Kalusugan at Kalinga para sa Lahat

Kapag buksan mo ang opisyal na Facebook account ng Department of Health (DOH), nakalagay sa profile cover nila ang tekstong “Universal Health Care: Kalusugan at Kalinga para sa Lahat.” Sana all. Sana totoo. Pero sa ngayon pangarap pa lamang ito. Sa kabila ng batas natin sa universal health care, alam naman natin na hindi naman talaga panlahat ang ibig sabihin nila ng universal. Pang may pera lang ang health care sa Filipinas. Kung wala kang pera, tiisin mo na lamang ang sakit mo at hintayin kung kailan tuluyang bibigay ang katawan mo at matigok.

Ang kalunos-unos na kalagayan ng health care system ng bansa natin ngayon ay mistulang biglang nahubdan at nakita ng lahat, isang katotohanang masakit tingnan, dahil sa COVID-19 pandemic. Hindi handa ang mga ospital natin. Kulang ang mga gamit. O kulang ang mga ospital, period.

As of April 15, 2020, 4:00 PM na datos ng DOH, 5,223 na ang mga nagpositibo sa COVID-19 sa bansa, 291 dito ang mga bagong kaso. Umabot na rin sa 335 ang mga namatay, 20 ang mga bagong kaso. Ang silver lining dito, 295 na ang mga gumaling at 53 ang bago rito. Mapapansin na mahigit sa doble ang bilang ng mga bagong gumaling kaysa mga bagong nasawi. Sana tuloy-tuloy ang ganitong trend.

Ang isang pang magandang nangyayari ay mayroon nang 16 na testing centers sa buong bansa. Mayroon na sa labas ng Metro Manila: sa Baguio, Cebu, Davao, Iloilo, at Lagazpi. Tumataas na ang kapasidad na malaman talaga ang extent ng infection ng COVID-19. Mas maganda kasi kung marami ang ma-test para ma-isolate na kaagad ang mga mag-positibo para hindi na makapanghawa pa. Pero sana ang testing laboratory ng Marikina City ay hindi na iipitin ng DOH ano? Malaking ambag din kasi ito. Ang sabi naman ng DOH tinitulungan naman daw nila ang Marikina. Sa tingin ko may power play lang na nangyayari. Na siyempre very destructive sa panahon ng pandemic.

Ang nakaka-stress sa marami, lalo na sa mga may sintoma tulad ng ubo, lagnat, at hika kahit na hindi naman COVID-19 case, ay ang isipin na kapag magkasakit ka at maospital kailangan mo ng pera. Ng maraming pera. Unless willing kang magtiis sa mga publikong ospital. Kung wala kang pera, mamamatay kang di nagagamot sa bahay. Na matagal na rin namang nangyayari kahit wala pa sa eksena itong COVID-19.

May nabasa akong balita na kung ma-admit ka sa isang private hospital dahil sa COVID-19, kailangan mong ma-confine sa loob ng dalawa hanggang apat na linggo. Aabot ng isang milyon ang iyong bill kung mild lang ang kaso mo. Pero kung malala, aabutin ito ng dalawang milyon! Ngayon kung wala kang kamag-anak na kurap na politiko o madugas na negosyante, good luck sa ‘yo. Kung maka-survive ka man, malilibing ka sa utang. At kung matsugi ka naman, malilibing pa rin sa utang ang maiiwan mong mga mahal sa buhay.

Kayâ mamamatay ka na lang talaga sa inggit sa mga angkan ng mga politikong yumaman sa puwesto na kapag may magkasakit sa kanila, kaya nilang mag-renta ng eroplano (kung wala pa silang nabili na eroplano), mag-chartered flight, papunta sa Singapore halimbawa, o sa South Korea o Japan, kung nais nilang magpagamot dahil mas bongga nga naman ang mga ospital doon. Kung minsan iisipin mo, useful din naman talaga ang mga nakaw na yaman ano? Dito sa bansa natin, parang, crime does pay.

