Marami ang ganito sa bansa natin. Hindi ko sila sinisisi sa pagiging social climber nila per se dahil karapatan nilang mangarap at magsikap. Wala namang masama sa paghangad ng the good life. Sino ba ang may ayaw sa masarap at maalwan na buhay? Basta hindi lang sana sila matapobre. Basta sana wala silang ibang taong natatapakan habang nagso-social climbing sila.
Ang mga mainstream writer sa Filipinas, lalo na ang mga nagsusulat sa Ingles at Filipino na ang karamihan ay nakabase sa Metro Manila at iba pang malalaking lungsod sa bansa tulad ng Baguio, Cebu, Davao, at Iloilo, ay kadalasang nasa akademya o nakapag-aral ng creative writing/malikhaing pagsulat, o di kaya’y nakapag-creative writing workshop hopping. Mga workshop na pinatatakbo rin ng akademya.
Mahirap naman kasing mabúhay na full-time creative writer sa bansa. Kayâ ang mga manunulat natin tulad ko ay nagtuturo upang magkaroon ng siguradong buwanang suweldo.
Maraming manunulat ang lumaking mahirap. Subalit dahil matalino, talentado, at masipag ay nakakuha ng scholarship o nakapasa sa entrance exam ng mga state university tulad ng UP at nakapagtapos ng kolehiyo. Marami pa nga ang nakakakuha ng scholarship na mag-PhD abroad kaya bonggang-bongga sila pagbalik sa Filipinas. Pinag-aagawan sila ng mga unibersidad na adik sa internationalization, at sila ang mga nagiging chair o dean dahil nga makakanluranin ang sistema ng ating edukasyon. Naging literal kasi ang pagkakaintindi ng “internationalization,’ kailangan mong mag-PhD o magbasa ng mga papel abroad, lalo na sa US o UK para mas bongga. Parang hindi nila naiisip na puwede namang maging “international” na dito ka lang sa Filipinas. Ang ganitong pananaw ay isang malakihang pagso-social climbing. Ang talento o henyo naman kasi ay hindi parang Ms. Universe o Ms. World na kailangang mong mag-compete abroad.
Samakatwid, para sa ating mga manunulat sa bansa na tulad ko na hindi naman nanggaling sa mayamang angkan, walang politikong tatay o lolo na nagnakaw nang bongga para marami akong mamanahin, o di kaya’y mga tusong negosyanteng magulang, edukasyon ang magagamit kong hagdan para makasampa sa nanlilimahid na sahig ng gitnang uri o peti-burgesya. Kayâ punong-puno ng pasasalamat ang puso ko sa De La Salle University kung saan libre akong nakapag-aral ng MFA in Creative Writing at PhD in Literature. Dito rin ako nagtuturo ngayon na in fairness ay di hamak na mas malaki ang suweldo kumpara sa maraming kolehiyo at unibersidad.
Posible naman talagang makapag-aral kahit na mahirap tayo sa mga pangunahing unibersidad ng bansa tulad ng La Salle, UP, Ateneo, at UST. May mga scholarship naman. Pero siyempre kailangan pa rin nating gumastos (pagkain, pangpa-xerox, pang-Internet, pang-project, at pambayad sa boarding house o pamasahe sa araw-araw) kung mag-aral tayo. Kailangan rin natin ng malusog na pangangatawan para tuloy-tuloy ang pag-aaral. Kailangan ding suwerte tayo (yung di tayo mamalasin) na sana walang magkasakit sa ating pamilya para di maistorbo ang pag-aaral. Kahit kasi matalino tayo, hindi pa rin tayo makapag-isip nang mabuti kung tayo’y gutom o problemado.
Kayâ hindi makatarungan na sisihin natin ang mga mahirap nating kababayan na hindi sila nagsipag sa pag-aaral kung kayâ wala silang maayos na trabaho at di nakakabayad ng buwis tulad natin. Pribilehiyo pa rin kasi at hindi karapatan ang edukasyon sa ating bansa. Masakit mang aminin, negosyo o makanegosyo pa rin talaga ang pagpapatakbo ng ating mga paaralan, kolehiyo, at unibersidad. Hindi mo naman masisisi ang mga administrador ng mga institusyong edukasyonal dahil kung hindi sila negosyante mag-isip, hindi naman makaka-survive ang unibersidad sa isang neo-liberal na sistema.
