Ang Masakit na Katotohanan sa Likod ng Pag-a-unfriend

Madali lang at halos nakakakilig ang pag-a-unfriend ng mga “friend” sa FB na dutertard, lalo na ang mga dutertard na nagre-repost ng mga fake news at balik-awot ang reseasoning, kung hindi mo naman sila ka-close. Halimbawa ang mga teacher (naturingan lang) na nag-attend lang ng isang lektura mo o common friend ng mga kamag-anak o kaibigan o katrabaho. Mas lalong nakakatuwa mang-block ng mga DDS troll na minumura at pinagbabantaan ka sa wall mo dahil alam mong hindi sila kikita at your expense. Pero ibang usapan kung ang ina-unfriend mo ay talagang totoong friend mo na love mo at may pinagsamahan kayo. Hindi ito madaling gawin at masasaktan ka rin.

Don’t get me wrong. Hindi lahat ng dutertard na FB friends ko ay ina-unfriend ko. May mga DDS naman akong kamag-anak at kaibigan na kaibigan ko pa rin sa FB at sa totoong buhay dahil hindi naman sila nagpo-post ng fake news, hindi naman nila ako binabastos sa wall ko, tolerable ang kabobohan ng mga post, at siguro hindi ko na nababasa ang mga post nila dahil matagal ko nang na-unfollow.

Last week may gin-unfriend ako na FB friend na dating estudyante, love ko, at talagang may maganda kaming pinagsamahan. Na-hurt at nagalit siya sa pag-unfriend ko at nag-post sa wall niya na immature daw ako kahit matanda na, “tigulang is the term,” dahil sa ginawa ko. Natawa ako at na-hurt nang slight dahil sa akusasyong tigulang na ako! Seryosong akusasyon ito sa panahon ng ECQ na mahigit dalawang buwan na akong hindi nakapagpa-barbero, nakapagpa-body scrub, at nakapagpa-massage.

Matagal ko nang alam na dutertard siya. Pero FB friend ko pa rin siya dahil kadalasan naman ng post niya ay tungkol sa mga pag-akyat niya ng bundok o ang mga alaga niyang halaman. Hina-heart ko nga palagi. Pero last week talagang na-offend ako dahil nag-repost siya ng balitang 4,000+ lang daw ang nawalan ng trabaho sa pagsasara ng ABS-CBN at hindi 11,000+ at parang tuwang-tuwa pa siya. Napaka-insensitive! Ipagpalagay na nating totoong 4,000 lang. Hindi pa rin ito katanggap-tanggap at hindi dapat ipagdiwang. Kahit nga apat lang ang mawalan ng trabaho trahedya pa rin ito para sa apat na indibidwal at ng kanilang mga pamilya.

Dahil nga tigulang na ako at maramirami na ring pinagdaanan sa buhay naging personal ang pagkangil-ad ko sa post na ito dahil naging biktima rin ako na matanggalan ng trabaho dahil din sa isang batas—ang K to 12 program. Alam ko kung paano ma-terminate kahit tenured na dahil may isang batas na kino-quote ang employer mo sa pag-justify ng pagtanggal sa ‘yo. Sa pagkakataong ganito maramdaman mo talaga na isa ka lang ordinaryong manggagawa kahit na ang taas ng tingin mo sa sarili mo dahil award-winning writer ka naman at marami kang libro. Kahit gusto mong ipaglaban ang karapatan mo kailangan mo ng pera para sa abogado at panahon at lakas na mag-attend ng mga hearing. Siyempre kung wala ka nang trabaho, ang una mong iisipin ay kung saan ka mag-a-apply dahil wala ka nang pambayad ng koryente at tubig kung tatagal pa na hindi ka makapagtrabaho. Ang mawalan ng hanapbuhay ay hindi option para sa isang tigulang na may iniinom na maintenance medicine. Kayâ mahirap din kalabanin ang kompanyang nagtanggal sa ‘yo kasi sila may battery of lawyers na may retainer’s fee na talaga. At maaari ka ring ma-black list ng ibang kompanya. Magiging markado ka. Magkaka-record ka na nanghahabla ng employer kayâ delikadong i-hire.

