
Unang araw din ng ikalawang extension ng ECQ dito sa Metro Manila. Hanggang Mayo 15 kung sakali at GCQ (General Community Quarantine) na. Medyo makakagalaw na. Sana mapuntahan ko na ang Tore ko sa Taft Avenue.
Unti-unti naaayos na namin ni Sunshine ang munting hardin sa likod ng bahay namin dito sa Pasig. Bongga na ang tubò ng matandang malunggay. Makakapaglagay na kami nito sa ginataang monggo sa linggo. Buháy na rin ang itinanim kong kamote at alugbati. Baka sa susunod na buwan makapag-ani na kami ng pang-ulam. May itinanim din kaming kamatis. Mula ito sa mga buto ng kamatis na binili namin sa talipapa at nahinog masyado. Sana lumaki ang mga ito at mamunga. Nabubuhay na rin ang dalawang puno ng bogambilya. Sana makapamulaklak ito ngayong Mayo. Makahabol sana.
Marami akong plano para sa aming hardin. Gusto kong magpagawa ng bakal na estante para sa mga herb at petchay. Kailangan mataas at hindi basta-basta matutumba dahil kapag tinotopak ang malaki naming asong si Prince ay naninira ng tanim. Noong isang araw, binungkal niya ang isang maseterang may nakatanim na alugbati. Buti hindi niya pinapakialaman ang mga kamote at alugbati na nasa lupa.
Kapag GCQ na, pupunta ako sa bilihan ng mga halaman dyan sa labas sa Ortigas Extension. Gusto ko rin magtanim ng mga rosas. Bibili rin ako ng nga flower pot at garden soil. Sayang wala na si Tita Neneng. Tuwang-tuwa iyon kapag namimili kami roon.
Dahil dito ako sa hardin namin nagkakape at nagbabasa early morning at late afternoon, gusto kong bumili ng bagong upuang kahoy. Ang luma na kasi ng upuan namin. Ito ang kahoy na sofabed na isa sa nga orihinal na furniture na binili ng mga magulang ko noong late 1980s nang nabili nila ang bahay namin dito sa Pasig.
Kahapon tumingin ako ng isang set ng batibot table and chairs. Naisip ko bagay ang batibot dito sa hardin, sa parteng may bubong, dahil bakal ang mga paa nito at may laban sa palaging pagbasâ. Para may maganda akong mesa na pagkapehan. At baka puwede na rin ako dito magsulat.
Mayo na. Kahapon napag-usapan namin ni Sunshine kung makakauwi kayâ kami sa bahay namin sa Antique sa Disyembre. Doon naman kasi talaga kami nagpa-Pasko. May bakuna na kayâ laban sa COVID-19 by that time? Si Sunshine very positive na makakauwi kami sa Maybato. Ako, chill lang. Kung hindi makauwi ng probinsiya e di dito na sa Pasig. Kayâ kailangang pagandahin namin ang aming hardin. Kapag marami kasing tanim, parang may illusion na rin na nasa probinsiya ka.
Mayo na at naalala ko ang Flores de Mayo sa Maybato. Sa tapat lang ng bahay namin sa kabilang kalsada ang kapilya ng barangay. Gusto ko ang amoy ng ginupit na mga bulaklak at dahon na isinasaboy sa estatwa ni Mother Mary sa huling kanta na “Adios.” Kayâ “adyos-adyos” ang tawag namin sa ritwal na ito.
Noong maliit pa kami palagi kaming sinasabihan ni Tita na umuwi nang maaga, yung may araw pa, kapag Mayo. Hindi rin dapat lumalabas kapag gabi kung Mayo. Sëpëg o aggressive daw kasi ang mga “bag-ong yanggaw” o “bagong hawa” na mga aswang kapag Mayo. Laman ng tsismis sa amin kung sino ang bag-ong yanggaw.
Nakakatuwa lang isipin na may dalawang icon sa aking batang imahinasyon ang buwan ng Mayo—ang dalisay at banal na si Mother Mary at ang babaeng bag-ong yanggaw na aswang na pula ang mga mata, nakalugay ang mahaba at magulong buhok, naglalaway, at tumutuwad sa tabing-dagat habang naghihintay na may batang gagala para kainin ito. Palaging babae ang aswang. At hindi ko alam kung bakit tumutuwad sila habang naghihintay ng makakain. Awa ng Diyos, wala naman akong kakilalang kalaro o pinsan sa Maybato na nawala dahil kinain ng aswang.
May aswang din kayâ dito sa Pasig? Mabubuhay ba ang isang aswang sa Metro Manila? Baka mamatay sa samâ ng loob lalo na ngayong panahon ng pandemya. Ang hirap kayâ tumuwad sa tabing-kalsada ngayong may ECQ dahil baka yantukin ka ng mga tanod o barilin ng pulis. Sobrang effort din kung sa nagsisiksikang mga yerong bubong ka pa tutuwad!
[Mayo 1, 2020 Biyernes / 9:49 nu Pasig]