
Isa ito sa mga magandang plano ng gobyerno na narinig ko ngayong may COVID-19 pandemic. Sana gawin talaga nila ito. Kailangang tulungan ang mga magsasaka na makapagtanim sila nang maayos, magkaroon ng magandang ani, at magiging sapat ang pagkain ng lahat. Huli man daw at magaling, maihahabol din. Sa matagal na panahon pinabayaan ng mga namumunong politiko ang sektor ng magsasaka. Mas kumikita kasi yata sila kapag nag-aangkat tayo ng bigas at pagkain sa labas. Oportunidad para makapamorsiyento itong mga buwaya sa pamahalaan. Of course, with much apologies sa mga tunay na buwaya.
Kailangang maging sufficient sa pagkain ang Filipinas. Malawak at fertile ang mga lupain natin. Káya nating magtanim ng ating kakainin. Tulad na lamang ng bigas. Tuloy marami ang nangamba sa balita noong nakaraang linggo na ayaw munang magbenta ng bigas sa atin ang Vietnam dahil kailangan din nila ng bigas ngayong may pandemic.
Naniniwala rin ako na hindi lamang mga magsasaka ang dapat magtanim. Lahat ng may lupa o bakuran, malawak man o isang dipa lang, o kahit sa mga pasô lang, kailangang magtanim. Mga bulaklak, mga gulay, mga namumungang punongkahoy.
Naiinggit ako sa mga kaibigan sa FB na nagpo-post ng mga bulaklak, gulay, at prutas na naaani nila sa kanilang bakuran ngayong may ECQ. Hindi sila mamamatay sa gutom sakaling walang nang tinda sa palengke, sarado na ang mga grocery store (at kung bukás naman ay pang-box office hit ang pila na may physical distancing pa), at delayed o waiting for godot ang relief goods mula sa barangay, lungsod, at DSWD.
Kayâ kahapon, Biyernes Santo, umagang-umaga matapos akong makapag-breakfast ay naghawan ako sa munting lote namin sa likod dahil naisip kong magtanim ng kamote at alugbati. Marami pang tuyong sanga at kahoy na dapat itapos at medyo matataas ang damo. Malaking pisika na trabaho para sa isang Sirenang manunulat na guro na nasanay na sa airconditioned na klasrum at opisina. Iniisip kasi namin ni Sunshine, kukuha kami ng taong maglilinis nito pagkatapos ng ECQ. Pero dahil extended na nga hanggang katapusan ng buwan, naisip ko sayang din naman ang tatlong linggo na paghihintay bago ako makapagtanim.
Isang dipang lupa lang naman ang goal ko na mahawan at mabungkal para sa kamote. Masarap kasing i-salad ang mga talbos nito. Ang alugbati naman, naisip kong itanim sa malaking pasô at lagyan ng kahoy na makakapitan at magagapangan nito hanggang pader.
Wala pang isang oras na paghahawan, pawisan galore na ako. Napangiti ako. Nanlilimahid man, para naman akong nakapag-gym. Matutuwa ang endocrinologist ko.

Maliit lang ang bakanteng lote namin. Siguro nga 30 to 50 sqare meters lang. Kaya nga napilitan kaming putulin ang punong abokado at santol namin dahil nagrereklamo ang nga kapitbahay. Yung santol kasi namin kapag mamunga, wagas. As in nahuhulog lang ang mga bunga nito sa dami. Kung gabi ito mahulog, aakalain mo may nambabato sa bahay namin. Ang problema, nahuhulugan din ang mga bubong ng mga kapitbahay namin kayâ di sila masaya. Yung abokado naman, nakakaani kami kung minsan ng dalawang sako. Tuwang-tuwa si Tita Charit noon dahil paborito niyang prutas ito. Kung minsan nakakalimutan naming magpaani kung kayâ siya na ang naghahanap at nagbabayad ng aakyat nito.
Si Tatay ang nagtanim ng mga punong iyon. Mahilig kasi magtanim si Tatay. Nasa highschool ako sa Antique nang bilhin ng aking mga magulang ang bahay naming ito dito sa Pasig. Low cost housing ito na parang townhomes ang itsura. Dalawang floor ito. Maliit na sala, kumedor, at kusina sa ilalim at dalawang kuwarto sa itaas. Ang maganda sa yunit namin, may kasamang bakanteng lote sa likod na more than enough para pa sa isang maliit na bahay. Naalala ko pa, nang una akong lumuwas ng Manila noon upang tingnan ang bahay namin sa unang pagkakataon, may mga punong aratiles sa likod. Halos mga aratiles lang ang mga puno noon dito sa Flexi Homes.
Naging hardin ang bakanteng lote sa likod. Nang panahong iyon itinanim ni Tatay ang abokado at santol. Saka palaging may tanim na malunggay, kamote, at alugbati. May mga halaman at bulaklak din. Kapitan ng barko si Tatay at palagi siyang wala. Pero kung dumating siya, walang tigil siya sa pagtatahin nandito man siy sa Pasig at lalo na sa bahay at bukid namin sa Antique dahil di hamak na mas malawak ang pagtataniman niya roon.
Nang magretiro na si Tatay at madalang na siyang pumunta dito sa Pasig, si Tita Neneng namang ang nakasama naming magkapatid dito. Si Tita tanim din nang tanim. Maganda ang hardin namin dito noong buháy pa si Tita.
Promise ko sa sarili ko, aasikasuhin ko itong hardin namin. Lalo na ngayong may ECQ at wala naman akong ibang mapupuntahan. Magtatanim ako ng mga halaman at gulay. Buti na lang ang matandang puno ng malunggay namin dito ay generous pa rin sa pagbibigay sa amin ng masustansiyang dahon. Inilalagay namin sa miswa at sa ginataang sitaw at kalabasa.
May lumang kahoy na upuan dito sa likod namin. Dito ako nakaupo ngayon at iniimadyin na punô ng malulusog na gulay itong aming hardin. Naiisip kong magpagawa ng bakal na estante na maging vertical garden ng pechay at herbs. Gusto ko ring magtanim ng siete flores. Yung iba-ibang kulay! Naglo-look forward din ako sa pag-recover ng mga bogambilya namin.
Naiisip ko rin ang bahay namin sa Antique na walang tao ngayon. Doon mas malawak ang space na mapagtaniman. Ang maliit na lote ni Tita sa tabingkalsada, maaari ding gawing vegetables and herbs garden. Buti ang maliit na bukid namin, tinataniman ngayon ng isang pinsan namin ng palay.
Naiisip ko, mas maganda yatang ma-lockdown sa bahay namin sa Maybato. Parang gusto ko na tuloy umuwi for good at doon na manirahan. Pupunuin ko ng mga halaman ang bakuran. Gusto kong kumain ng lettuce at kamatis na sarili kong tanim. Magpapataba rin ako ng mga tilapya sa maliit na fishpond.
Pero imposible pa ito sa ngayon. Hindi pa praktikal. Subalit maaari ko nang planuhin at paghandaan simula ngayon habang inaayos ko itong pocket garden namin dito sa Pasig.
[Abril 11, 2020 Sabado de Gloria / 11:19 nu Rosario, Pasig]
Magandang hakbang po ang pagtatanim! Mahilig naman po kaming magtanim ng puno sa sapling bags at kapag malaki-laki na, iniuuwi na namin ang mga ito probinsiya. 🙂
LikeLiked by 1 person