Kapag guro ka, hindi naman natatapos sa klasrum ang iyong pagtuturo. Guro ka kahit sa bahay, kahit namamasyal sa mall o plaza, guro ka kahit sa salusalo ng pamilya, guro ka kahit sa pagpo-post sa social media. Kayâ bilang guro dapat maingat ka sa iyong pinagsasabi at pinag-aasta. Ingat ka sa iyong mga ginagawa. Ingat ka sa iyong mga post sa Facebook hindi dahil ayaw mong makapag-offend ng mga boss mo at ng mga kinauukulan, kundi dahil ang lahat ng babasa sa iyong post mistulang nagiging estudyante mo. Kayâ dapat maingat ka dahil baka hindi maganda, o hindi makatarungan, o hindi lohikal ang iyong pinagpo-post. At que horror, baka makapag-repost ka pa ng fake news na nangyayari talaga ngayon. May mga guro nga dyan na may PhD na o EdD ay nagsi-share ng fake news.
Kayâ kalokohan ang nabasa kong kumakalat na memo sa social media ng isang DepEd official na nagre-remind sa mga guro nila na sa panahon ng ECQ ay dapat “as a government employee, it is our responsibility to project support to other government employees who serve as government frontliners and risk their lives for the betterment of the country, thus, posting unproductive and uninspiring updates in the social media do not add help to our community at large.” Kayâ dapat daw ang post ng mga DepEd teachers from 7:00 AM to 5:00 PM “shall only be limited to work from home related activities.” Ibig sabihin, hindi maaaring maging kritikal sa kahit anong sangay pamahalaan ang mga social media post ng mga guro.
Agree ako sa kapuwa ko manunulat at gurong si Ferdinand Pisigan Jarin sa pagtawag dito na “memo ng mga sipsip.” Mukhang may nangangarap ma-promote kaya may I write ng super sipsip na memo!
Ngayon maiintindihan na natin kung bakit sinasaway ng mga guro ang mga batang nagmumura sa klasrum pero kung si Presidente Duterte ang nagmumura on national TV ay pumapalakpak ang ibang mga guro at patay-malisya naman ang DepEd Secretary. Wala bang responsabilidad ang DepEd Secretary at ang CHED Chair na i-remind ang presidente ng marangal na pamamaraan ng pagsasalita kapag ina-address ng presidente ang bansa? Hindi ko naman sinasabi na wala nang karapatang magmura ang isang presidente dahil tao lang din naman siya ay nati-trigger din. Pero puwede magmura siya sa bahay lang o opisina na walang nakatutok na kamera at walang estudyanteng nanonood. At please huwag gamiting rason ang pagiging Bisaya sa pagmumura sa publiko. Kahit sinong Bisaya, lalo na ang may pinag-aralan o pinanilagan (yung walang pormal na edukasyon subalit natuto sa buhay), alam nilang hindi ka dapat magmura sa publiko lalo na kung may hawak kang mikropono.
Nabasa ko nga sa status update ng isang kaibigang opisyal sa DepEd national, “Pag ako ang nagsabi ng putang ina mo! Hindi na ko mabuting ehemplo.” Gin-post ito last week, isang umaga matapos magpaulan ng “putang ina” si Duterte on national TV. Siguro hanggat si Duterte ang presidente ay tanggalin na muna natin sa listahan ng mga offense ang pagmumura sa loob ng eskuwelahan? Magandang memong sulatin ito para sa mga sipsip na DepEd official!
No wonder may mga guro tulad ng mga guro ni Joshua Molo. Mga Dutertard na iresponsableng guro na nam-bully at nanakot manghabla ng isang estudyanteng kritikal sa pamahalaan. Sila ang mga gurong walang karapatang tawaging guro.
Ang pundasyon ng malayang pagtuturo ay ang malayang pagpapahayag. Ang pundasyon ng malayang pagpapahayag ay ang kalayaang mag-isip. Ang malayang mag-isip ay palaging nasa panig ng katotohanan at kabutihan. Kapag nasa panig ka ng katotohanan at kabutihan, nasa panig ka ng katarungan.
[Abril 29, 2020 Miyerkoles / 8:08 nu Pasig]
One thought on “Kalayaang Mag-isip at Magturo”