
Para maabot ko ang aking goal na 10K steps ngayong araw ng Linggo, naisip ko kahapon na mag-walking ngayong umaga sa Luneta at pagkatapos mag-breakfast o brunch sa Intramuros. Gin-PM ko si Pietros kung gusto niyang samahan ako. At dahil kaladkarin siya agad naman siyang umuo.
Kayâ paggising ko kanina mga 5:00 AM, nagkape agad ako at nagpandesal. Gusto ko kasi may laman ang tiyan ko bago mag-walking. Kailangan ko ring magkape agad para makapag-CR ako nang maaga. Ayaw kong maghanap ng CR sa Luneta o Intramuros.
Mga 7:15 ako umalis sa aming condominium building na nasa tabi ng La Salle. Mga 7:45 ako nakarating ng Taft Avenue entrance ng Luneta. Sarado! Akala ko kasi binubuksan ito kung umaga para sa mga nag-eehersisyo. Naloka ako. Tiningnan ko ang phone ko. May text si Pietros. Nasa taxi na raw siya at sa Taft na. Tinatanong niya kung nasaan na ako. Sagot ko sa harap ng Luneta at hihintayin ko siya. Tiningnan ko rin ang pedometer ng iPhone ko. Naka-3,842 steps lang ako. 2.4 kilometro lang pala ang layo ng Luneta sa condo ko. Malapit lang.
Mayâ-mayâ pa dumating na rin si Pietros. Sabi ko sa kaniya dumiretso na kami ng Intramuros. Napansin namin na medyo marami rin ang nagwo-walking at nagdya-jogging na disappointed dahil sarado ang Rizal Park. Naisip ko, siguro naman ang Intramuros ay bukas. Dahil kung hindi, tatawagan ko si poging Yorme Iskô at aawayin ko. Charot!
Bukas nga ang Intramuros! Sa bungad ang Puerta Real Gardens. Ito ang sarado. Sayang at gusto ko pa sanang ipakita kay Pietros ang hardin na ito na magandang venue para sa mga party tulad ng kasal at birthday. Naiisip ko nga, dito kaya ako mag-50th birthday? Paula at Candida ang theme.
Pagpasok namin ng tarangkahan ng Intramuros na nasa harap ng Pamantasang Lungsod ng Maynila (PLM), ang kalye pakaliwa ang unang pinuntahan namin. Iyon kasi ang hindi ko masyadong dinadaanan. Nagulat kaming malaman na malaki pala ang PLM. Para kasing maliit lang tingnan. Isang block pala ang haba nito. At sa likod nasilip namin ang loob at maraming gusali pala ito. May isang building sila na may pinto sa tabingkalsada. Maganda ang disenyo nito na parang lumang bahay na pang-Intramuros ang arkitektura. Napakuha ako ng larawan dito dahil sabi ko kay Pietros, ipapagaya ko ito kapag magpagawa ako ng sarili kong bahay balang-araw.

