Matapos ng mahigit pitong buwan, muli akong nakapasok sa simbahan, naka-attend ng misa na hindi online at isang obispo pa ang presider, at nakatikim ng ostia. Kay saya sa pakiramdam. Para na ring pagtikim ng langit sa lupa!

Kahapon kasi, Oktubre 24, nag-attend ako ng ordination ng estudyante kong si Brother (Siyempre Father na siya ngayon) Anthony Capirayan ng Society of St. Paul sa Sanctuary of St. Paul the Apostle sa San Antonio Village sa Lungsod Makati. Kasama ni Anthony na inordinahan sina Rev. Keiv Aires Francis Dimatatac at Rev. Levy Matthew Faderanga. Ang seremonya ay pinamunuan ni Most Rev. Roberto Gaa, DD, na obispo ng Diocese of Novaliches. Master of Fine Arts in Creative Writing student namin si Anthony, na isang taga-Iloilo, sa La Salle Taft ngayon at nagsusulat na siya ng kaniyang thesis na koleksiyon ng mga maikling kuwento sa Hiligaynon na may self-translation into English. Ang maikling kuwento niya na sinulat sa aming klase at natalakay sa San Agustin Writers Workshop ay nanalo ng Palanca noong nakaraang taon.

Nang mag-PM sa akin ng imbitasyon si Anthony noong nakaraang buwan agad akong nag-yes dahil malapit lang naman ang San Antonio Village dito sa Tore ko (Bagamat sa Pasig ako nanggaling kahapon) at bahagi ng pagiging writer ko ang lugar na ito. Ang Society of St. Paul ang publisher ng nag-fold nang magasing HomeLife na binabasa ko high school pa lamang ako sa Antique. Si Tito Leo (Leoncio P. Deriada) ang poetry editor nito at sa magasing ito ang una kong national publication. Tatlong beses din ako nanalo ng HomeLife Timpalak sa Tula.
Bukod sa “Poetry Workshop with Tito Leo,” ang isa pang paborito ko ay ang advise column ni Fr. Andres Arboleda, SSP. Maganda kasi ang pagkasulat ng mga payo niya—maikli, klaro, compassionate ang tone, at hindi judgemental. May isa siyang payo na gustong-gusto ko at hanggang ngayon memoryado ko kahit hindi ko na matandaan kung para sa anong problema o isyu iyon ng sumulat sa kaniya. “Our heart is a strange wild beast, the more we feed it the more it becomes hungry.” O di ba? Pure poetry! Minsan, nang binisita ko siya sa kaniyang opisina bilang editor in chief ng HomeLife ay ni-recite ko ito sa kaniya. Napahalakhak siya nang marinig niya ito and siyempre lalo ko siyang minahal.
Si Anthony ang editor ngayon ng magasing Youngster na sister magazine ng HomeLife. Mabuti at inilalathala pa rin ang Youngster. Sabi ko nga kay Anthony minsan, sana maisipan ng Society of St. Paul na i-ressurrect ang HomeLife at bukod sa Catholic ministry nito, napakaraming mga manunulat ngayon ang nagsimula ang writing career sa magasin na ito.
Diyos ko 1992 pa yata ang unang punta ko sa lugar na ito. Nag-attend ako ng HomeLife Poetry Writing Workshop sa National Arts Center sa Mt. Makiling, Laguna. Tatlo kaming taga-Iloilo ang kasali. Isang linggo kami sa matanawing bundok at pagbalik ng Maynila, may isa o dalawang araw pa bago ang biyahe ng barko namin pabalik ng Iloilo. Dahil wala kaming matirhan (Wala yatang tao sa bahay namin sa Pasig noon), doon muna kami pinatulog sa seminaryo sa tabi ng building ng opisina ng HomeLife.
Kahapon hinanap ko kung saan banda ang opisina ng HomeLife at ang building na tinuluyan namin. Hindi ko na talaga ma-pinpoint at mukhang ibang lugar na ang napuntahan ko kahapon. Tatlong dekada nga naman kasi ang nagdaan! Hindi ko nga natandaan pati ang simbahan na pinagdausan ng ordinasyon. Unless wala pang tatlong dekada ito.
Dahil busy lahat, wala na akong napagtanungan kung nasaan na kayâ si Fr. Arboleda. May mga matandang pari doon. Tinitingnan ko sila. Kayâ lang mahirap din silang makilala kasi nga naka-mask lahat. Saka takot din naman akong magtanong dahil baka di ko magustuhan ang sagot.
Nang mag-umpisa na ang misa doon ko lang na-realize na iyon pala ang unang misa ko sa loob ng simbahan magmulang magka-quarantine dahil sa pandemya. Istrikto sila sa seating arrangement. Talagang may nakapaskel na mga number sa mga upuan. Kada pew dalawa lang. Gusto ko ang physical distancing na ganito may pandemya man o wala. Doon ko lang din na-realize na magkakapag-communion na ako at last nang gin-announce ng leader (yung MC sa misa) na hindi na kailangang magpila sa komunyon. Hintayin raw ang pari na lumapit sa kinauupuan namin.
Naka-attend na rin ako ng ordination noong nang nagtuturo pa ako sa University of San Agustin. Ang pinakagusto kong bahagi ay ang Litany of the Saints. Yung pagtawag sa mga santo na bendisyunan ang mga inordinahang pari. Sabi nga ni Bishop Gaa kahapon, ito ang paraan ng pag-communion with saints. Inaawit o tina-chant ang Litany of the Saints nakadapa sa sahig ang nga inoordinahan. Nakaluhod naman ang lahat ng nasa simbahan.
Ang ganda talaga sa pandinig at pakiramdam ko Litany of the Saints. Ang lamig ng boses ng namumuno sa kanta. Napaiyak ako. Habang nananawagan kasi ang konggregasyon ng intercession mula sa nga Santo, naalala ko bigla ang pumutok na balita hinggil sa sinabi ni Popo Francis na pabor siya sa same-sex union na siyempre naging kontrobersiyal at marami tuloy homophobic posts ang nagsilabasan sa social media. Marami kasing bobo at bigot ang nag-akalang binigyan na ng Santo Papa ng blessing ang gay marriage. Bagamat hindi naman talagang hayagang binigyang bendisyon ng Santo Papa ang same-sex union (na iba sa same-sex marriage), nananawagan pa rin siya sa mga civil authority na igalang ang karapatan ng lahat para magkaroon ng pamilya, na by extention, kasama ang same-sex union.
Bilang isang Sirenang Katoliko at isang gay writer, lalong lumakas ang paniniwala ko sa Simbahanh Katolika dahil kay Papa Francisco. Hindi kasi siya homophobic at noon pa mang 2013 ay naringgan na siya sa pagsabing kung ang isang bakla raw ay naghahanap kay Kristo at may mabuting kalooban, sino naman daw siya para mag-judge?
Kayâ umiyak ako kahapon habang pinapakinggan at kasamang nananawagan sa mga santo ng Simbahang Katolika dahil bigla kong naiisip, na sana kung sino man sa kanila ang LGBTQ+ o naranasang umibig sa kaparehong kasarian habang nabubuhay pa sila, ipagdasal naman nila kami at proteksiyonan. Naipanalangin ko rin siyempre na sana ang mga bagong pari tulad nina Anthony, Keiv, at Levy ay mas maging malawak na rin ang pang-unawa gaya ni Pope Francis hinggil sa aming mga Katolikong LGBTQ+.