Ang edukasyong nakukuha ng mga mahirap at feeling middle class na Filipino ay parehong bendisyon at lason.
Bendisyon ito dahil kapag nagka-diploma tayo at masuwerteng (marami din kasi ang minamalas) makahanap ng stable job, hindi na tayo maghihirap kahit paano. Kayang-kaya na nating magrenta ng bahay, o bumili nang hulugan ng low cost housing o maliit na condominium unit. Makakapag-order na rin tayo online ng mga kung ano-anong luho sa Lazada, makapamili sa mga weekend market ng mga totoong sosyal, at makakapag-travel na rin tayo abroad dahil marami namang sale ang mga airline at makakahanap ng murang tirahan sa Air BnB.
Lason din ito kasi minsan nakakalimutan natin na mahirap pa rin tayo kayâ nag-aasta tayong mayaman at nagpi-feeling maganda at akala natin mas angat tayo sa iba pang mga dukha nating kababayan. Mga kaibigan, kung bumibili tayo ng hulugan na condo unit, hindi tayo mayaman. Alipin lang tayo ng kapitalistang sistema. Magdasal tayo na hindi tayo madisgrasya o magkasakit dahil mareremate yang hinuhulugan natin. Ang totoong mayaman kasi, pinaghirapan man nila o ninakaw ang yaman nila, kahit mabúlag o magkasakit sila, may pera sila. Kahit di sila magtrabaho, may pera sila. Kung matatamaan tayo ng COVID-19 at maospital (huwag naman sana!) kukulangin ang health card natin at magkautang-utang tayo. Hindi lang tayo makapagtrabaho dahil na-paralyze tayo, balik tayo sa pagiging dukha. Kayâ huwag magmataas. Ika nga nila, huwag masyadong mataas ang lipad dahil mas malakas ang paglagapak!
Gustong-gusto ko ang tawag dito ni Rolando Tolentino na “gitnang uring fantasya.” Para sa mga tulad kong manunulat na nakapag-aral at nagtatrabaho sa isang bonggang unibersidad, hanggang gitnang uring fantasya lang ang kaya ko. Halimbawa, aware ako na kapag nagbi-breakfast ako sa Café Ilang-Ilang ng Manila Hotel ay gitnang uring fantasya lang iyon. Hindi iyon ang new normal ko. Nakikitikim lang ako sa tinatamasa ng mga tunay na mayaman ng bansa. Paminsan-minsan bumibili ako ng polo shirt sa Marks & Spencer at hindi ko iniisip na mas maganda na ako sa ibang mahihirap. Alam ko pa ring pinagbibigyan ko lang ang gitnang uring fantasya ko dahil sakaling mawalan ako ng trabaho, balik-ukay-ukay ako. Kapag mag-travel ako abroad, kailangan kong magtipid kasi alam kong limitado lamang ang laman ng aking bulsa at bank book.
Nakakatawa na nakakairita ang mga kapuwa manunulat na matapobre pero hindi naman mayaman. Masama naman talaga maging matapobre kahit na totoong mayaman ka, pero mas nakakatawa at nakakairita ito kapag mahirap ka naman talaga at nakasampa lang sa balsa ng pagiging gitnang uri. Sabi nga ng isang kaibigan ko sa FB, kung naiinggit ka sa 5 hanggang 8 libong amelioration fund para sa mga mas naghihikahos nating kababayan dahil sa ECQ ngayong may pandemic, hindi ka talaga mayaman kayâ huwag kang matapobre. Ang totoong mayaman ay dedma sa PhP8,000.
