Hindi naman talaga ako mahilig mag-celebrate ng birthday. Palagi ko kasing naririnig kay Nanay noon na ang ika-7 at ang debut lang ang sini-celebrate, 18 sa mga babae at 21 para sa mga lalaki. Kayâ malaking party sa aming pamilya kapag may mag-seven sa aming magkakapatid. Isang baka at dalawang baboy ang itinutumba literally.
Sa likod ng bahay namin pinapatay ang panghandang hayop. Requirement na nandoon ang birthday celebrant kapag ginigilitan ang leeg ng baka at baboy na sinasahod sa baldi ang dugo para gawing dinuguan. Kukuha kasi ang lolo ko o lola ng dugo na ipapahid sa noo, mga pulso sa kamay, at tiyan para pampasuwerte yata at mailalayo ka sa mga madugong aksidente. Maligamgam pa sa balat ang malapot na dugo. Hindi puwedeng umayaw kasi kukurutin ka ni Nanay kahit birthday mo!
Noong Sabado, Nobyembre 14, ay 47th birthday ko. Noong nakaraang buwan nag-request ako sa kaibigan kong si Shirley na mag-breakfast kami sa birthday ko sa Café Ilang-Ilang sa Manila Hotel. Kayâ lang medyo risky pa ring kumain sa labas lalo na para kay Shirley na nag-aalaga sa matanda niyang ama. Kayâ last week ipinag-online shopping na lamang niya ako sa Landers. At nagulat ako, na tuwang-tuwa rin siyempre, na sa dami ay pang-Spiral na ng Sofitel ang worth o sobra pa nga. Kapag gusto kong mag-gitnang uring fantasya, si Shirley ang kasama ko.
Masuwerte raw ang numerong 7 kayâ iniisip kong masuwerte dapat ang ika-47 kong kaarawan. Pero ngayong taon ang COVID-19 pandemic. Ilang linggo bago ako mag-birthday, sunod-sunod ang pagdating ng bagyo sa ating arkipelago. Ilang araw bago ang birthday ko binaha nang bongga ang malaking bahagi ng mga lungsod ng Marikina, Quezon, at Pasig dito sa Metro Manila. Gayundin ang mga lalawigan ng Pampanga, Rizal at Bulacan. Sa araw mismo ng birthday ko, binabaha ang Cagayan at Isabela. Bisi si Sunshine sa pagtulong sa pangangalap ng mga donasyon para sa mga binaha. May asosasyon silang mga artista na Aktor at may mga katrabaho silang nabahaan na tinutulungan nila.
Si Sunshine ang ka-birthday date ko noong Sabado. Nag-lunch kami sa isang Vietnamese restaurant sa Eastwood City. Pero bago iyon, dumaan muna kami sa Padre Pio Shrine sa Libis upang magsindi ng kandila at magdasal. Tradisyon sa pamilya namin na magsimba ka kapag birthday mo. Bago umuwi, binilhan ako ni Sunshine ng chocolate cake sa Tous les Jours. Nag-i-insist siya na dapat sosyal ang cake ko dahil sa amin magla-lunch the next day ang ilang mga dating estudyante ko sa University of San Agustin.

Kinagabihan, nag-e-numan kami via video chat ng dalawang kaibigan kong journalist at isang economist. Siyempre hindi pang-birthday party ang usapan namin. Ang pandemya; ang baha sa Cagayan at Isabela; ang mga politikong magnanakaw mula noon hanggang ngayon; ang government officials na walang K kayâ lang malakas sa presidente, tuloy kung ano-ano ang pinanggagawa, pinagsasabi sa radyo at telebisyon, at pino-post sa social media; ang presidente na patulog-tulog at hindi talaga alam ang pagpapatakbo sa bansa; at ang mga bayarang trolls na nagpapakalat ng mga fake news na pinaniniwalaan at kinakapitan naman ng mga Dutertard. Samakatwid, hindi na nakikita ng mga kaibigan ko kung paano pa maaayos ang ating bansa. Mind you, mga hard nosed jounalist ito na ilang kudeta at giyera sa Mindanao na ang na-cover nila. Sabi ko naman sa kanila, edukasyon ang nakikita kong solusyon. Yung totoong edukasyon na ang emphasis ay ang pag-develop ng critical at creative thinking skills ng mga estudyante at hindi memorization para pumasa o mag-top ng mga board exam. Napapansin kasi namin na maraming mga nakapag-aral pero hindi nila gets na inuuto sila ng mga sinungaling na politiko.
Kahapon, Sunday, may munting salusalo, mañanita de sirena, sa bahay namin sa Pasig. Lima lang naman ang bisita namin dahil nga GCQ pa. Nagluto si Sunshine ng KBL at pancit. Ako naman, kahapon lang uli ako nagluto ng isang family recipe namin, ang adobong baka ni Lola Flora. Simpleng lunch lang. Ang mahalaga muli kaming nagkita-kita in person.

