Ilang araw nang mainit ngayon. Feel na feel ko na ang tag-init. Magiging memorable talaga itong Summer 2020! Nakulong lang ako rito sa Pasig dahil sa ECQ at matapos ng mahigit isang dekada, akong lagarista ng mga creative writing workshop kapag summer break ay walang napuntahan kahit isa.
Tama si Mang Tani. Mas malupit ang init ng Mayo kaysa Abril. Two weeks ago, kapag nasa hardin ako, pawisan habang binabasa ang ‘The Winds of April’ ni NVM Gonzales, akala ko iyon na ang rurok ng tag-araw. Nandito ako ngayon sa kuwarto ni Sunshine. Nakiki-aircon. Ilang linggo na rin akong nakikitulog dito kasi masyadong maalinsangan sa kuwarto ko kung gabi. Salamat sa kung sino man ang nag- imbento ng aircon! Sana nasa langit ka ngayon.
Nakakahiya siyempre ang magreklamo dahil sa init. Paano ang maliliit ang bahay at siksikan sila? Paano ang mga di afford ang aircon? Paano ang mga walang bahay? Mahirap na nga ang mga ganitong sitwasyon, lalong mahirap ngayong may ECQ. Kayâ tigilan ko na dapat ang pagrereklamo.
Kahapon at kanina, nagbabasa ako mga summative essay ng mga estudyante ko para sa aming klase sa Philippine Literature. Pinasulat ko sila ng maikling sanaysay tungkol sa karanasan at natutuhan nila ngayong ECQ at kung paano nila ito ma-relate sa mga tema at akdang pinag-aralan at binasa namin sa klase bago mag-ECQ. Halos lahat ay na-realize daw nila kung paano sila ka-privilege at di hamak na mas simple ang mga problema nila—di makapag-shopping, party, o travel—kaysa problema ng mga kababayan nating pumipila at nakikipag-away para makakuha ng SAP. May namatay pa nga dahi sa heat stroke at sama ng loob.
Nasisiyahan ako sa mga realization nila. Iyon naman talaga ang paulit-ulit na sinasabi ko sa klase. Na mapalad kami at nasa loob kami at protektado ng four walls ng La Salle at huwag naming kakalimutan ang mga di pinalad na nasa labas. Sabi ko sa kanila, balang araw kapag sila na ang mga nasa puwesto sa gobyerno o nagpapatakbo ng kanilang mga negosyo huwag silang kurap at tuso. Tulungan nilang maging magaan, kahit konti, ang buhay ng mahirap na mamamayan at mga manggagawa. Hindi naman kasi nila maipagmalaki ang nakaw na yaman o kayamanang nagmula sa pawis at dugo ng mga inapi nilang manggagawa. At dagdag ko pa, kung malakas pa ako that time at kaya ko pang magsulat, lalaitin ko sila sa aking mga akda!
May dalawang napakainit na isyu na sumabay sa pag-init ng panahon. Ang sobrang pagtaas ng premium ng Philhealth para sa mga OFW at ang pag-sign off ng ABS-CBN kagabi.
Tatawa sana ako dahil naisip ko paano na ngayon ang mga OFW na dutertard? Si Tatay nila ang pumirma sa batas ng Universal Health Care at bahagi naman talaga nito ang pagtaas ng premium ng Philhealt. Kaso naisip ko may kapatid pala akong OFW. Hindi siya dutertard pero apektado siya. Hindi pa nga siya nakababalik sa trabaho niya ngayon sa Qatar dahil sa pandemya. Umalma ang mga OFW, dutertard man o yellowtard. Dahil sa sobrang ingay sa mass media, biglang sayaw ng laban-bawi si Duterte. “Optional” na lang daw ang pagbayad nito ng mga OFW. Ganun? As in like that?
Tatawanan ko rin sana ang mga dutertard na ABS-CBN talent dahil paano na ang career nila ngayong nagtagumpay si Dutere at ang mga pangit niyang sidekick na ipasara ang ABS-CBN. Kahit limitado ang mga talent nila—tulad ng magkapatid na anorexic na OA umarte at kumakanta kahit parang palaging kulang sa praktis—may career sila kasi may takent magpasikat ang ABS-CBN ng mga artista na walang talent, dutertard man o yellowtard. Kaso hindi ako makatawa kapag iniisip ko ang mahigit 11,000 na ordinaryong empleado ng network na ito.
Hindi naman talaga ako nanonood ng ABS-CBN. Noon pa ako nawalan nang gana manood ng mga teleserye nila nang magkateleserye si Kris Aquino. Sa news naman, 24 Oras ng GMA7 ang pinapanood ko dahil hindi ko kinakaya ang mga asta at hirit ni Noli de Castro. Although lately, naging suki ako ng ANC kada umaga at feeling ko na nga boyfriend ko si Christian Esguerra. May dangal ang reportage ng ANC. So kahit hindi ako fan ng ABS-CBN, galit pa rin ako sa pagpapasara nito dahil atake ito ng pasistang pamahalaang Duterte sa malayang pamamahayag. At please, huwag ihirit sa akin ang legalida tsenes. Matagal nang ginagawang sandata ng sangganong gobyernong ito ang batas!
Bukod sa dalawang isyung ito, mainit din ang kapalpakan ng pamamahagi ng SAP. Talagang ipinaparamdam sa mga poorest of the poor na purita kalaw sila. Pinapapila sa initan, pinapapuyat sa paghihintay, at nag-aaway-away na para lang makatanggap ng 6K o 8K. Matatapos na ang ECQ ay di pa rin tapos ang pamimigay. Pero silver lining naman na dinagdagan ng 5 milyong pamilya ang orihinal na 18 milyong pamilyang bibigyan. Bongga! Masarap pakinggan sa mga pa-presscon ni Harry Roque. Sana magigibg true on the ground.
Noong Lunes ng gabi, nagmura na naman ang kagalang-galang na presidente. Although mukhang marami na ang hindi intetesadong manood ng kaniyang late night show. May bagong twist. Nag-sorry siya sa mga kinamumuhian at minumura niyang oligarch. Hmmm… Kinulang ba o nasobrahan ang dosage ng Fentanyl?
Itong pagmumura sa publiko ng mga nasa puwesto ang talagang new normal. Kahit mga feminista at relihiyosa ay pinapalakpakan ito at patay-malisya ang mga dutertard na edukada at edukado. Kayâ di nakapagtataka may bagong pagmumura kahapon ang kagalang-galang na Secretary of Foreign Affairs. Kaming mga Lasalista naman ang target ni Teddy Boy Locsin. Gusto raw naming pabagsakin ang predidente dahil mestiso kami. Buti na lang may ECQ at pumuti ako konti! Malalaki daw ang titi ng mga taga-La Salle! Naisip ko, buti pa siya alam niya! Pero bakit niya alam? Marami ba siyang nahada na mga dakotang Lasalista? Kaloka!
Last week may isang nagpakilalang sundalo na minura ako sa Facebook wall ko. Nagalit sa tula ko tungkol kay Ragos. Ni-red tag ako. Halata raw na NPA ako at propaganda ang tula ko. Juice koh patawara ako at purya buyag! Na-stress ako konti. Gusto ko tuloy mag-breakfast sa Cafe Ilang-Ilang. Kaso naalala ko, may ECQ pala. Gin-block ko na lang ang gunggong!
Sheeet! Ang ineeet! Ay may aircon pala. Char lang!
[Mayo 6, 2020 Miyerkoles / 2:16 nh Pasig]