Si Tita Neneng

DSCN5901

Nag-iisa siyang kapatid ni Tatay. Pareho silang mahilig maghardin. Kung buháy pa si Tita, ipinagdiriwang sana niya ngayon ang kaniyang ika-70 na kaarawan.

Siyempre dahil notorious akong nakakalimot ng mga birth date iniisip ko na sa April 16 pa ang birthday ni Tita. Alam ko naman kasing Abril ang birthday niya. Ang kapatid kong si Gary ang nag-post kanina sa group chat naming magkakapatid na birthday ni Tita ngayon.

Kayâ pala, nagpakita si Tita sa akin kahapon. Matapos kasi akong magsulat sa blog ko kahapon ng umaga tungkol sa hardin namin dyan sa likod at nabanggit ko siya na mahilig siyang magtanim, nang pumasok ako ng bahay ay nakita ko ang likod niya sa harap ng ref namin. Naglalakad siya patungong kusina. Klaro kong nakita ang kaniyang bulaklaking daster. Noong una inakala kong si Sunshine. Naramdaman ko kasing may tao sa sala. Pero nang datnan ko ang kusina, walang tao. Nasa kuwarto niya sa taas si Sunshine. Naisip ko, si Tita nga iyon. Siguro nagparamdam dahil nabanggit ko siya sa sinusulat ko.

Tumandang dalaga si Tita dahil ibinuhos niya ang lahat ng lakas at oras niya sa aming magkakapatid. Spoiled kami sa kaniya. Alagang-alaga. Pero busog din kami sa mga pangangaral sa kaniya. At kung masyado kaming makulit, kinukurot niya kami nang pinong-pino sa hita.

Kung buháy si Tita ngayon, siguradong alagang-alaga ang mga halaman namin dito sa Pasig. Ngayon kasing may Tore ako sa Taft Avenue, kung weekend o bakasyon lamang ako nandito sa Pasig. Si Sunshine naman kasi, laging nakakalimutang diligan ang mga halaman.

Dito namatay si Tita sa Pasig noong Nobyembre 25, 2015 dahil sa kanser sa atay. Ang bilis ng pag-deteriorate niya. Malakas kasi si Tita. Siya ang tipo na parang di napapagod sa pag-aasikaso sa amin. Sa totoo lang ayaw niya dito sa Pasig dahil naliliitan siya ng espasyo. Kaso dahil hindi na sila magkasundo ng Tatay ko at ng bagong asawa nito, nag-alsa-balutan siya at dito na tumira sa amin sa Pasig.

Saka mukhang masyado ring nalungkot si Tita nang sumama na si Juliet kay Mimi sa Sweden noong Enero 2015 nang mag-aanim na taong gulang ito. Mga tatlong taon din kasing iniwan sa amin ni Mimi si Juliet. Si Juliet na matatas at parang matanda magsalita sa Kinaray-a dahil hindi siya bini-baby talk ni Tita.

Minsan habang naghuhugas ako ng pinggan nilapitan ako ni Juliet at tinanong sa Kinaray-a ng, “John, bakit ka naghuhugas ng pinggan?” John lang talaga ang tawag niya sa akin. Ang dalawang pamangkin ko tinuruan kong John lang ang itawag nila sa akin.

“Para malinis na itong lababo,” sagot ko. Katatapos lang naming maghapunan at nanonood sina Juliet at Tita sa sala ng isang sinusundan nilang teleserye.

“Sabi ni Mama hindi ka raw dapat pinapahugas ng pinggan dahil propesor ka,” sabi ni Juliet. Mama ang tawag niya kay Tita kasi ayaw magpatawag ni Tita ng lola.

“Bakit? Pag propesor ba pinuputulan ka ng kamay kayâ hindi na makapaghugas ng pinggan? May mga kamay pa rin naman ako kayâ puwede naman akong maghugas ng pinggan,” sabi ko.

Tumaas lang nang kaunti ang kilay ni Juliet at iniwan na niya ako. Binalikan niya si Tita sa sala. Dinig na dinig kong sinabi niya kay Tita na, “Ma, sabi ni John puwede naman daw maghugas ng pinggan ang mga propesor kasi may mga kamay naman sila. Sabi ko sa ‘yo hayaan mo na siyang maghugas ng pinggan e.”