Huwag isipin na tayong mga nagkakayod-kalabaw sa akademya lamang ang nagbabayad ng buwis. Lahat naman nagbabayad ng buwis—mayaman o mahirap—dahil lahat ay bumibili ng kung ano-ano. Bibili lang tayo ng kendi o yosi, nagbabayad na tayo ng tax. Huwag masyadong literal na income tax = tax therefore pag wala kang income di ka nagbabayad ng tax. Bása-bása naman tayo kapag may time. Halatang kulang na kulang pa ang pinag-aralan natin. O mali ang napag-aralan natin. O talagang bobo lang tayo. Sabi nga ng guro kong si Leoncio P. Deriada, magkaiba ang “schooled” sa “educated.” Maaaring nakapag-aral tayo, may diploma, pero hindi pa rin tayo edukado.
Dahil gáling din naman tayo sa uring mahirap, dapat alam natin na may dignidad at may hiya ang mahihirap. In fact, yung mga mayaman, gahaman na negosyante, at mga kurap na politiko ang mga tunay na walang dignidad at walanghiya. Kayâ careful din tayo sa pag-idolize sa mga katulad ni Marcos (yung diktador at ang bitter na ambisyosong anak) at ni Duterte, at maging ni PNoy. Kasi baka tinatraidor na rin natin ang ating uri at ang ating sarili.
Halimbawa ng isang mahirap na may dignidad ay ang labandera naming si Melba.
Mahirap sila. Nakatira sila sa isang maliit na unit sa isang tenement dito sa laylayan ng Lungsod Pasig. Kayod nang kayod silang mag-anak. Naglalaba o namamalantsa si Melba araw-araw. Kayâ hindi naman sila nagugutom. Nakapag-aral pa nga ang isa sa kanila at guro na ngayon sa DepEd. Nang magka-ECQ, ang pagkaintindi namin ni Sunshine ay hindi na siya makakapaglaba muna. Isa pa, nabalitaan namin na may nag-positive sa COVID-19 sa tenement nina Melba. Si Sunshine na ang nag-volunteer na siya muna ang maglalaba. Babayaran pa rin namin ng PhP350 si Melba kada Linggo kahit di siya maglaba.
Sa unang Linggo ng ECQ nandiyan na si Melba sa gate. Sumisigaw na buksan na namin ang kandado. Kapag si Melba ang magsalita, naririnig ito ng buong Cluster 10! Sinabihan namin siya ni Sunshine na huwag na munang maglaba dahil may ECQ. “Sir, wala akong sakit! Yung nag-positive sa amin kinuha na sila ng ambulansiya. Buong pamilya. Tini-tsek kung may lagnat kami. Wala akong lagnat,” sabi niyang nakahawak sa grills ng gate.
“Ate, may ECQ nga. Ang kulit mo. Heto ang bayad mo today. Babayaran ka pa rin namin kahit na di ka maglaba. Magpahinga ka muna. Mag-relax,” sabi ni Sunshine sabay abot sa kaniya ng pera. Tinanggap naman ni Melba ito.
“Bakit hindi ninyo ako palalabahin? Wala naman akong sakit! Hindi naman kayo mahahawa,” protesta pa rin ni Melba. Sa lakas ng boses niya, baka akalain ng mga nakikinig na sinisisante na namin siya at pinapalayas for good.
“Ate, ang kulit mo! Paano kung kami ni Kuya ang may sakit? E di ikaw ang mahahawa. Umuwi ka na!” sabi ni Sunshine.
Walang nagawa si Melba at umuwi na. Naglaba naman si Sunshine. Sa sumunod pang dalawang Linggo, hindi pa rin namin siya pinapapasok. Kada Sabado, pinapadala namin sa anak niyang nagtatrabaho sa konstruksiyon sa tabi ng bahay namin ang kaniyang suweldo. Noong nakaraang Sabado, nakatanggap si Sunshine ng PM mula sa anak na guro ni Melba. Ipinasasabi ni Melba na huwag na namin siyang padalhan ng suweldo dahil nahihiya siya. Hindi naman daw siya nakakapaglaba. Touched kami ni Sunshine. Sabi ko kay Sunshine, pakisabi na okey lang sa akin na magbigay sa suweldo niya kada Linggo dahil buo naman ang suweldo ko ngayon sa La Salle. Afford ko naman. Saka naisip ko rin, e di ito na ang paraan na makapag-share kami ni Sunshine kahit papaano ng aming blessings. Mapalad pa rin kami ni Sunshine na hindi namin problema ang pera ngayon kahit na marami siyang shooting na na-cancel. No work, no pay rin siya.
