Bagyong Ulysses

Pagising-gising ako buong magdamag dahil sa walang tigil na pag-ungol ng hangin. Naririnig ko rin ang ulan na bumabangga sa fiber glass na bintana. Hindi pa masyadong malakas ang hangin at ulan nang matulog ako kagabi mga alas-diyes.

Balita na sa TV ngayong umaga habang nagkakape ako ang pagbaha sa Marikina lalo na sa Tumana. Baha na rin ang ilang bahagi ng San Mateo, Rizal. Binabaha na rin ang Bulacan. Sabi ni Mayor Marcelino Teodoro (hindi ko siya tito) parang Ondoy levels na raw itong bahang dala ni Ulysses. Signal number 3 dito sa Metro Manila kahapon pa. Kanselado na ang mga klase kahapon pa lamang.

Two weeks ago lang nanalanta ang supertyphoon na si Rolly. Napuruhan ang Catanduanes at buong Kabikolan. Sabi ng PAGASA dadaan din si Rolly dito sa Metro Manila na nasa ilalim ng signal number 4 noong Nobyembre 1 at 2. Buti na lamang hindi tumama ng Metro Manila. Pero ngayon itong si Ulysses, kahit signal number 3 lang ay feel na feel ng buong metropolis. Maraming lugar na ang binabaha at marami na ang humihingi ng tulong sa mga post sa Facebook.

Pasado alas-otso na ng umaga pero tuloy pa rin ang pagbuhos na malakas na ulan. Medyo tumigil na ang pagbayo ng malakas na hangin. Mukhang maging mala-Ondoy na nga siguro ang pagbaha ngayong araw.

Hindi ako masyadong nag-aalala para sa bahay namin sa Pasig ngayon. Si Sunshine ang nandoon ngayon at ang dalawang aso at tatlong pusa. Survivor kasi ang bahay na iyon. Noong Ondoy, hindi ito inabot ng baha kahit na baha ang lugar namin at ang mga kapitbahay. Mas mataas pala ang sa amin na hindi naman obvious kung walang baha. Naalala ko noong unang umaga pagkadaan ni Ondoy at lumabas ako sa basketball court na cluster namin at tagatuhod ang baha roon, nakita kong nagtatanggal ng tubig ang mga kapitbahay namin. Tinanong nila ako kung gaano ka lalim ang baha sa aming bahay. Nahiya akong magsabi na hindi inabot ng tubig ang sahig namin. Sumagot na lang ako ng, “Konti lang po.”

Sa Lifehomes Subdivision sa labas namin at sa Barangay De Castro malapit sa amin ay abot hanggang second floor ang tubig nang mag-Ondoy.

Naiisip ko ngayon baka hindi naman mauulit yung baha tulad ng Ondoy sa amin. After Ondoy kasi, inayos ang drainage system sa Ortigas Extension at maging ang drainage sa amin sa Flexihomes at sa Life Homes. Nilakihan nang bongga ang drainage sa Ortigas Extension papunta sa Floodway.

Naalala ko noong apat na taong gulang pa lamang si Juliet, after Ondoy na iyon, may malakas na bagyo rin. Pinuntahan niya ako sa kuwarto ko. “John, may tanong ako,” sabi niya at napansin kong suot niya ang knapsack niyang si Dora. “Kung tuloy-tuloy itong ulan at bahamas na talaga aalis na ba tayo dito sa bahay at sa tent na tayo titira?” tanong niya.

Natawa ako. Sabi ko, “Hindi naman siguro, Bhe. May second floor naman tayo. Kung aabutin ng baha ang first floor natin e di dito muna tayo sa second floor.” Natatawa rin ako sa “bahamas.” Hindi ko alam kung saan niya ito kinuha. Baka kay Sunshine. “Bakit mo naitanong, Bhe? Natatakot ka ba? Mag-pray na lamang tayo na titigil na itong ulan. Marami na ang mga lugar na binabaha,” sabi ko.

“Hindi ako takot,” sagot niya. “Gusto ko lang malaman kung aalis tayo para maihanda ko na ang mga gamit ko,” paliwanag niya at bumalik na siya sa kuwarto nila ni Tita Neneng. Natawa ako. Para kasi siyang matanda kung magsalita dahil hindi namin siya bini-baby talk. At sa tingin ko, may mga lamang damit na at laruan ang kaniyang knapsack na Dora.

Halos walang dumadaang sasakyan sa Taft Avenue ngayon na may baha na rin. Tahimik na rin ang LRT. Inanunsiyo na sa TV kanina na titigil muna ang biyahe ng mga tren ngayong may bagyo. Saan kaya nagsisilong ngayon ang mga pulubing nakatira sa ilalim ng LRT? Sa baba, may sumisigaw na mga pedicab driver. Hindi klaro kung nag-aagawan ba sila ng pasahero o naghaharutan lamang sa ulan.

Sana tumigil na itong ulan. Dadami kasi lalo ang mga bahay na lulubog. Marami na ring lugar na walang koryente. Hindi pa naman brown out dito sa amin. Saka may sariling genereytor naman ang building kung sakaling mag-brown out nga. Isa itong privilege kapag nakatira ka sa isang kondominyum.

8:53 ng umaga may Emergency Alert na naman ang NDRRMC. Signal number 3 pa rin ang Metro Manila kasama ang Bataan, Bulacan, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Zambales, Pangasinan, at Cavite. Ang sabi, “Asahan ang malakas na hangin na may kasamang pag-ulan sa loob ng 18 oras.”

Mukhang magiging mapaminsala pa itong si Ulysses. Pangalan ito na hiram sa isang bida ng epikong Griyego na matapos matagumpay na lusubin ang Troya ay inabot ng sampung taon ang paglalayag pauwi sa kaniyang kaharian sa Ithaca dahil masyado siyang pinahirapan ni Poseidon, ang diyos ng karagatan.

Sana huwag naman tayong masyadong pahirapan ni Ulysses ngayon.

(Nobyembre 12, 2020 Huwebes / 9:11 nu Tore ng Sirena, Malate)

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s