Tanggap ko na ito. Imbes na ma-depress nag-isip na lamang ako ng maaaring gawin. Yung productive. Tulad ng pag-aayos ng hardin sa likod. Tulad ng pagsulat ng isang libro tungkol sa karanasan at mga obserbasyon ko ngayong ECQ.
Kagabi, muling nagsalita ang presidente sa national TV. As useless, rambling galore na naman. Pangalawang ECQ address na niya ito na di ko pinanood nang live. Masyado nang gabi kasi palagi at hindi rin naman nakatutulong na magpakalma ng aking pakiramdam ang mga sasabihin niya. Inaabangan ko na lang kinaumagahan ang sinabi niya sa radyo. At least edited na.
Nakakaloka pa rin ang speech niya. Noong isang Lunes, sabi niya huwag mag-alala dahil may pera daw siya. As in pera talaga niya ang sabi niya. Dahil kasi sa Bayanihan Heal As One Law (gusto ko ang pinaikli nitong pangalan na BAHO Law), may magagamit ang pamahalaan sa pagharap sa pandemic na ito na 275 bilyong piso. Ito ang tinutukoy niya na pera niya.
Ang nakakaloka lalo, sabi niya kagabi kulang daw ito at baka wala nang pera ang pamahalaan next month at hindi na niya alam kung saan kukuha. Inatasan niya ang Budget Secretary na mag-produce ng pera at kahit na “magnakaw” pa ito. Siyempre sabi agad ng mga Dutertard ay joke lang ito at huwag isiping literal. Okey lang sana ang mga pa-cute na statement na ganito kung hindi ka presidente at wala sa gitna ng malaking krisis ang bansa.
Wala pang klarong breakdown ang pamahalaan tungkol doon sa 275 bilyon. Yung social amelioration fund, nagkakagulo na ang distribution ngayon. Bibigyan ng tig-5,000 hanggang 8,000 libong piso ang bawat pamilya ng mahihirap na Filipino. Magandang probisyon ito ng BAHO Law pero mukhang may problema sa koordinasyon ng mga DSWD, Local Government Unit, at barangay. Marami na ang nagrereklamo na di sila nakatanggap. Inuuna raw ang mga poorest of the poor. Ngayon, nagrereklamo naman ang mga “middle class” kung bakit di sila kasama. Mukhang magiging malaking problema ito ng pamahalaab kung di ma-addres agad.
Bakit wala nang pera? At bakit niya sasabihing di na niya alam kung saan kukuha ng pera? Kinaumagahan, ang explanation naman ni Secretary Karlo Nograles ay hindi naman raw sinabi ng pangulo na walang pera at hindi niya alam kung saan kukuha ng pera, inutusan lang nito ang Budget Department na maghanap. Masakit sa bangs! At naaawa ako kay Nograles na walang magawa kundi mag-damage control dahil sa basáng bunganga ng tila bangag na presidente.
In fairness kay Nograles, sa mga presscon ng IATF, maraming bagay siya naka-clarify hinggil sa ginagawa ng pamahalaan. At least klaro siya magsalita at makabuluhan ang mga sinasabi. Hindi rin siya masyadong sanay pa magsinungaling kung kayâ kapag pinagtatakpan niya ang presidente ay halata sa kaniya mukha, boses, at pananalita. Kayâ nakikinig talaga ako sa mga presscon niya.
Ang linaw nga ng kaniyang pagpaliwanag kanina kung bakit kailangan ng 15 days extension ng ECQ. Ayon daw kasi sa mga eksperto sa pandemic na kinukunsulta nila, tiyak bibilis ang paghawaan ng COVID-19 kung i-lift kaagad ang ECQ.
Pero parang nasasayangan ako rito kay Nograles. Mukha naman kasi siyang disente, matalino, at pogi pero nadikit sa bastos, mukhang walang pinag-aralan, at incompetent na presidente. Isang araw lang siyang di makaligo magiging na trapo na rin siya. Sayang dahil ang bata pa sana niya.
Ang isa pang klaro magsalita at makabuluhan palagi ang sinasabi ay si DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire. Nakakapagpakalma ang mga presscon niya kada hapon. Siguro dahil doktor talaga siya at hindi politiko. Disente at credible ang kaniyang dating. Comforting isipin na marami nang mga ospital ang itinalagang COVID-19 referral hospital at mayroon na ring mga sampung laboratoryo sa bansa na kaya nang mag-testing kung positive o negative ang isang tao sa virus. Mukhang ilang araw na lang ay kakayanin na ang mass testing, ang i-test lahat ang mga PUM, PUI, at ang mga may sintoma.
Kapag si Dr. Vergeire ang nagsasalita, parang may direction ang DOH. Alam niya ang kaniyang sinasabi. No nonsense woman. Lumalakas ang loob ko na kakayanin ng bansa ang pandemic na ito.
Sana pagkatapos ng bangungot na ito ay mas marunong nang pumili ng mga lider ang mga tao. Sana mas bibigyang pansin na ang mga isyung pangkalusugan sa ating lipunan. Ngayon alam na ng lahat ang mga kakulangan at kahinaan ng health services ng bansa. Kapag mahusay ang namumuno ng pamahalaan, malaki ang posibilidad na masasaayos ito. Lalo na’t napatunayan nating lahat ngayon na kayang-kayang magtulungan ang publiko at pribadong grupo upang talunin natin itong COVID-19.
[Abril 7, 2020 Martes / 9:20 ng Rosario, Pasig]