- Ang “veerus” ay hindi lamang tumutukoy sa COVID-19. Tumutukoy ito sa incompetent na pamamahala, sa kapabayaan ng gobyerno, sa pagnanakaw sa gobyerno, sa pagsisinungaling ng gobyerno, sa militarisasyon, sa EJK, sa balingag na lohika ng mga dutertard, at pamamayagpag ng mga online troll sa panahon ni Duterte. Samakatwid, magkasingkahulugan na ang “na-veerus” at “na-duterte.” Ibig sabihin, nagkaletse-letse ang buhay nating mga Filipino nang maging presidente si Duterte at lalo na nang dumating ang pandemya. Although admittedly, matagal na rin namang nagkaletse-letse ang buhay ng mga Filipino dahil sa mga kurap na politiko at lumala lang nitong panahon ng veerus.
- Halimbawa, ang mga poorest of the poor nating mga kababayan na ang tanging pag-asa na huwag mamatay sa gutom sa panahon ng quarantine at lockdown ay ang SAP o social amelioration program. Marami sa kanila ang literal na namatay sa pagpila at paghintay ng ayuda. Talagang ipinamukha sa kanila ng gobyerno ang kanilang pagiging mahirap. Maaari nating sabihin na na-veerus sila o na-duterte dahil hindi dumating ang “change” na ipinangako noong panahon ng Eleksiyon 2016.
- Ang mga kababayan nating OFWs na nawalan ng trabaho sa ibang bansa dahil sa pandemya at na-stranded doon ay naging kalunos-lunos ang kalagayan. Dahil may ilang opisyal ng Overseas Worker Welfare Administration o OWWA na mukhang mas busy pa sa pagpapakalat ng fake news para ipagtanggol si “Tatay” kaysa umayuda sa mga OFW, kaawa-awa ang libo-libong nating mga tinaguriang “bagong bayani” na sa maraming taon ay sila ang inaasahan ng bansa na mapalutang ang ating ekonomiya sa panahon ng mga financial crisis. Ngayong biktima na rin sila ng pandemya, labis silang pinahirapan—quarantine doon sa ibang bansa at quarantine pagdating nila rito sa Manila at inuna pa ang mga Tsino sa testing kung kayâ marami sa mga pinauwing OFW ay mahigit isang buwang nakulong sa mga hotel. Mula Manila pahirapan din silang umuwi sa mga probinsya. Pinalayas sila kung saan sila nagtatrabaho, ayaw rin silang tanggapin dito sa atin kapag umuwi sila. Magulo ang koordinasyon o wala talagang koordinasyon ang mga ahensiya ng gobyerno sa pag-aasikaso sa kanila. Na-veerus sila, na-duterte sila.
- Mahaba ang listahan ng mga kapalpakan at kapabayaan ng gobyerno sa panahong ito ng pandemya. Balang-araw magmimistulang epiko, o isang bonggang sugidanën, ang bahagi na ito ng ating kasaysayan at pamamagatan nating “Na-Veerus na Kapuluan” o “Na-Duterteng Arkipelago.” At muli, hindi lamang ito tungkol sa COVID-19 pandemic.
- Kayâ maganda na ang ginamit na critical framework nina John Barrios at Eliod Dimzon sa kanilang mga presentasyon ngayong umaga ay ang “pamumusong.” Gustong-gusto ko talaga ang kahulugang gin-point out ni Eliod sa Hiligaynon: “liar, boaster, braggart, teller of invented stories.” Pamilyar ang mga kahulugang ito kung sinusundan natin ang mga hating-gabi nang presscon ni Duterte na kung hindi pa tayo lasing (kahit may liquor ban) ay mawengweng naman tayo sa paikot-ikot niyang sinasabi—maraming dakdak subalit walang laman, malalason lamang ang ating katinuan! Usapang bangag o lasing! Ang ganda rin ng kahulugan ng pusong sa Hiligaynon kapag pinapanood natin o pinapakinggan ang mga media briefing ng pamahalaan. Sa mga tagapagsalita at mga task force leader ng gobyerno ngayon, talagang applicable ang “liar, boaster, teller of invented stories,” at idagdag na rin natin ang kahulugan sa Ilocano na “arrogant, haughty, proud, lordly, imperious” at Cebuano na, “to pretend to be honest, mischievous, tricky, prankster, bluffer.”
- Ang pinakagusto ko sa lahat ay ang kabalintunaang ito: ang “veerus” ay katagang nanggaling kay Duterte. At dahil sa pamumusong na ginawa ng mga manunulat sa bansa ngayong may pandemya, naagaw ng mga namumusong ang salitang “veerus” at naging si Duterte ito. Ito ang nangyari sa tulang “The Kit” na naka-attribute kay Duterte ngunit alam naman nating hindi siya ang sumulat nito. Pinaglauran lang. Mga mabahong salita ni Duterte na pinusong—ginawang obramaestrang tula—ng isang anonimo o di-kilalang makata. Nasa tradisyon ng pamumusong ang anonimong may-akda. Itong “The Kit” ang ultimate na tulang pusong sa panahon ng pandemya.
