Alas-nuwebe singko na ng gabi. Katatapos ko lang magdasal at kahihiga lang. May bumibirit sa karaoke sa katabing bahay namin dito sa Pasig na kada weekend yata nang magsimulang mag-GCQ ang Metro Manila ay may nagbi-birthday sa kanila.
“Kastilyong Buhangin” ang kinakanta. In fairness buo ang boses ng kumakanta at konting praktis pa ay maaari nang mag-audition sa Tawag ng Tanghalan. Siyempre ibang usapan na kung matatanggap siya o hindi.
Okay lang naman sa akin ang ingay ng karaoke. Nakakatulog kasi ako kahit na maingay. Ang tawag dito ng isang kaibigan ko ay “masa.” Masandal lang ay hihilik na. Wala akong kaartehan pagdating sa pagtulog. Basta alas-otso na ng gabi, automatic nang aantukin ako kahit kaiinom lang ng kape o umiinom pa ng kape! Ang tawag ko dito, talent. Talent sa pagtulog nang mahimbing kahit maingay at kahit hindi kumportable ang higaan.
Minsan kinumisyon ako ng isang NGO na mag-document ng iba’t ibang paraan ng housing project ng isang samahan ng mga homeless people sa Metro Manila at Lungsod Iloilo. Siyempre limitado ang badyet nila. Nang bisitahin ko ang mga housing project nila sa Payatas, sa Quezon City, at Muntinlupa, doon ako sa opisina nila sa isang seminaryo sa Tandang Sora pinatira. Sa Iloilo pa ako nagtuturo noon. Very spartan ang accommodation. Walang unan, walang banig, walang kumot! Hindi na ako nag-inarte pa kasi nga di ba NGO para sa mga homeless. Ang knapsack ko ang ginawa kong unan. Ang banig at kumot, mga taba ko sa katawan! Paghiga ko, lipad agad ako to dreamland! Hilik galore pa rin ako! Doon ko na-test ang talent ko sa pagtulog.
Hindi naman talaga tungkol sa pagtulog ang sanaysay na ito. Tungkol ito sa kinakantang “Kastilyong Buhangin” sa kapitbahay. Ramdam ko kasi ang emote ni kuyang bumibirit. Naiisip ko lang, siguro kung wala itong karaoke baka marami na ang naghurumentado o nabaliw dahil sa pandemya, at dahil sa hirap ng buhay sa Filipinas in general.
Ang tawag ko sa bigay na bigay na pagbirit sa karaoke, carry man ang tune o sintunado, ay “pautwas.” Salitang Kinaray-a at Hiligaynon para sa pagpapakawala ng hugot, ng matinding damdamin. Pautwas ang nakikita kong maaaring panumbas sa catharsis ng mga sinaunang Griyego.
Kung pagsalba lamang sa mental health ang pag-usapan, sana ang 300+ milyong piso na pinambili sa dolomite para maging pekeng white sand sa Manila Bay ay pinambili na lang ng karaoke machine para sa mga depress na barangay sa Kamaynilaan! Hindi pa ito mawa-wash in o mawa-wash out.
Mabigat talaga sa damdamin kapag ang pag-ibig mo ay kastilyong buhangin lang pala, white sand man o black sand. Konting alon lang, konting pagtaas lang ng tubig ay madudurog o matutumba na. Sana pala kinanta muna ito ng secretary at mga undersecretary ng DENR bago sila bumili ng dolomite sa Cebu. Tuloy kapag napapabalitang may paparating na bagyo o malakas na ulan ay nininerbiyos ang mga Dutertard! Nakakasama pa yata ito sa kung anumang natitirang katinuan nila.
Kaninang umaga, habang nagwo-walking ako sa Taft Avenue sa labas ng La Salle, nag-LQ ang magdyowang heterong pulubi na ilang umaga ko nang nadadaanang natutulog sa karton sa sidewalk sa tabi ng bakod ng unibersidad. Katabi nila ang tatlong sako ng mga boteng natipon nila. Last week nga, binigyan ko sila ng pang-almusal nila.
Ang sweet nila. Magkayakap sila habang natutulog at wala silang paki sa mga dumadaang tao, dyip, bus, at LRT. Pero kanina, gising na sila nang mag-walking ako. Nasa island sila ng Taft. Galit ang babae. Sa magkabilang dulo sila. Sinigawan ng lalaki ang babae. Lalong nagalit ang babae at pumulot ito ng bato. Tindig ang kaniyang buhok. Hindi ko alam kung dahil sa gálit o dahil sa dumi at alikabok. Sa tingin ko sa kanila, bago pa yata nagkapandemya ang last nilang ligo! Naka-mask ako kapag dumadaan sa kanila kayâ di ko sila naaamoy.
Deadmatology lang ako. Tuloy ako sa pagwo-walking dahil ang goal ko ay 5,000 steps. Pagbalik ko sa Velasco Gate ng La Salle, nasa labas na ng gate ang dalawang security guard at ang tatlong janitor ng La Salle na nagwawalis ng sidewalk. May pinapanood sila. Maya-maya nandiyan na ang babaeng pulubi. May hawak na kutsilyo! Hinahabol ang lalaki. Habulan galore sa Taft Avenue!
Tuloy pa rin ako sa pag-abot sa goal kong 5,000 steps. Medyo natakot ako sa babaeng may hawak na kutsilyo. Pero iniisip ko, puwede naman akong tumakbo sa nearest gate ng La Salle at papasukin naman siguro ako ng guard kung may humahabol sa akin na babaeng may kutsilyo! Closed campus pa kasi ang La Salle at kailangan ng special permit kung gusto mong pumasok.
May dumating na police mobile. Naisip ko, baka may guard na tumawag sa police station tungkol sa dalawang pulubi. Ang bilis ng mga pulis in fairness. Pero nang tiningnan ko ang police mobile, wala naman doon ang babaeng may hawak na kutsilyo. Naisip ko baka nagtago sila. Nandoon pala ang mga pulis para mag-set up ng checkpoint. Hinaharang nila at pinapahinto ang mga nakamotorsiklo.
Tuloy pa rin ako sa goal kong 5,000 steps. Pagdaan ko muli sa puwesto ng magdyowang pulubi, nandoon na sila. Ang babae nakahiga uli at parang pagod na pagod. Ang lalaki, nag-iimbentaryo ng kaniyang mga kalakal. Hindi na sila galit. Ang kutsilyo, nakapatong sa bakod ng La Salle katabi ng lalaki. Kutsilyong pangkusina ito na itinapon dahil mapurol na.
Naisip ko hindi pala sila nagpatayan kahit na parang galit na galit sila kanikanina lang sa isa’t isa. Ano yun, pautwas lamang? Dramarama sa umaga? Ni hindi man lang sila naghiwalay. Mukhang okey na agad sila. Ang bilis ng kiss and make up. Ni hindi ko pa nga na-achieve ang 5,000 steps ko.
Hindi kastilyong buhangin ang pagmamahalan nila. Baka kasing tibay pa nga ng mga haligi ng Henry Sy Sr. Hall! Sila pa rin sa hirap at sa hirap.
Kakainggit para sa isang not the marrying type tulad ko.
Alas-diyes diyes na. Tumigil na ang biritan sa kapitbahay. May rule kasi ang homeowners association namin na hanggang 10 lang ang karaoke. Pero may naririnig pa rin akong tawanan ng mga nag-iinuman na tila mga lasing na.
Antok na antok na ako.
(Nobyembre 7, 2020 Sabado / 10:15 ng Rosario, Pasig)