Sa Pagdating ng Tag-ulan

Sabi ng PAGASA pormal na nilang idedeklara ang pagdating ng tag-ulan sa susunod na linggo.

Isang masaya at malungkot na balita. Masaya dahil nakakapagod na ang tag-init nitong Abril at Mayo. Makakatipid na rin kami sa tubig dahil hindi na kailangang magdilig ng mga tanim na gulay at halaman. Makakatipid na rin sa koryente dahil mababawasan na ang paggamit ng aircon. Malungkot dahil maraming sakit din ang dala ng tag-ulan tulad ng trangkaso, hika, dengue, at leptospirosis. Ang mga sintoma ng mga ito ay maraming pagkakatulad sa mga sintoma ng COVID-19. Nakakatakot lagnatin at ubuhin sa panahong ito. Isa sa mga greatest fear ko ngayon ay ang magkasakit at kailangang magpadoktor at lalong que horror kung kinakailangan pang maospital.

Kahit na gusto kong maligo sa ulan, at ginawa ko ito last week nang dumaan ang bagyo, mahirap din magbiyahe kapag bumubuhos ang ulan at binabaha ang kalye. Buti na lang WFH kami ngayon at pati na rin sa susunod na termino mula Hulyo hanggang Oktubre. Hindi kailangang lumabas ng bahay.

Dalawang buwan at kalahati na akong naka-lockdown dito sa bahay namin sa Pasig. Nami-miss ko na ang iba ko pang mga bahay: ang bahay namin sa Maybato, ang condo ko sa Taft Avenue na tinatawag kong Tore, at ang writing cabin ko sa Lenhovda, ang Sirenahus.

Alam kong kalabisan na magdrama pa ako dahil nami-miss ko ang ibang bahay ko sa panahong ito. Marami ang nagsisiksikan sa isang maliit na bahay. Marami ang walang bahay. Mapalad ako at may espasyo kami rito sa Pasig kahit papaano. Hindi lahat ng nakatira dito sa Metro Manila ay mayroong sariling maliit na hardin.

Pero dahil tao lang po magdadrama pa rin ako. Lalo na noong nakaraang araw nang mag-post si Mimi ng bagong kuha niyang larawan ng Sirenahus. Magtatag-araw na sa Sweden at nagsisilabasan na ang mga bulaklak.

Naiisip ko rin ang Tore ko. Kamusta na kayâ ang mga tanim na nasa writing table ko at sa banyo? Siguradong lanta na ang mga iyon. Kapag naririnig ko sa radyo ang balitang may mahigit isang dosena na dambuhalang cruise ship na nakaangkla sa Manila Bay dahil nasa quarantine pa ang mga Filipino nilang tripulante na hinatid nila, nahihidlaw ako sa mga umagang nakaupo sa harap ng writing table ko, nagkakape, at pinapanood ang unti-unting paggapang ng sikat ng araw na sikat na look. Ilang cruise ship din ang napanood kong eleganteng pumapasok sa Manila Harbor.

Kapag nagpo-post ang mga kaibigan ko ng mga larawan ng mga bagong buskad nilang bulaklak at matatabang tanim nilang gulay sa Antique, naiisip ko ang bahay namin doon. Kawawang bahay. Mga multo lang ang naka-quarantine doon ngayon. Kumusta na kayâ ang mga halaman namin doon at ang aso naming si Morgan?

Sa isang post sa FB hinggil sa pangangalaga ng mental health habang nasa ECQ, iminumungkahi na magkaroon ng mga plano, ng mga pangarap. Automatic naman ito para sa akin. Mahilig akong mag-visualize ng mga pangarap ko. At palaging colored ang aking mga panaginip at pangangarap.

Nitong mga nakaraang araw binabasa at pinagmamasdan kong muli ang mga libro at magasin ng mga hardin at magagandang bahay habang iniisip ko ang mga gusto kong gawing renovation sa bahay dito sa Pasig at sa Maybato. Service leave ko sa Oktubre hanggang Enero at balak kong umuwi sa Antique. Gusto kong ipaayos ang kuwarto ng mga yumao kong magulang upang maging kuwarto ko na. Hindi pa ako nakapag-decide kung lalagyan ko ba ng aircon o hindi. Gusto ko ng bagong kama. Gusto ko ng bulaklaking mga kortina. Papagandahin ko rin ang banyo sa taas. Lalagyan ko ng mga tanim ang bintana. Sana may bakuna na bago mag-Oktubre para hindi nakakatakot sumakay ng eroplano. Sana papayagan na ring umuwi sa Antique ang mga Antikenyong galing ng Metro Manila.

Balak din namin ni Sunshine na bumili ng oven para dito sa kusina namin sa Pasig pagkatapos ng MECQ. Gusto ni Sunshine mag-bake ng cake. Ako, gusto kong matutong gumawa ng sariling pandesal.

Tanggap ko na na hindi na ako makabiyahe pa-Sweden ngayong taon. Plano ko sanang magdalawang buwan sa Europa sa aking service leave. Kayâ kakaiba ang kirot na dala kapag pinagmamasdan ko ang picture at video ng Sirenahus. Last week nga nag-order ako online ng raspberry at blueberry jam dahil nami-miss ko ang mga homemade jam ni Morsan. Kapag tag-araw, marabong at walang tigil ang pamumunga ng mga raspberry sa likod ng Sirenahus. Malaya ring tumutubo sa lilim ng mga punong pino ang mga blueberry sa Lenhovda!

Ngayong tag-ulan mukhang magkakasya na lamang ako na mag-WFH dito sa Pasig. Malinis na ngayon ang writing space ko rito. Halos inabandona ko rin itong writing table ko rito simula nang magturo ako sa La Salle. Ngayon, kada umaga, nag-o-opisina na ako rito.

Hinihintay ko na ang tag-ulan tulad ng paghihintay ko sa pagdating ng isang mangingibig na nakaeskapo sa kuwarentina.

[Mayo 21, 2020 Huwebes / 10:01 nu Pasig]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s