamahalaan ngayon. Kasi kung hahayaan niya ito, para na talagang Martial Law. Muli ay lalabagin ng administrasyon niya ang Konstitusyon. Enshrined kasi sa Saligang Batas ang malayang pamamahayag. Saka sa isang demokratikong sistema, bahagi talaga ang pagpuna sa kapalpakan ng pamahalaan.

Kayâ siguro gali na galit siya kay Chel Diokno dahil nag-post ito kahapon na nag-volunteer siyang mag-abogado sa isang netizen na napadalhan na ng subpoena ng NBI.

Si Chel Diokno ay isang magaling at makataong abogado. Respetado siyang human rights lawyer. At bilang Lasalyano, ipinagmamalaki ko siya dahil siya ang dekano ng DLSU College of Law.

May breeding si Diokno. Disente rin. Kayâ wala talagang masabi sa kaniya ang presidente kundi ang laitin na lamang ang malalaking ngipin ng abagadong sumusulong sa karapatang-pantao. Masyado namang barumbado ang ganito.

May nag-comment sa anti-Duterte comment ko sa FB. Irespeto ko raw ang presidente dahil sa panahon ngayong may hinaharap na malaking problema ang bansa, siya ang maganda nating halimbawa na dapat pamarisan at dapat ipagdasal natin siya to that effect tsenes.

Nagtambling ako. Gurong taga-Antique ang nag-comment. Friend ko sa FB pero hindi ko naman kilala. Hindi ko na pinatulan ang gaga. Agad kong gin-delete ang conment niya at gin-unfriend. Naisip ko, juice koh! Sana hindi na nagtuturo ng good manners and right conduct ito. Kasi tiyak ituturo niya sa mga estudyante niya na magandang pamarisan ang presidente: 1. nagmumura, 2. bastos sa mga babae, 3. tutulog-tulog, 4. late palagi, at 5. mahilig magbantang pumatay.

[Abril 5, 2020 Sabado / 9:07 nu Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s