Ang VCO, Bow!

Kalakip ang virgin coconut oil o VCO sa mga pinag-aaralan ngayon ng DOH at DOST kasama ng ilang ospital sa paggamot sa mga pasyente ng COVID-19. Idinadagdag ito sa pagkain ng mga pasyente.

Ang VCO ay ang lana o langis na galing sa laman ng matandang niyog o lahin.

Matagal ko nang alam na maraming health benefits ang VCO. Ten years ago nabasa ko na ang dalawang libro tungkol dito. Ang ‘The Coconut Oil Miracle’ (Avery, 1999) ni Bruce Fife na isang certified nutritionist at naturopathic doctor, at ‘The Truth About Coconut Oil: The Drugstore in a Bottle’ (Anvil, 2005) ni Conrado Dayrit na isang practicing cardiologist at emeritus professor ng pharmacology sa University of the Philippines.

Sa libro ni Fife napag-aralan niya at napatunayan na ang pag-inom ng VCO ay nakakapagpababa ng timbang; nakakapag-prevent ng sakit sa puso, kanser, diabetes; nagpapatibay ng immune system; at nagpapaganda ng balat at buhok. Ganito rin ang sinasabi sa libro ni Dr. Dayrit. Sa katunayan si Fife pa ang nagsulat ng “Foreword” ng libro ni Dayrit.

Sa parehong libro nabanggit ang posibilidad na makagagamot ng HIV ang VCO. 1980s pa umano nagkaroon ng mga pag-aaral na ang medium-chain fatty acids—lalo na ang lauric at capric acid—ay nakakapatay ng HIV sa mga lab culture. Nailahad din sa parehong libro ang clinical trial na ginawa ng team nina Dayrit noong 1998 sa paggamit ng VCO bilang gamot sa 15 HIV-infected sa San Lazaro Hospital. Very promising ang resulta. Sa 14 pasyente na tumuloy sa pag-aaral (yung isa kasi ay masyadong mababa ang viral load) walo sa kanila ang bumaba ang viral load pagkatapos ng anim na buwan. Tatlo naman ang nagkaroon ng AIDS at namatay dalawang linggo matapos ang pag-aaral. Ang isa pang magandang resulta ay 11 sa mga pasyente ay tumaas ang timbang. Susundan pa sana ang clinical trial na ito sa 300 HIV-infected. Kaso nang mga panahong iyon kakaunti pa lamang ang mga Filipinong kumpirmadong HIV positive kayâ di ito natuloy. Para sa mas detalyadong paliwanag, kailangang basahin ang libro ni Dayrit.

Kayâ “The Drugstore in a Bottle” ang tawag ni Dayrit sa VCO dahil may anti-microbial, anti-fungal, at anti-viral qualities ito. Kayâ tama lamang na pag-aralan ito laban sa mga virus lalo na sa COVID-19 na pandemic ngayon.

Ang epektibong dosage ay dalawa hanggang tatlong kutsara kada araw. Dahil pagkain naman talaga ang VCO at hindi kemikal na gamot, walang overdozed. Puwede rin kasi itong gamiting mantika at ilagay sa inumin o pagkain. Naa-absorb din daw ito ng katawan kung ipahid sa balat.

Dahil sa pandemya ng COVID-19 naging dibdiban ang paggamit ko ng VCO. Umiinom ako ng isang kutsara sa umaga at isang kutsara sa gabi. Ginagawa ko rin itong lotion, mula ulo hanggang paa.

Ngayong ECQ may tatlong brand ng VCO kaming iniinom na Sunshine at ginagamit na rin sa pagluluto. Masarap itong paggisa.

1. Cocolicius na ayon sa packaging nito ay “all-natural virgin coconut oil” na “cold pressed, centrifuge-extracted.” Produkto ito ng Organix Solutions sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao. Binili ko ito online, COD.

2. Bibliorganics Virgin Coconut Oil na “naturally extracted, cold pressed and aged” daw at “best for cooking or as health tonic.” Produkto ito ng Bibliorganics Healthworks sa Commonwealth Avenue, Lungsod Quezon.

3. Ang pinakagusto naming brand ni Sunshine kasi halos walang amoy at lasa ay ang Laurin 100% CocoMCT. Produkto ito ng Chemrez Technologies sa Calle Industria, Bagumbayan, Lungsod Quezon. May description kung ano ang “laurin” sa pabalat nito: “Laurin 100% CocoMCT is the very essence of coconut oil, distilled to its purest form of Medium Chain Triglycerides. It is light, flavor-free oil that stays naturally liquid, making it suitable as a food supplement.”

Ayon sa listahang ng Philippine Coconut Authority, as of 2017 mayroong 62 na kompanya o indibidwal na nagpo-produce ng VCO sa buong bansa. Kung sakaling mapatunayang mabisa ang VCO laban sa COVID-19, mukhang hindi lamang rubbing alcohol ang magkakaubusan nito.

Available ang VCO sa mga botika gaya ng Marcury Drug at Watson. Makikita rin ito sa mga grocery store kasama ang mga mantika. Nais kong i-recommend ang pag-order nito mula sa Organix Solutions. Paki-Google na lang ang brand nilang Cocolicius. Nagde-deliver sila door to door at puwedeng COD. Dalawang beses na akong nag-order sa kanila at talagang maaasahan sila.

[Mayo 9, 2020 Sabado / 9:05 ng Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s