- Ang latest na pinakagusto kong pamumusong ay tungkol sa panukalang batas ni Kagalang-galang Paolo Duterte, konggresman at presidential son, na palitan ang pangalan ng NAIA. Mula Ninoy Aquino International Airport tungo sa Paliparang Pandaigdig ng Pilipinas. Siguro dahil baka masyadong yellowtard ang pangalang Ninoy Aquino sa pandinig ng mga dutertard. May mga pusong na nag-suggest kaagad sa Facebook ng ipapalit na pangalan: “NAIA pa rin – Na-Duterte Ako International Airport,” at “Paliparang Pandaigdig ng Putang-inang Probinsya ng China!” Halimbawa ito ng pamumusong to the max. Ang pusong ay napusong! Ito ang tinutukoy ni Eliod na “ang pusong bilang fittest survivor.” Gayundin ang makata bilang “taumbayan” na hindi takot sa mga makapangyarihan tulad ng tinutukoy ni John Barrios.
- Sa panahong ng pagsisinungaling sa pamahalaan, sa pagkalat ng fake news, sa pagbagsak ng national IQ, sa pagkidnap ng mga bayarang troll ng naratibo sa cyberspace, isang potent na armas itong pamumusong ng mga makata, ng mga manunulat, ng mga alagad ng sining, na hindi natatakot at nag-aatubiling isulat ang nasasaksihan nilang mga pangyayari may cyberlibel law man o wala, may anti-terror bill man o wala, may babasa man sa kanila o wala, o kukuyugin man sila ng mga DDS troll o hindi. Kailangang labanan ang mapanlinlang na naratibong Duterte. Kailangang puksain ang veerus.
- Pinatutunayan ng pamumusong na makapangyarihan ang salita. Lalo na kung salita itong panig sa katotohanan at katarungan.
Pahabol: Intsik versus Tsino
Ngayong panahon ng COVID-19 pandemic naging malala ang racism sa maraming panig ng daigdig. Dahil sa China, specifically sa Wuhan, nanggaling ang COVID-19, lalong lumala ang xenophobia, racism na target ang mga Tsino. Dito sa Filipinas, dahil sa nitong nakaraang dalawang taon ay biglang dumami ang mga nagtatrabahong Tsino dahil sa POGO, na karamihan ay iligal, lalong lumala ang racism laban sa mga Tsino at nadadamay pati ang mga Intsik.
Maraming post sa social media—kagaya ng mga na-quote nina Tocayong John at Eliod—na galit sa mga Tsino pero Intsik ang ginagamit na pantukoy. Nasasaktan ako sa mga ganitong post dahil kahit kakaunti lamang ang mga matalik kong kaibigan, marami sa kanila ay mga Intsik. Dito lang sa UP Miag-ao, idolo ko at minamahal na tunay ang dakilang manunulat na si Alice Tan Gonzales. Huwag nating kalimutan na Intsik si Alice.
May distinction tayo dapat sa pagitan ng Intsik at Tsino. Ang “Intsik” ay culture specific na termino, parang “Peranakan” ng Singapore. Intsik ang kadalasang tawag sa mga Tsinoy. May pagka-pejorative pero niyakap na ito ng mga intelektwal na Intsik tulad nina Caroline Hau at Charlson Ong sa pagkalathala ng antolohiyang Intsik: Anthology of Chinese Philippine Literature noong 2001. Ang mga Intsik ay ang mga Chinese-Filipino, ang mga Tsinoy, at mga Filipino sila. Kung galit tayo sa mga Tsino o mga Chinese citizen ng China mainland (at hindi kasama ang mga Hong Kongers at Taiwanese), huwag nating idamay ang mga Intsik.
Para iwas racism lalo, maaari din nating ihiwalay ang mga Tsino o Chinese sa pamahaalan ng People’s Republic of China ngayon. Naniniwala ako na hindi lahat ng Chinese ay kasing sama ng mga lider nila ngayon na mga gahaman at inaagaw ang mga isla at bahura natin. Nasisiguro kong maraming disenteng Tsino ngunit hindi lamang sila makapagreklamo sa pamahalaan nila dahil diktador at pasista ang liderato ng kanilang bansa. Kayâ siguro idolo at BFF ni Duterte ang Chinese government ngayon.
Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature palagi kong isinasama ang mga akda ng dalawang paborito kong makatang Intsik na nagsusulat sa Mandarin na sina Grace Hsieh Hsing at Jameson Ong. Siyempre ang ginagamit kong teksto ay ang mga salin sa Ingles at Filipino. Pero dahil marami kaming Tsinoy na mga estudyante sa La Salle, pinapabasa ko sa kanila nang malakas ang orihinal na Mandarin bago namin ito talakayin. Alam ng mga estudyante ko na anti-Duterte at anti-China ako. Para hindi sila magtaka kung bakit ako kilig na kilig sa mga tula nina Hsieh Hsing at Ong, ipinapaliwanag ko sa kanila ang pagkakaiba ng Intsik/Tsinoy sa Tsino/Chinese. Sabi ko sa kanila, namumuhi man ako sa liderato ng China ngayon pero hindi ko kailanman kamumuhian ang kulturang Tsino, ang matanda nang Chinese civilization, na mahigit dalawang libong taon nang nag-aambag sa sining ng daigdig.
Bilang agi na manunulat kasi, hindi ako kumportable sa mga panulat o pananalita na nang-aapi sa kapuwa nating tao dahil lamang sa kulay ng balat nila, o sa kaso ko, sa aking mga pagmamahal at pagnanasa. Hindi excuse ang pandemya upang maging racist tayo.