Pagsalba ng Hardin

Pagsasalba na rin ito ng aking katinuan ngayong ECQ.

Tatlong araw na kami ni Sunshine na naglilinis at nag-aayos ng hardin namin sa likod ng bahay. Pinatanggal na kasi ng kapitbahay namin sa mga karpintero nila ang mga tabla na patungan nila at ang mga tipak ng simento. Patapos na kasi ang konstruksiyon nila ng four storey na apartment building. Ilang buwan ding tila dinaanan ng giyera ang hardin namin. Casualty siyempre ang mga halaman.

Ang nami-miss ko talaga ang malabay na punong indian mango sa kabilang lote na pinalitan na ng kongkretong gusali ngayon. Tag-araw na at ito sana ang panahon na maraming bunga ang mangga. Ang mga bunga sa sanga na pasók sa hardin namin ay amin na. Sinisigaw lang namin kay Tatang, ang dating may-ari ng katabing bahay, ang pagpapaalam kung namimitas kami ng mangga. Nasa isang anak niya sa sentro ng Pasig nakatira si Tatang ngayon.

Kanina pagkatapos ng agahan ko ng mainit na pandesal, Old Town 3 in 1 na kape, at isang hiwa ng sandiya ay naglinis muli ako sa likod. Tulóg pa sina Sunshine at Biscuit, ang alaga niyang aso na katabi niya sa pagtulog.

Masaya ako dahil buháy pa ang dalawang púno ng bogambilya sa tabi ng pader. Yung isa natumba lang, nadaganan ng mga tipak ng simento. Yung isa, namumutla ang mga dahon. Pero buháy sila. Diniligan ko sila. Ilang araw lang, tiyak makakabawi ang mga ito.

Ang malaking púno ng bogambilya na pula ang bulaklak na nakalagay sa malaking lagayan ng gasolina ay wala nang mga sanga. Halos natabunan din ito ng simento. Nang diligan ko kanina, napapansin kong natatanggal ang ilang tipak ng simento. Kayâ kumuha ako ng malaking kutsilyo sa kusina. Sinaksak ko ang mga simento at natatanggal ang mga ito. May isang mahabang sanga pa palang nakakabit sa púno. Pero patay na ito. Nang pinutol ko, natuwa akong makita na berde pa ang loob nito. Buháy pa itong bogambilya! May ilang araw lang ay mananaringsing na ito. Aabangan ko ang paglabas ng maliliit na dahon.

May sentimental value ang puno na ito ng bogambilya. Bigay kasi ito ni Tita Charit, mga matandang kaibigan ng yumaong Nanay at Tatay namin, bago niya ibenta ang bahay nila na katabi rin namin. Kay Tita Neneng pa niya binigay ito. At award-winning ang pamumulaklak nito noon kapag tag-araw.

Hindi na namin kilala ang nakatira sa dating bahay nina Tita Charit ngayon. Sa huling balita namin, sa Pangasinan na nakatira si Tita Charit. Kamusta kayâ siya ngayong may pandemic?

Kanina, habang nakatunganga ako sa kalunos-lunos na kalagayan ng hardin namin, naiisip ko sina Tatang at Tita Charit. Ipinanalangin ko na ilayo sana sila sa COVID-19 dahil matatanda na sila.

Nalulungkot ako at napupuno rin ang puso ng pag-asa. Matatapos din ang bangungot na ito ng pandemic. Maaayos muli namin ang hardin na ito at mamumulaklak muli ang mga bogambilya. After all tag-init na at hiyang na hiyang ang mga bogambilya sa init ng sikat ng araw.

Habang pinagmamasdan ko ang mataas na gusali sa kaliwa at ang dating bahay nina Tita Charit sa kanan, bagamat hindi masakit ngunit tila napakalalim ng lungkot at pangungulilang sumusundot sa aking pagkatao. Kahit walang banta ng COVID-19, talagang hindi napipigil ang pagbabago ng mga bagay-bagay sa ating búhay. At wala tayong magagawa na pigilan ito kundi ang isalba na lamang ang maliliit na bagay na káya nating isalba tulad ng mga naghihingalong púno ng bogambilya.

[Abril 6, 2020 Lunes
10:49 nu Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s