Kayâ siguro ganoon na lamang ako ka-emosyonal kahapon dahil noong isang araw ko lang natapos sulatin ang papel na babasahin ko para sa Philippine Queer Studies Conference 2020 na magsisimula bukas, October 26. Bahagi ako ng panel tungkol sa pagiging gay writer sa Catholic setting. Ang pamagat ng papel ko ay “Catolica Cerrada, Katolila Sirena: A Scandalous Conduct Book.”
Hindi ko piniling maging Katoliko. Isinilang ako sa pamilyang loyal na Katoliko. Ang term ng Tatay namin para sa mga kamag-anak o kakilalang lumipat sa ibang relihiyon ay “nagbuang” o nabaliw dahil sa frustration sa buhay. Ang edukasyon ko ay purely Catholic—mula prep sa silong ng kumbento ng katedral ng San Jose de Buenavista, Antique hanggang sa pag-PhD ko sa anino ng mga neo-classical na haligi ng De La Salle University. Kahit nga ang pagiging writer ko ay nagsimula sa isang Catholic magazine, ang HomeLife.
Kayâ ang dalangin ko sa mga santo kahapon, huwag naman ninyo kaming pabayaan. Naging faithful at patuloy na magiging faithful naman kami sa simbahan at sa Diyos na makapangyarihan sa lahat. Naniniwala akong nakikinig ang mga santo. Hindi nga ako magtataka kung sila ang may pakana kung bakit naging Santo Papa si Jorge Mario Bergoglio.
(Oktubre 25, 2020 / Manila)