Overwhelming ang mga pagbating natanggap ko sa Facebook at Messenger. Sa dami, kaunting porsiyento lang ang nasasagot ko. Pero sinisikap kong i-heart lahat. Ito ang isang magandang dulot ng social media. Madaling bumati. Hindi ako nakakatanda ng mga petsa pero dahil sa FB, marami akong nababati ng Happy Birthday.
Suwerte nga siguro talaga ang numerong 47 para sa birthday ko. Kahit may pandemya at milyon-milyong Filipino ang nawalan ng trabaho, may trabaho pa rin ako. Kahit maraming lugar ang binaha kasama na ang Pasig, hindi binaha ang bahay namin. Kahit papaano, nakakatulong kaming magkakapatid sa mga kaibigan at kakilalang nangangailangan ng tulong.
Sa edad na 47 maraming libro na akong nasulat at nalathala. May PhD na ako at may permanent status na bilang guro sa De La Salle University. May kaunting ipon at mga investment na rin ako. Maraming bansa na ring napasyalan. May mga mapagmahal na mga kapatid at kaibigan. Bagamat may iniinom nang mga maintenance medicine para sa blood sugar at blood pressure, kontrolado pa naman ang mga ito. Hindi na masama na umabot ako ng 47 para sa isang bata noon na inakala ng marami na mamamatay nang maaga dahil na-diagnose ako ng rheumatic heart disease noong first year high school. Sabi ng isang teacher ko noon, “Kawawa ka naman hindi ka na makapag-asawa.” Hindi ko na matandaan kung sino siya. Ang nag-stick lang sa alaala ko ay ang sinabi niya. Kung alam lang ng titser kong iyon ang nangayayari sa love life at sex life ko ngayon, tiyak maiinggit siya!
Of course, may challenges pa rin naman sa buhay ko ngayon. Bilang panganay, marami pa akong dapat ayusin sa mga minana naming magkakapatid na mga ari-arian mula sa mga magulang namin. Kung tutuusin happy problem ito kayâ hindi ako dapat nagrereklamo.
Sabi nga nila kapag ang punong mangga maraming bunga, binabato talaga. Kayâ hindi talaga nawawala ang mga taong naiinggit sa ‘yo at gumagawa ng paraan na siraan ka. Pero dahil 47 na nga ako, cool lang ako. Lalo na’t kapag nag-i-inventory ako hinggil sa buhay ko, nakikita kong di hamak na mas maraming blessing ang natatanggap ko kaysa mga kabuwisitan sa buhay. Doon ako tumututok sa mga biyaya at pinasasalamatan ko ang Diyos araw-araw.
Hindi na ako masyadong vindictive at basagulera ngayon dahil nga 47 na ako. Naniniwala kasi ako sa karma. Lahat ng ginagawa mo, mabuti man o masama, bumabalik sa ‘yo. Kayâ trying hard akong maging mabuti para umani rin ng kabutihan. Nasaksihan ko kasi talaga ang nangyari sa mga taong gumawa sa akin ng masama. Talagang na-Carmi Martin sila. Nagiging Luz Valdez sa larangan ng buhay. Naniniwala pa rin talaga ako sa Divine Justice.
Masuwerte ako sa mga kapatid ko at sa mga kaibigan kong itinuturing kong mga kapatid. Mabait at generous sila sa akin. Kaligayahan na para sa akin ang makausap sila, makasama sa pagkain o sa pagkape.
Sa edad na 47, kaunti na lamang ang mga pangarap ko sa buhay o ang mga gusto ko para sa aking sarili. Maraming pagsubok na akong pinagdaanan. Survivor ako. Kuntento na ako sa buhay ko ngayon. Wala na akong apetite makipag-compete kahit kanino. Kilala ko na ang sarili ko. Bagamat mahalaga sa akin ang opinyon ng aking mga kapatid at kaibigan, hindi ko na kailangan pa ng validation mula sa ibang tao hinggil sa pagiging manunulat ko o sa buong pagkatao ko. Kilala ko na ang aking sarili at alam ko ang worth ko. Ang gusto ko na lamang ngayon ay magkaroon ng panahon upang makasama ang mga kapatid ko at ang mga totoong kaibigan. Ang definition ko ng “totoong kaibigan,” sila ang hindi nai-insecure at naiinggit sa ‘yo kasi nga kaibigan mo. Hindi ka nila sisiraan o sisirain para maiangat nila ang kanilang sarili.
Sa edad na 47, wala na akong pasensiyang makipagplastikan kahit kanino. Kapag gusto ko, gusto ko. Kapag hindi ko gusto, hindi ko gusto. Sa Diyos lang ako magpapa-impress.

Pinagsisikapan ko rin ngayon na lalong pagtibayin ang personal kong relasyon sa Poong Maykapal. Hiling ko palagi sa Kaniya na biyayaan ako ng pusong mapagpakumbaba, mapagpatawad, masayahin, at mapayapa. Inaalay ko sa Kaniya ang lahat-lahat sa buhay ko, at sana bigyan Niya ako ng sapat na talino upang malaman at matanggap ang mga bagay na gusto Niyang gawin ko para sa Kaniya kasi alam kong may katigasan ang ulo ko at tagipusuon.
47 pa lamang naman ako. May panahon pa ako na magsumikap para mas maging mabuting tao upang mapagsilbihan nang mas mabuti ang Mahal nga Makaaku. Ito na ngayon ang priority ko.
[Nobyembre 16, 2020 Lunes /6:20 ng Tore kang Katáw]