Si Melba ang isa sa mga patunay na hindi tamad, palaasa, at walang hiya ang mga mahirap nating kababayan kagaya ng gustong palabasin ng isang matapobreng social climber na writer. Malaking tulong sa amin si Melba. Siya ang tipo ng labanderang mapag-iiwanan mo ng susi ng bahay at hindi ka mananakawan. Kapag may shooting si Sunshine nang ilang araw, kay Melba rin iniiwan ang aso niyang si Biscuit.
Gusto kong magtapos sa quote na ito mula sa introduksiyon ng librong Mula Tore Patungong Palengke: Neoliberal Education in the Philippines na inedit nina Bienvenido Lumbera, Ramon Guillermo, at Arnold Alamon (IBON, 2007). Narito ang mas klarong pagpapaliwanag kung ano ang neo-liberal na edukasyon: “Ang kasayayan ng edukasyon sa bansa ay kasaysayan ng pamamayagpag ng elitistang interes na pangunahin nitong pinaglilingkuran. Kakatwa ang epektong dulot ng edukasyon: ang nakararaming naghihirap at nakukumbinsing magkaroon ng identifikasyon hindi sa kanilang uri, kundi sa tila, abot-tanaw, abot-kamay na gitnang uri. May pagtatwa sa politisasyon ng uring pinanggalingan para paboran ang gitnang uring pinagpapantasyahan. Naluklok ang edukasyon bilang alternatibong kalakaran ng panlipunang mobilidad. Hindi na lamang istorikal na pag-aari ng lupa at kapital ang nagbibibgay ng oportunidad para umangat sa uring kinalalagyan, kundi ang papel na diploma ay tila bertud na pinaniniwalaang makakapagpabuti hindi lamang sa lagay ng indibidwal kundi maging ng kanyang pamilya at mahal sa buhay (xiv).”
Sa mga katulad kong social climber na manunulat, huwag tayong mahiyang tanggapin at aminin na hanggang gitnang uring fantasya lamang tayo. Hindi naman kasi masama ang mangarap at tumikim ng masarap na buhay. Basta huwag lang tayong maging matapobre dahil hindi bagay sa atin. Huwag tayong pretensiyosa. Muli uulitin ko, huwag din tayong mantapak ng iba para lang makaakyat tayo sa hagdanan ng ating mga ilusyon dahil hinding-hindi tayo gaganda sa ganitong paraan.
[Abril 9, 2020 Huwebes Santo
8:25 nu Rosario, Pasig]
Napakahusay, sir! 👏👏👏
Salamat po sa makabuluhang impormasyon.
LikeLiked by 1 person
Ang ganda po ng ibinahagi ninyong ugali ni Ate Melba para mapatunyang hindi tamad o abusado ng mga kagaya niya, para salungatin ang inaasal ng mga matapobreng nasa gitnang-uri.
Gusto ko pong matuto mula sa mga isinusulat ninyo. Umaasa po ako na sa susunod na mabasa ko ng kuwento ninyo, maipakita rin natin ang isa pang mukha ng mga “Ate Melba” sa mundong at baka mapagtuonan din ng pansin ang kalagayan nila, na ang pinipiling solusyong sa kahirapan ay ang paggawa ng labag sa batas na nag-iiwam ng maitim na bakas sa ating lipunan. Salamat po sa magandang babasahing ibinahagi ninyo sa amin.
LikeLiked by 1 person
Thank you for writing this.
The poor-shaming currently going on is disturbing and distressing. There was a time when poor-shaming by the indifferent and apathetic upper class would be considered declassè. They exploit and oppress but they disguise it with charity acts for the poor. Famous personalities caught posting
#povertyisachoice would have Been shamed.
Those from the Middle Class who feel contempt for the poor (or the poor who they think are abusing the system) would not dare lash out like this in public because they would not want to be labeled as ‘matapobre’….
I am not here to scold people for their feelings of resentment. I’m just commenting on how it’s become normal now to directly mock and vilify the poor.
LikeLiked by 1 person