Hindi naman kailangan pang ipangalandakan ni Presidente Duterte na nabakunahan na ng hindi aprobadong bakuna ang mga close in security niya, ilang kasapi ng kaniyang gabinete, at mukhang maging siya (dahil nagtanong siya na kung dumating ba ang bakuna ng Pfizer puwede raw ba uli siyang magpaturok?), sa isang pamiting niya live on national TV. Ngunit sinabi pa rin niya ito at ngising aso pa siya. Gusto kasi niyang ipagdiinan na makapangyarihan siya, na kaya niyang yurakan ang batas, at walang magawa ang sinuman dahil siya ang “the best president in the whole solar system” na may 91% trust rating ayon sa mga survey.
Na ikaw ang presidente at okay lang sa ‘yo ang iligal na gawain at ipangalandakan mo pa sa telebisyon ay sintoma lamang ito ng sobrang kayabangan. Sabi nga nila, “ang isda ay nahuhuli sa bunganga.” Pero sa pagkakataong ito, kusang bumukas ang bunganga ng mayabang na isda at nag-isplok tungkol sa isang bagay na dapat sinekreto na lamang kasi hindi naman kailangan o dapat ipagmalaki.
Nakamamanghang kayabangan!
Ang iligal na pagbabakunang ito ay inamin na ng Armed Forces of the Philippines. Inamin na rin ng Presidential Security Group (PSG). Ipinagtanggol na rin ni Presidential Spokesperson Harry Roque na isang abogado.
Sa miting na iyon sa Malakanyang na tungkol sa bagong strain ng COVID-19 virus, naiimadyin kong labis na shakelya si Food and Drug Administration (FDA) director general Eric Domingo sa rebelasyong iyon ng presidente. Siyempre alam niya agad na hindi authorized ang bakunang ipinangangalandakan ng presidente. Ang anumang gamot o produktong pagkain na walang FDA approval ay iligal. Wala pang COVID-19 vaccine na inaprobahan ang FDA ng bansa.
As useless, clueless uli si Department of Health Secretary Francisco Duque III. Walang alam sa pagbabakuna sa bakuran ng Malakanyang. Kung ikaw ang health secretary at nagpaturok ng iligal na bakuna ang mga taong nakapaligid sa presidente at nasa gitna tayo ng pandemya, at nalaman mo na lamang ito na ipinagmamalaki na ng presidente sa isang miting live on national TV, may maiiwang dangal ka pa ba bilang DOH secretary?
Sabi ng PSG ginawa raw nila ang pagbabakuna ng hindi aprobadong bakuna sa ilang tauhan nila na palaging kadikit ng presidente para protektahan “at all cost” ang commander in chief at para sa ngalan ng “national security.” Kung aprobado at ligal ang bakuna kontra COVID-19, wala naman talaga sanang masyadong problema. Senior citizen ang presidente at bahagi ng vulnerable sector, at maaaring ituring na frontliner ang mga PSG. Ang problema, iligal nga ang ginawa nilang pagturok ng hindi aprobadong bakuna at gin-smuggle nila ito papasok ng bansa.
Ang pagyurak sa FDA at DOH ng iligal na pagbabakunang ito ang tototong threat to national security. Sa katunayan, banta ito sa kabuoang rule of law sa bansa. Ang pagyurak at bantang ito ay nanggagaling mismo sa Malakanyang! Patapos na ang administrasyong Duterte at isa sa mga iiwan nitong legacy ay ang pagsira sa mga institusyon ng pamahalaan.
Nitong Disyembre nag-umpisa nang magbakuna sa Inglatera, Estados Unidos, at mga bansa sa Europa. Silang mayayamang “Western countries.” Bakunang inimbento nila at uunahin nila siyempre ang kanilang mga sarili. Tayo dito sa Filipinas at iba pang mga purita kalaw na bansa, mamatay na lang muna sa inggit habang nanonood sa telebisyon.
At gaya ng inaasahan, sa mga mahirap na bansa tulad natin, uunahin siyempre ng mga nasa kapangyarihan at mayayaman ang sarili nila. Ito ang pinatunayan ng iligal na pagbabakunang ito sa Malakanyang.
Ngayong nabakunahan na laban sa COVID-19 ang ilang mga taga-Malakanyang, nganga lang muna ang mga Dutertard at Yellowtard habang nagkakandarapa pa ang pamahalaan kung saan makabili at makautang ng bakuna kontra COVID-19. Yung aprobado at ligal na bakuna siyempre. “Mask, Hugas, Iwas” lang muna tayo at magdasal nang mahigpit na huwag ma-COVID.
Ang mga sinaunang Griyego ay may kataga para sa sobrang kayabangan: “hubris.” Sa Greek Tragedy ito yung karakter na sa sobrang yabang ay nagmamalaki kahit sa harap ng mga diyos. Siyempre parurusuhan siya ng mga diyos at padadalhan ng nemesis o kalaban na magpapabagsak sa kaniya.
Babagsak ba si Duterte dahil sa isyung ito ng iligal na pagbabakuna? Siyempre ipagdadasal ng mga oposisyon at Yellowtard na sana, “wish ko lang.” Magdadasal din siyempre ang mga Dutertard na iadya sa lahat ng masama si “Tatay” nila. Ang siguradong bagsak ay ang pag-iral ng batas sa ating minamahal na bansang isinumpa na yata ng mga diyos.