Kung tutuusin, napatawad ko na ang nagtanggal sa akin sa trabaho. Naging blessing in disguise kasi. Sa awa ng Diyos nakapagtrabaho naman agad ako. Tatlong buwan lang akong natengga. Naging triple pa ang suweldo ko! So parang wala akong karapatang magreklamo.

Pero ang iniisip ko, dahil pinag-iinitan lang ng presidente ang ABS-CBN at kung hindi na talaga mare-renew ang franchise nito, lalong walang kalaban-laban ang mga empleado, 11,000 man sila o 4,000. Hindi ako actually worried para sa mga may-ari ng network lalo na sa pamilyang Lopez. Ubod ng yaman sila at marami pa silang ibang negosyo. Hindi nila iindahin masyado ang pagkasara ng isa nilang negosyo. Mas worried ako sa idea na bukod sa mga mawawalan ng hanapbuhay, pag-atake rin ito sa pangkalahatang kalayaan ng pamamahayag sa bansa.

Itong kaibigan na na-unfriend ko sa FB ay ordinaryong manggagawa lang din naman ng isang malaking kompanya. Ayaw kong maranasan niyang mawalan ng trabaho dahil lamang sa isang batas. Dapat kasing malaman niya ngayon pa lang na hindi lahat ng batas ay makatarungan. Maraming batas ang ginawa upang proteksiyonan ang interes ng mga kapital. Kung ordinaryong manggagawa ka lang, wala ka naman talagang karapatan dahil ang kung anumang karapatan mayroon ka, matatapatan lang ito ng pera tulad ng separation fee. Legal ang separation fee pero hindi ito makatarungan dahil hindi lang naman pera ang habol mo sa pagtatrabaho. Kung minsan naniniwala ka rin kasi sa vision-mission ng kompanyang pinagtatrabahuhan mo at dahil tao ka lang, napapamahal na rin sa ‘yo ang mga co-worker mo at pati ang building na pinagtatrabahuhan mo.

Kayâ nangil-ad talaga ako sa mga nagbubunyi sa pagsasara ng ABS-CBN. Nangingil-ad ako sa mga nagko-quote ng “dura lex sed lex.” Mga hangal! Makatarungan lamang ang dura lex sed lex kung patas ang lahat sa batas at kung patas ang pagpapatupad ng batas.

Isang masakit na katotohanan na sa ating bansa ang mga batas ay ginagawa para proteksiyonan ang interes ng mga mga mayaman at makapangyarihan. Kung wala kang pera o koneksiyon, wala kang kalaban-laban sa harapan ng hukuman. Or hindi ka makakalaban. Period.

Ngayong panahon lang ng ECQ nakikita natin na iba-iba ang pagpapatupad ng batas. Pagpapahiya, pagkukulong, at pagbabaril sa mga mahirap at/o kritiko ng pamahalaan pero “compassion” naman at hayagang dedmatology sa mga kaalyado ng mga makapangyarihan sa gobyerno. Krimen kung magbabanta ka sa social media na patayin ang presidente na mali naman talaga, pero okay lang kung ang pagbantaang patayin ay ang bise presidente.

Alam kong madidiskubre din naman niya ito balang-araw on his own kung tigulang na rin siya. Pero siyempre bilang guro at manunulat, gusto ko sanang mas maagang malaman at maintindihan ito nilang mga nakababata para magising, mamulat, at may gawin sila hanggat maaga pa at hindi pa huli ang lahat para sa minamahal nating bansa.

[Mayo 15, 2020 Biyernes / 8:42 nu Rosario, Pasig]

One thought on “Ang Masakit na Katotohanan sa Likod ng Pag-a-unfriend

  1. masakit talaga sa mata ang feed ngayon sa FB lalo na iba iba ang opinyon at paniniwala ng mga tao. Pero imbes mag-unfriend, hina-hide ko na lang post nila hehe. Para walang issue. Pero yung iba hindi ko hina-hide.. lalo na yung mga may punto naman or tipong mapapaisip ako. gusto ko pa din makakita ng iba-t ibang opinyon at argumento hehe.

    Like

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s