Ano na ang nangyari sa Republic Act No. 11223 o “Universal Health Care Act?” Nang pinirmahan ito upang maging batas ni Presidente Duterte noong Pebrero 20, 2019, tuwang-tuwa ako. Diabetic at hypertensive kasi ako although controlled naman. Kasama kasi ang mga ito sa mga minana ko sa aking mga yumaong magulang. Naisip ko, hindi ako mahirapan magpagamot balang araw. Na-trauma kasi ako sa nangyari kay Nanay noon. Na-renal failure siya at na-kidney transplant. Gastos namin lahat. Kahit na kapitan ng barko ang ama namin at malaki ang kita, dumating pa rin sa punto na naubusan kami. Naibenta pa nga ang bahay namin sa Puerto Princesa nang magpa-transplant si Nanay.

Kayâ naghahanda talaga ako ngayon pa lang. Almost natitiyak kong marami akong sakit kapag magkaedad na ako. Dalawang insurance-investment ang binabayaran ko ngayon. May isang account din ako na hindi ko ginagalaw. Pambili ko ito ng gamot balang araw. Single Sirena ako at ayaw kong maging financial burden sa mga kapatid at pamangkin ko sa hinaharap.

Nang mapirmahan nga ni Duterte ang “Universal Health Care Act” noong nakaraang taon, tinanong ko ang BFF kong si Alice na isang obstetrician-gynecologist at epidemiologist kung ibig sabihin ba niyon ay magiging para na tayong Sweden (o mga bansang tinatawag na “welfare state”) na libre na ang pagpapagamot pati mga gamot at puwede na akong maghinay-hinay sa pagsi-save para sa hospitalisasyon ko balang araw?

Pinagtawanan ako ni Alice. Sabi niya, “Hoy, gising! Ano ka ba? Huwag kang mangarap masyado.” Natawa na rin ako. Pero may kaunting pag-asa pa ring naiwan sa aking puso. Ang ibig lang sabihin ni Alice, tipid at impok to the max pa rin ako dahil hindi naman ako mayaman.

Oh well… Hindi naman siguro masama ang mangarap na magkaroon tayo ng pamahalaan na talagang pangangalagaan ang ating kalusugan.

Noong nakaraang buwan nang mag-deklara ng state of medical emergency dahil sa COVID-19 pandemic, sinabi ng Philhealth na sasagutin nila ang hospital bill ng mga magkakasakit ng COVID-19. Pero nang ma-extend ang ECQ, bigla nilang sinabi na hanggang Abril 14 na lang ang sasagutin nilang mga bill sa hospital. Simula ngayong araw, ika-15 ng Abril, may taripa na sila ng tulong. Sa Philhealth Circular No. 2020-0009 heto na ang listahan ng benefit packages para sa mga maospital: 1. PhP43,997 para sa magkakaroon ng “mild pneumonia in the elderly or with co-mobidities”; 2. PhP143,267 para sa “moderate pneumonia”; at 3. PhP786,384 para sa may “critical pneumonia.” Mabuti na kaysa wala, ika nga nila.

Dapat talaga ang pangalan ng Republic Act 11223 ay hindi “Universal Health Care Act” kundi “Partial Health Care Act.” Para wala nang bolahan. Mas magiging realistic ang mga expectation natin.

For the meantime, sundin natin ang quarantine, mag-physical distancing, maghugas lagi ng kamay, mag-face mask kung lalabas ng bahay, kumain nang maayos at malusog, mag-ehersisyo, at kumpletuhin ang tulog. Magdasal din. Sa isang bansang di mo maaasahan ang pamahalaan, may Diyos pa rin tayong makakapitan.

Pagkatapos nitong ECQ, maaari na tayong mag-organisa at ipaglaban ang mga karapatan natin para sa totoong “Universal Health Care.” Dapat huwag nating tigilang kalampagin ang mga kinauukulan. Ito dapat ang isa sa mga mahalagang matutuhan natin sa pandemic na ito.

 

[Abril 15, 2020 Miyerkoles
9:21 nu Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s