Isang Linggo; Pitong Araw

Binibilang ko na ang nalalabing araw ng ECQ. Isang linggo o pitong araw na lang. Iyon ay kung hindi mai-extend. Base sa pakikinig ko sa presscon ng Malakanyang, IATF, at DOH, malaki ang kutob ko na mai-extend ito. Kung hindi man ECQ pa rin, baka modified ECQ. Hindi kasi talaga maikakaila na may COVID-19 outbreak dito sa Metro Manila.

Pero siyempre hope springs eternal ang peg ko. Hanggat walang official announcement si Duterte hinggil sa extension, malamang matatapos na nga itong ECQ sa Mayo 1. At sa susunod na Biyernes na ito.

Paulit-ulit na sinasabi ng Malakanyang, scientific data ang magiging basehan ni Duterte sa pagdesisyon. Wow! Malaking improvement ito kung totoo. Hindi na kamatsohan at training niya bilang meyor na sikat sa EJK ang magiging basehan. Scientific daw talaga na. Sana all.

Kunsabagay, sabi ng Malakanyang, kinunsulta na ni Duterte kahapon ang mga eksperto sa medisina at public health. Pati nga ang mga dating DOH Secretary ay pinatawag na niya. May grupo din ng mga scientist mula UP. Natatawa tuloy ako sa mga Dutertard na biglang nawalan ang saysay ng mantra nilang walang ambag sa bayan ang mga taga-UP dahil rali lang sila nang rali.

Habang sinusulat ko ang sanaysay na ito ay hinihintay ng lahat kung kailan eepekto ang Fentanyl kay Duterte para makapag-presscon na siya. Pinakamaaga na siguro ang alas-nuwebe. Kung mamalasin ang madla, baka ala-una ng madaling araw. Ang kawalan ng respeto ng presidente sa oras ng sambayanan ang new normal ngayon sa Malakanyang.

Maraming kahindik-hindik na pangyayari ngayong linggo. Ang manunulat at performance artist na si Bambi Beltran ay dinakip ng mga pulis sa Cebu. Dahil sa pagkakaintindi ng mga pulis, fake news ang hyperbole at satire. Ang figures of speech kasi ngayon ay naka-reserve lamang para kay Duterte at sa mga garapata niya. Halimbawa kapag magsabi si Duterte na “shoot them dead,” kinabukasan may taga-Malakanyang na magpapaliwanag na hyperbole lang yun. Hindi dapat literal.

Last week muling nanakot si Duterte on national TV na kapag patuloy na pasaway ang mga tao na di sumusunod sa ECQ, tatawagin daw niya ang mga pulis at militar na magpatupad ng “martial-law” like na pagbabanta sa mga quarantine check point. Minsan naiutos na rin niya na barilin ang mga maglalabag sa ECQ na gin-explain naman ng Malakanyang na ibig sabihin ng presidente, puwedenh barilin ng mga sundalo at pulis ang lumalabag ng quarantine kung manganganib ang buhay nila. Kaya hayan, may isang dating sundalo na may problema sa pag-iisip ang binaril ng isang utak-pulbura na pulis sa isang check point sa Quezon City. No doubt, inspired ni Tatay Digong.

Mukhang ang mahihirap talagang mga Filipino ang napuruhan ng ECQ na ito. Walang masama sa ECQ. In fact, nagkakasundo ang mga scientist sa pagsabing talagang napabagal ang pagkalat ng COVID-19 hinggil dito. Ang nakakairita, halatang hindi handa ang gobyerno. Day to day basis ang mga plano nila. Kahit na may emergency power na si Duterte courtesy ng BAHO Law.

Ayon sa pananaliksik na ginawa ng IBON, 24% pa lamang ng target beneficiaries ng Social Amelioration Program ng pamahalaan. Sa target na 18 million low income families, 4.3 million pa lang ang nakatanggap. Ang sinisisi ni Duterte dito ay ang kawalan ng national ID system kayâ nagkakagulo sa pag-identify ng mga beneficiary. Kontra daw kasi nang kontra ang mga leftist sa national ID system. Ang nakakaloka, tila nakalimutan yata ng presidente na pinirmahan niya noong nakaraang taon ang batas ukol sa nationa ID system! Dinig ko sa radyo kanina, naatasan na si NEDA OIC Secretary Karl “Papabol” Chua na ayusin itong ID system.

Pati ang assistance na ipinapangakong ibibigay ng DOLE sa mga nawalan ng trabaho dahil sa ECQ ay napako rin. Naubos kaagad ang 1.6 bilyon na badyet nila. Ayon sa IBON 264,514 lang na formal workers na nawalan ng trabaho ang nakatanggap ng financial assistance na PhP5,000. 2.5% lang ito ng IBON-estimated na 10.7 milyong ordinaryong manggagawa.

Ayon pa sa IBON, ang low income na no work, no pay at mga poorest of the poor daw talaga ang napuruhan nitong ECQ. Lalo silang naghihirap ngayon.

May mga balitang may nakatanggap ng ayuda mula sa gobyerno na ipinangsugal nila ang perang natanggap. Meron namang ibinili ng shabu. Que horror! Pero sabi ng isang taga-DSWD, isolated case lang naman ang mga ito. Mayroon ding magandang balita na yung isang babae, ibinalik ang perang natanggap dahil nakatanggap na raw ang bana niya nito. Nagkamali lang daw sa paglilista. Hindi mayaman si ate pero ibinalik niya ang pera. Hindi siya suwapang. May dangal siya.

Pero ito ang paborito ko. Noong isang araw habang nakikinig ako sa radyo ng presscon ng DOH, ipinapaabot ni Undersecretary Vergeire sa mga nagbabantay sa check point na ang “physician” at “doctor” ay iisa lamang. Nagtambling ako! May mga nagbabantay daw kasi sa checkpoint na ayaw padaanin ang mga doktor na physician ang nakalagay sa mga ID nila. Elitist ba ako masyado dahil pinagtatawanan ko ito? Kayâ balik ako doon sa pangunahing advocacy ko na gamitin na natin ang Filipino. Kung “doktor” kasi ang nakalagay sa mga ID e di walang gulo. Kaso baka ang mga tulad kong doktor ng pilosopiya naman ang mamimilisopo at mag-insist na doktor din kami!

Nakakaloka itong minamahal nating bansa. Hindi lamang ang COVID-19 virus ang problema natin sa ngayon. Mas malaking problema natin ang veerus!

[Abril 23, 2020 Huwebes / 9:18 ng Rosario, Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s