Sa kabilang kalsada ng magandang gusaling ito ang hardin ng Balauarte de San Diego na isang venue rin para sa parties. Sarado rin ito ngayong may pandemic.
Hindi ganoon karami ang mga tao sa Intramuros kaninang umaga. To think na Linggo at pista pa ni Señor Santo Niño. May mga misa pa rin naman sa San Agustin Church at sa Manila Cathedral pero limitado lamang ang pinapapasok dahil ipinapatupad ang physical distancing. Naalala ko tuloy si Manang Sabel. Kapag nagdi-date kami, Saturday o Sunday at nagkikita kami sa San Agustin Church dahil ang una naming activity, bago kumain at magtsismis, ay ang pagsisimba muna. Hindi na muna kami nagkikita sa Intramuros ngayon dahil kabilang siya sa vulnerable sectors sa COVID-19. Senior citizen na siya at cancer survivor pa.
Wala ring mga banyagang turista ngayon. Madalas kasi ilang bus sila, at maiingay at magugulo. Lalo na ang nga Tsino na turista. May nahuli pa nga minsan na tumae sa isang pader. Kung walang pandemya, marami rin ang nagpi-field trip na mga estudyante at bus-bus din sila. Noong nagtuturo pa ako sa Miriam College, nagbo-volunteer akong maging faculty chaperon sa mga field tirp ng history classes at itong Intramuros ang laging una sa itinerary.
Maganda talaga ang Intramuros sabi namin ni Pietros. Sana i-restore pa ang ibang mga gusali at linisin pa ito. Kapag nagtuturo ako ng Philippine Literature, bago namin talakayin ang dulang “A Portrait of the Artist as Filipino” ni Nick Joaquin, pinapapunta ko muna ang mga estudyante ko sa Intramuros at pinapagawa ko sila ng isang dokumentaryo na ang pamagat ang “Looking for Paula and Candida in Intramuros.” Maraming mga estudyante ako na kahit ipinanganak at lumaki sila sa Metro Manila ay hindi sila nakapamasyal sa Intramuros. Ang ilan sa kanila talagang nagpapasalamat sa akin na ni-require ko sila na pumunta ng Intramuros dahil nagulat silang may ganito palang lugar dito sa Manila na mala-Europa ang peg. Siyempre marami pang pangit na part ang Intramuros. Pero ang malaking bahagi nito ay maganda nang pasyalan. Tulad halimbawa ng Fort Santiago na maganda na ang pagkaayos. Ang kaso, sarado rin ang Fort Santiago ngayong may pandemic.
Dahil sa Germany lumaki si Pietros madalas naming pag-usapan ang bansang ito at ang mga manunulat na German lalo na si Thomas Mann. Sabi ko nga sa kaniya, ang old town ng Lübeck ay parang Intramuros din. Walled city rin. Mas bongga nga lang ang gate at napapalibutan ito ng ilog. Siyempre mas well-preserved din ang mga gusali sa Lübeck tulad na lamang ng Buddenbrookes House na isang literary museum tungkol kina Thomas at Henrick Mann. Magkapatid na manunulat na parehong magaling. Sabi ni Pietros well-preserved ang Lübeck dahil hindi ito binomba noong World War II. Hindi tulad ng Berlin at Manila na nadurog talaga dahil sa pambobomba.
Nag-brunch kami sa Ristorante delle Mítre, ang restawran sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na nasa tapat lang ng San Agustin Church. Ito ang paborito kong restawran sa Intramuros bukod sa Ilustrado. Breakfast ang inorder namin. Homemade longganisa ang sa akin at boneless bangus naman ang kay Pietros. Nag-order din kami ng bihon at apat na piraso ng malunggay pandesal. Nakatutuwa ang restawrang ito dahil buhay obispo ang motif. May mga naka-display na mga estatwa ng santo at mga mítre. May painting pa nga ni San Pedro Calungsod at naalala ko tuloy ang seksing basketball player na taga-Iloilo na naging model para sa image ni Calungsod para sa kaniyang beatification noong nasa kolehiyo pa ako sa San Agustin sa Iloilo. Ikinuwento ko kay Pietros ang trivia na ito.
Natutuwa rin ako sa menu ng Mítre. Ang mga pagkain nila ay nakapangalan sa mga obispo. Halimbawa may isang breakfast set na nakapangalan sa obispong kaibigan ng nasira kong Ina na tambay ng simbahan noong nabubuhay pa siya. “Bishop Jose Romeo Lazo’s (Bishop of Antique) Fried Danggit with Sunny side-up Egg and Garlic Rice.” Simpleng pagkain lang para sa isang mild-mannered at maliit na obispo na kahit Archbishop of Jaro na siya ngayon ay low profile at humble pa rin. Naalala ko noong obispo pa siya ng Aklan ay may guro ng Aklan Catholic College (nasa ilalim ito ng pamamahala ng obispo) na estudyante namin sa MA in Literature sa San Agustin na namatay dahil sa atake sa puso. Nag-attend kami ng misa sa Aklan at si Bishop Lazo ang nagmisa. Pagkatapos ng misa ay lumapit ako sa kaniya ang nagmano. Nagpakilala rin ako na anak ng kaibigan niyang si Bebe Teodoro at guro ako sa San Agustin ng namatay nilang faculty. Inakbayan niya ako at binulongan ng, “Naku, baka namatay siya dahil masyado mong pinahirapan sa klase mo.” Nagtambling ako sa joke niyang iyon!
Gayupaman, kahit pabalik-balik ako ng Mítre, hindi ko pa rin inoorder ang danggit ni Bishop Lazo dahil ayaw ko ng maalat na ulam. “Pietros, itong kay Bishop Lazo ang orderin mo. Kaibigan ng nanay ko ‘yan,” sabi ko. Ngumiti lang siya at bangus ang inorder. Hindi ko na inalam kung kaninong obispo nakapangalan ang bangus.
Pagkatapos naming kumain ay naglakad muli kami patungo sa Silahis Arts and Crafts sa General Luna St. Sa likod nito ang Ilustrado. Itong Silahis ang paborito kong pasyalan sa Intramuros. Ang first floor at mezzanine lang nila ang bukas. Simula nang mag-lockdown, isinara daw muna nila ang second floor kung nasaan ang Tradewinds Bookshop na nabibilhan ko ng rare Filipiniana, at ang third floor na kinalalagyan ng isang art gallery na palagi kong binabalikbalikan kahit wala naman akong binibili dahil gusto ko lang ang pakiramdam na pumasok sa mga silid na punô ng mga peynting.
Una kong tiningnan ang mga artwork nilang naka-sale. May nakita uli akong rubber cut print na gawa ni Jonathan Rañola. Afford ng wallet ko kayâ binili ko agad. Last year kasi, may isang rubber cut print din na ulo ni Jesus na binili ako na naka-sale din. Binili ko dahil maganda at afford ko. Nang mapa-frame ko ito, aba, naging mukhang mamahaling artwork! Tiningnan ko ang pangalan ng painter at nag-Google. Sikat pala ang artist na taga-Bulacan na nag-aral ng fine arts sa University of Santo Tomas at University of the Philippines Diliman. Maraming children’s book na pala siyang na-illustrate. Hayan, may pangalawa na akong Jonathan Rañola.

Nag-enjoy si Pietros sa pagtingin ng native products na basket. Enjoy din kami sa pag-examine ng mga muwebles na yari sa narra, kamagong, at molave. Mayroon pa rin silang set ng mesa at mga upuang batibot na matagal ko nang gustong bilhin. Ang nabili ko pa lamang sa Silahis na muwebles ay ang Maranao chest na ginagawa kong coffetable sa sala ko sa condo.

Bago mag-alas-dose ng tanghali nang lumabas kami ni Pietros ng Silahis. Nag-abang kami ng taxi at sumakay pabalik sa condo ko. Dahil bawal pa rin magpapasok ng bisita sa condo building namin bilang pag-iingat sa COVID-19 hindi ko na siya inimbita na umakyat. Nagpaalam na agad siya at naglakad pauwi sa condo nila sa Pasay.
Nang tiningnan ko ang pedometer ng iPhone ko, naka-10,667 steps din ako! 7.2 kilometro din ang nilakad ko buong umaga. Masayang-masaya siyempre ako. Ito ang aktibidad na masarap ulit-ulitin.