Matagal na akong mahilig maglakad. Hindi ako athletic na tao kayâ itong paglalakad na ang pinaka-sports ko. Nakakapagrelaks kasi ako kapag naglalakad. Nakakapag-isip lalo na kapag may gustong isulat o may sinusulat.
Ngayong unang araw ng taon masaya ako at naka-8,061 steps ako ayon sa pedometer ng aking iPhone. Katumbas rin ito ng paglalakad ng 4.9 kilometro.
Nitong Christmas break dito sa Pasig nadiskubre kong okey mag-walking sa pinagdugtong na dalawang mall na Choice at Lucky Gold na mga sampung minutong lakad mula rito sa bahay namin. Papunta pa lamang doon ay nakaka-1,200+ na ako. Masyado kasing maraming tao at sasakyan sa daan dito sa amin. Mahirap mag-walking sa sidewalk. May mga nagtitinda pa sa sidewalk. Kayâ sa loob ako ng mall naglalakad. Iniisip ko, required namang naka-facemask at faceshield ang mga pumapasok sa mall. Tinitsek din ng guard ang temperatura. Lumiliit ang chance ng hawaan. Pero siyempre, may ilan talagang hirap sumunod sa patakaran. Kapag nasa loob na ng mall, tinatanggal nila ang kanilang faceshield. Mayroon ding labas pa rin ang ilong sa facemask. Tulad kanina, may cute sanang lalaki pero ang faceshield niya ay nakasabit sa likurang bahagi ng leeg niya. Tempted ako na sabihan siya ng, “Hi Guwapo! Takot kang ma-COVID ang batok mo?” Kayâ lang baka batukan niya ako!
Kapag mag-Google ka tungkol sa kung ano-ano ang mga benepisyo ng pag-walking bilang ehersisyo, laging lumalabas na mabisa ang paglalakad upang maaiwasan ang mga sakit sa puso, labis na katabaan, dayabetes, alta presyon, depresyon, at ang kanser sa suso at colon. Ang maganda sa walking bilang ehersisyo, libre ito. Walang babayaran na mga membership fee.
Ayon sa isang pag-aaral na nalathala sa scientific journal na Nature noong 2017, mayroong “global pandemic of physical inactivity.” May kinalaman ang pandemyang ito sa 5.3 milyong pagkamatay kada taon sa buong mundo. Hindi lamang COVID-19 ang pandemyang pumapatay nang marami sa ngayon. Sabi nga nila, kailangang gumalaw-galaw upang huwag pumanaw!
Naging mas masigasig ako sa pagwo-walking nang ma-diagnose akong may dayabetes at alta presyon noong 40 taong gulang. Sabi kasi ng doktor ko kailangan kong mag-regular exercise.
Noong nagtatrabaho pa ako sa mga lungsod ng Puerto Princesa at Iloilo, pagwo-walking ang exercise ko. Gayundin nang nasa Miriam College pa ako nagtuturo. Maganda ang campus dahil maraming punongkahoy at mga halaman. Kayâ gustong-gusto ko sa Lenhovda kung tag-araw dahil lakad ako nang lakad at napakaraming mga ligaw na bulaklak sa daraanan. Masarap din maglakad sa mga lungsod ng Stockholm, Lübeck, Krakow, at Prague dahil may mga sidewalk sila at magaganda ang arkitektura. Hindi mo mapapansing ilang oras ka na palang naglalakad. Ang problema dito sa Metro Manila, hindi walking friendly ang ating mga lungsod.
Nitong nagdaang 2020 malaki ang epekto ng mga lockdown dahil sa pandemya sa paglalakad ko. Ayon sa aking iPhone ang average ng nilakad ko noong 2019 ay 5,920. Nitong 2020 ay 3,057. Mga kalahati talaga.
Noong Nobyembre napansin ko na wala pa sa kalahati ang average ng paglalakad ko sa taong 2020 kumpara noong 2019. Iyon ang goal na hinabol ko. Ang mangalahati man lamang. At nagawa ko naman! Sobra sa kalahati pa nga.
Grabe talaga ang impact ng pandemya sa paglalakad ko. Noon kasing may pasok pa sa kampus, madali lang para sa akin ang magka-5,000 steps sa pag-akyat-baba sa Department namin at paglilipat ng mga building para magklase. Kapag pauwi na ako at i-tsek ko kung nakailang steps ako, kung minsan isa o dalawang libo na lamang ang kulang at maabot ko na ang 10,000. Ayon sa healthline.com ang average na paglalakad ng mga guro sa Australia sa isang araw ay 12,564 steps. Siyempre, hindi ito totoo kung fully online ang mga klase.
Ayon sa mga pag-aaral, 10,000 steps a day raw ang rekomendado para healthy. Mayroon namang pag-aaral na nagsasabing sapat na ang 5,000 steps a day.
Ang New Year’s resolution ko for 2021 ay mas maraming hakbang araw-araw. Ang target ko, dapat at least maka-5,000 daily. At tatlong beses kada linggo, dapat maka-10,000. Kanina, naka-8,000+ ako. Not bad para sa unang araw ng taon.