Parol sa Aking Tore

Isang bituin ang naggiya sa Tatlong Maaram upang matunton nila ang isang kamalig ng mga hayop sa Bethlehem kung saan ipinanganak si Hesus, ang tagapagligtas ng sangkatauhan. Ang bituing ito ay naging mga parol na ginagawang palamuti tuwing panahon na kapaskuhan. Ang bituin ding ito ang sinisimbolo ng bituin sa tuktok ng mga Christmas tree.

Bumili ako ng parol nitong linggo sa para sa aking Tore at isinabit sa bintana.

Hugis pinag-isang dalawang bituin ang aking parol. Isang bituin ng mga berdeng dahon, at pulang buko ng rosas naman ang isa. Sa gitna may dilaw na bulaklak at sa loob nito ay isang dilaw na bituin. Yari ito sa capiz kung kayâ elegante ang kulay kapag may ilaw. May hatid na malumanay na hagod sa damdamin kapag pinagmamasdan ko ito. Hatid ay saya ng Pasko at pag-asa ngayong panahon ng pandemya.

Binili ko ito sa Kultura sa Mall of Asia. Nang mag-date kasi kami ni Alice noong nakaraang buwan, may nakita akong puting parol na yari sa Capiz at naiimadyin ko na maganda itong isabit sa bintana ko sa aking Tore. Pero dahil pinapraktis ko ang delayed gratification sa aking pamimili, inisip kong babalikan ito pagkatapos ng dalawang linggo at tingnan ko kung gusto ko pa rin ito at saka bibilhin. Nitong medyo matanda na ako, nakokontrol ko na kahit papano ang aking pagiging impulsive buyer.

Hindi nawala sa isipan ko ang puting parol. Pinalipas ko ang dalawang linggo bago binalikan ito. At noong Martes sinadya ko ang MOA para dito. Nadismaya ako na walang nang natirang puting parol na capiz. Nabili na raw sabi ng sales lady na tinanong ko kung may stock pa sila. Limited lang daw ang deliveries ng mga parol sa kanila. Ang natira ay dalawang parol na lang na kulay berde at pula. Dahil nakapagpalagay na ako sa karpintero ng building namin ng hook sa aking bintana, binili ko na ang isa. Laking tuwa ko pagdating sa Tore dahil nang isinabit ko ito sa may bintana, bagay pala ang kulay nito sa Christmas curtain ko na green na may mga pulang poinsettia!

Gayunpaman naiisip ko, parang kalabisan na ang pagbili ko sa medyo may kamahalang parol na ito sa panahon na marami ang naghihirap dahil sa pandemya at mga nagdaang bagyo. Parang ako lang ang nakaisip gawin ito. Kapag tinitingann ko ang nga katabing gusali, isang unit lang sa katapat na building ang may nakasabit na Christmas lights sa balkonahe. Kahapon bumaba ako upang tingnan ang parol ko mula sa kalsada. Maliit ito masyado dahil nasa 18th floor ang unit ko subalit klaro ring namang makikita na parol ito. Sa aming building, bintana ko lang ang may ilaw.

Medyo nagi-guilty rin ako na bumili ako ng parol dahil noong nakaraang buwan, nang magkonsulta sa akin ang PhD student na dissertation mentee ko na si Joyce ay niregaluhan niya ako ng capiz na parol. Taga-Pampanga kasi siya at mga taga-Pampanga naman talaga ang magaling gumawa ng may ilaw na parol. Doon ko naman ito isinabit sa ibabaw ng maliit na fishpond ko sa harap ng gate ng bahay namin sa Pasig.

Pero ngayon habang pinagmamasdan ko ang parol sa aking bintana, hindi ako nagsisisi kung bakit ko binili ito. Bukod sa maganda, maganda itong paalala kung bakit may Pasko. Ipinagdiriwang ng Christian world ang pagkasilang sa dakilang Manunubos. Sa panahon ng pandemya marami ang kumakapit sa Panginoong Hesus tulad ko. Ang Pasko ay Pag-asa at ang parol ang isang paalaala nito.

Noong kabataan ko sa San Jose de Buenavista, Antique, inaabangan ko ang pagsulpot ng isang bituing parol kada Linggo ng Adbiyento sa katedral. Nakasabit ito sa kisame malapit sa altar. Yari ito sa papel de hapon. May kulay dilaw, pula, berde, at puti. Parami ito nang parami hanggang sa pagdating ng Pasko.

Noong maliit pa kaming magkakapatid palaging may malaking parol sa terrace ng aming bahay sa Maybato kapag Disyembre. Gawa ito ng mga preso at binibili ni Nanay sa Provincial Jail para makatulong.

Ngayong Pasko hindi kami makakauwi ni Sunshine sa Antique dahil sa pandemya. Kayâ itinayo namin ang Christmas Tree at nagkabit ng mga pamaskong dekorasyon sa bahay namin sa Pasig. Kayâ rin siguro parang naging obsessed ako na masabitan ng parol ang bintana ko rito sa aking Tore.

Magiging simple ang mga Christmas celebration ngayong taon. Simple lang naman talaga ang kapanganakan ni Hesus sa Bethlehem noon. Sana ang bawat butuing parol na makikita natin, maging paalala ito ng pag-asang malalampasan din natin itong pandemya sa ngalan at bugay ng ating Panginoon.

[Disyembre 4, 2020 / Malate, Manila]

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s