Natawa ako. Si Tita talaga. Hanggat maaari kasi gusto niyang solohin ang lahat ng trabaho sa loob ng bahay. Tuloy lumaking tamad sina Sunshine at Mimi sa mga gawaing bahay. Kahit may mga maid kami noon sa bahay sa Antique, si Tita pa rin ang “nagsasara” ng kusina dahil walang nakakapasa sa standard niya ng paghuhugas ng mga pinggan at kubyertos, at paglinis ng kusina. Gusto niya malinis at maayos ang kusina bago matulog.

Over protective din si Tita sa amin. Noong nasa Iloilo kami kung saan ako nagturo sa University of San Agustin habang nag-aaral naman ng college sina Mimi at Sunshine doon, sinamahan talaga niya kami sa apartment namin. Nang magtrabaho si Mimi sa Jollibee at nadestino sa SM City Iloilo na medyo malayo sa aming tinitirhan, sinusundo niya si Mimi doon kapag gabi dahil mga alas-onse na lumalabas si Mimi sa kaniyang duty. Rain or shine, dala ni Tita ang malaki at matibay na payong. Pangtusok daw niya kung may magtangkang mangholdap sa kanila!

Kailanman hindi nakapagtrabaho si Tita dahil pinagsilbihan niya kaming mga pamangkin niya. Noong maliit ako may sari-sari store sila ni Lola Flora sa bahay nila. Si Lola Flora, o si Lola Kanit (Kasi payat siya. Ang “kanit” ay salitang Kinaray-a para sa “payatot”), ang matandang dalagang kapatid ni Lola Tiyang, ang nanay nina Tita at Tatay. Minsan din nagkaroon kami ng maliit na grocery store sa downtown ng San Jose de Buenavista na si Tita ang nagma-manage. Kaso itinigil ito nang masunog ang palengke sa downtown.

Binibigyan lang si Tita ng allowance nina Nanay at Tatay. Dahil palaging nasa Manila si Nanay (dito sa bahay namin sa Pasig) lalo na kung sinasamahan niya si Tatay sa paghihintay ng muling pagsampa nito sa barko, si Tita naman talaga by default ang treasurer at taga-budget sa amin sa bahay sa Antique. Kahit nandiyan pa rin naman si Nanay si Antique, si Tita pa rin ang nagtatago ng bank book niya at si Tita ang ino-authorize niyang mag-withdraw sa bangko. Si Tita rin kasi ang namamalengke.

Kung tutuusin, walang sariling perang si Tita. Pero nang mamatay siya, na-realize naming magkakapatid na hindi siya mahirap. Marami siyang naipamana sa amin! May sarili kasi siyang mga lupa na minana niya kay Lola Kanit. Maliliit lang naman na property pero malaki pa rin ang magiging pakinabang sa aming magkakapatid. Ang munting sakahan namin at tinatayuan ng bahay namin na minana nila sa kanilang mga magulang, ang kalahati nito ay si Tita pa ang may-ari dahil dalawa lang silang magkapatid ni Tatay. Ang ending, mas marami kaming minana kay Tita kaysa kay Tatay!

Nang mag-umpisa ang ECQ dahil sa COVID-19 pandemic sinabi ni Sunshine habang inaayos namin ang mga delatang na-panic buying naming na mabuti na ring wala na si Tita kasi kung buháy pa si Tita ngayon, tiyak mas taranta kami dahil mas madaling mahawa at mas delikado ang COVID-19 sa mga may edad na. Hindi ko alam kung mabuti ito o hindi. Nalungkot ako bigla at nahidlaw ako kay Tita.

Pero kahapon nga nagpakita si Tita sa akin. Kahit likod lang niya. Masaya ako dahil ibig sabihin binabantayan talaga niya kami hanggang ngayon. Kapag nasa Taft kasi ako hindi ko maiwasang mag-alala na si Sunshine lang ang mag-isa dito sa bahay. Kayâ siguro nagpakita si Tita para ipaalam sa akin na hindi ko kailangang mag-alala masyado. Nandito lang siya, hindi kami tuluyang iniwan, at patuloy niyang pinoprotektahan.

 

[Abril 12, 2020 Linggo ng Pagkabúhay
8:25 ng Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s